Skinpress Rss

Chicken Adobo - A Love Story 5


image credit to komwari
-a must a read!!! - CNN
-ang di magbasa kulang sa vitamins - kuya kim
-pagpasensyahan nyo na ang spelling at typos - principal
-ipamalita mo sa 10 tao at may swerteng darating sayo sa akinse at katapusan - unknown

"Bakit nasa tabi ko ang babaeng to?" Anong gagawin ko kapag nagising ang babaeng ito? Hindi pa naman ako marunong magpaamo ng dragon.

Iniangat ko ng marahan ang paa ni Kathy Belarmino na kasing bigat ng trosong itinumba ng bagyo. Tumayo ako ng kama at maingat na naglakad palayo. Nasalubong ko pa ang picture nina erpat na tila nakangiting nang-aasar bago ako pumasok ng banyo. Ipinangako ko pa naman sa kanila na hindi ako gagawa ng bagay na ikasisira ng aming apelyido.

Ibinabad ko ang aking mukha sa lagaslas ng tubig mula sa gripo. Wala akong paghugutan ng alaala kung ano ang nangyari at kung paano ako nakauwi kagabi. Chineck ko ang dapat icheck. Hindi malinaw. Ang tangi kong natatandaan ay ang mga detalye sa pagdaan namin sa isang music bar. Nakadalawa o tatlong kanta siya sa stage. Akala ko noong una ikakahiya ko ang pagkanta niya pero sa halip naging proud ako. "Kasama ko 'yan!" sigaw ko pa kagabi. Muntik mawalan ang trabaho ang vocalist. Kung may dala akong ballpen malamang nagprisinta agad akong maging manager. Napatunayan kong matataas talaga ang boses ng mga nagger na tao. Sana kapag magkausap kami palagi siyang kumakanta para naman may lambing.

"Alam mo ba kung ano ang tanging paraan para makinig o kausapin ang puso?" tanong sa akin ni Kathy.

"Ano?"

"Music. Aminin man o hindi ng tao, may pagkakataon na umpisa pa lamang ng tugtog masaya na o maiiyak na agad."

Magsasalita pa sana ako nang may lumapit na lalaki kay Kathy Belarmino. Archie ang pakilala ng nagkukunyaring bida sa kwento ito. Eh ano ngayon kung nagsusumigaw ang muscle niya sa suot na sando, dakilang extra pa din siya. Hindi bale, kapag sinipag ako pwede ng ihilera kay Jake Cuenca sa paramihan ng tinapay sa tiyan. Medyo hindi ako natuwa sa takbo ng sunod na mga eksena, parang walang companion si Kathy kung umasal. Nagkaroon pa ng exchanges ng numbers. Ang nakapagtataka, halos magdikit ang ilong nila habang nag-uusap. Samantalang kanina pudpod na ang brush hindi pa naipipinta ang kanyang mukha sa dami ng luha. Weird. "Hello World, kasama mo ako Kathy!" sigaw ng isip ko.

Gusto ko sanang magsalita na pero nagsettle na ako sa harap ng bar. The best ang reposado tequila sa larangan ng lasingan. Iyong barista na si Andrea na inakala kong galing sa buwan ay bigla na lamang nagsalita. Kung hindi nga niya ako kinalabit sa braso hindi ko malalaman na ako ang kausap niya. Nagkwento tungkol sa kausap ni Kathy, kung may competition daw ng Mr. Flirt malamang undisputed si Archie. Sa itsura naman ng bar, lahat siguro ng papasok doon ay open flirting.

"Kaya ikaw, iingatan mo ang girlfriend mo! Malayo ang ugali ni Archie sa pinakikita niya!" dugtong ni Andrea.

"Hindi ko siya girlfriend, " sagot ko. "Tsaka malaki na 'yan, hindi na siguro siya padedehado sa ganitong klase ng kalandian."

"Concern lang ako sa kaibigan mo."

"Hindi siya matututo ng tama kung hindi niya alam kung paano magkamali. Minsan lang siya maging center of attraction kaya hindi ko na i-spoil ang pagkakataon na iyon."

"Maganda siya para maging kaibigan mo lang at mukhang bait naman."

"Nakapanood ka na ba ng cinderella noong bata?"

"Oo naman. Bakit? Mala-cinderella ang buhay niya?"

"Oo. Siya ang evil sister. Hayaan mo na muna sila. Sa ngayon, lets enjoy."

"I'am Andrea. Barista, gitarista, gimikera at minsan voice coach."

"Andrea.. Nabasa ko nga sa nameplate mo. I'm Rafael. Entrepreneur minsan tumatanggap din ng labada."

"Bukod pala sa pagiging cute, palabiro ka."

"Ang pagiging cute natural na pero iyong palabiro depende na sa kausap."

"Ganyan ka ba talaga? Parang nakapalalim mo na tao. May laman ang sinasabi."

"Kapag tinatamaan lamang ng alak. Pero kung wala, kagaya mo lang din ako, hindi madamot ngumiti at madali makaappreciate."

"So kapag nakasalubong kita ng walang tama, ngingitian mo agad ako?"

"Syempre! Malayo ka pa lang nakangiti na agad. Mas matindi pa sa ngiti ni Mc Donalds."


Siguro lahat ng barista built-in na ang pagiging friendly. Daig pa nila ang mga hunyango sa larangan ng adaptation. Habang nagkukwento siya lumalaki din ang binabayaran ko. Lumabas ako ng bar para lumanghap ng smoke-free na hangin at para masagip ang bulsa ko sa pagguho. Ano kayang nangyari na kay Kathy Belarmino? Hindi ko na siya napansin kanina sa karamihan ng tao.

Tinatamaan na ako ng antok. Hindi ko na mahintay si Kathy. Napagdesisyunan kong bumalik ng kotse at doon na lamang maghintay. Naglakad ako sa tuwid na linya ng parking lot, ilang beses akong sumablay kaya alam kong mas matangkad pa sa akin ang tama ko.

"Anak ng tinola!" Iyong hinihintay ko nasa kotse na. Prenteng prenteng nakahiga sa back seat.

--

May bisita nga pala ako. Sumugod ako sa kusina para maghanda ng pagkain. Isinabay ko na din ang paglilinis para hindi naman pagkamalan na entrance ng jungle. Totoo nga palang may pagkakataong hindi matandaan ang nangyari kapag diluted ng alcohol ang utak.

Kumuha ako ng yelo sa ref. Binalot ko ng tela ang yelo matapos ay idikit ko sa aking ulo. Ilang minuto akong nanatiling sa ganoon itsura. Daig ko pa ang binubog sa tindi ng sakit ng ulo. Ilang beses ko ng isinumpa ang alak pero talaga malakas ang bisa. Bakit nga ba ginawang masakit sa ulo ang alak?

Nakatulog na pala ako sa mesa. Tumakbo ako sa kwarto para gisingin ang babaeng nagpapagulo ng buhay ko. "Kathy?" Wala. Bukas ang banyo wala din siya doon. Pagtingin ko sa salamin may catsup ako sa pisngi. Malamang pinaglaruan ako ni Kathy noong natutulog at nakuha pa akong lagyan ng catsup. "Napakaloko."


Hindi ko alam kung papasok pa ako. Parang may multong sasalubong sa akin sa Art Class. Huwag naman sanang may caricature na nadaganan ng hita sa kama. Lahat ng bagay pakiramdam ko ay nasa slow phase. Tinalo ko pa ang member ng Armegedon sa bagal ng lakad.

"Iniiwasan mo ba ako?" tanong ni Kathy Belarmino. Nakahalata ang may babaeng may kasing bigat ng troso na hita.

Bakit ko nga ba siya iniiwasan? Hindi ko nga alam kung ano ang nangyari kagabi. Nakakahiya naman itanong. Hanggang music bar lang ang kayang balikan alaala ko. Okay aaminin ko, dumikit ang labi ko sa pisngi niya. Pero hindi ko iyon sinasadya. Sinubukan ko lang ayusin ang higa niya sa backseat para hindi mahulog kapag umandar ang ang kotse. Inagaw na ng alak ang lakas ko kaya hindi na kinaya ng katawan ko ang bigay ni Kathy. Nanghina ako kaya sinubukan ko na lang siya iupo at isandal. Hinawakan ko siya sa balikat, hindi ko naman inaasahan na biglang gagalaw ang ulo niya kaya biglang dumikit ang pisngi niya sa lips ko. Aksidente lang. Wala naman siguro masama. Okay, okay! Naguguilty ako. Malapit sa lips niya hindi talaga pisngi. Oo na! I kissed her! Kung kiss man ang tawag dun! Matagal agad ako nakakilos kagabi kaya hindi agad ako nakapagdrive para kasing may kuryenteng dumaan sa katawan ko. Weird nga e.

"Hindi. Nalimutan ko ang gamit ko sa kotse. Kukunin ko lang."

"Talaga? Hindi diyan ang parking. Sa kabila."

Patay. Sobrang bobo ko magdahilan. Nagbubuhol ang dila ko wala pang lumalabas na magandang alibi. "Oo nga pala."

"Batista!" Kalahati palang ang nagawa kong hakbang at hindi pa sumasayad sa semento, sumigaw na agad siya. Nanginig ang buong katawan ko. "Payong oh, umuulan. Salamat sa breakfast."

itutuloy..

Chapter 4