Skinpress Rss

Si Milagring at ang Bibi


Kagimbal-gimbal ang sinapit ng Bayan ng Majarot matapos ang pito at kalahating araw ng tag-ulan. Maraming paninim ang nasira, nangamatay na hayop, may mga asawang nagpapanggap na nawawala at sobra ang pangagati ng kamay ng mga parokyano ng tong-its at majong.

Ang inaakala nilang pagsikat ng araw ay simula na muli ng normal na buhay pero nagkamali sila. Ang paglubog ng araw ay sinundan ng pagyanig ng lupa. Lumindol sa Majarot. Nabitak ang matibay na pader ng pinagawang bahay ng kerida ni Mayor. Naging fly-over ang mga kalsada. At natabunan ng lupa ang mga bonsai.

Isa sa mga naapektuhan ay si Milagring. Ikinatuwa niya ang sunod-sunod na pag-ulan dahil nanatili sa bahay ang kanyang mahal na asawa na dati-rati ay mga hayop sa kabukiran ang kausap. Walang paglagyan ang kanyang ngiti sa tuwing didikit ang bigote ng asawa sa kanyang katawan. "Baldo, hihihi, nakikilit ako," pananariwa ni Milagring sa kanyang alaala ng mga nakaraang gabi habang malungkot na namimili sa android market. Nagbabago ang masigla niyang buhay may asawa nang tumama ang lindol. Busy sila nang gabing nagaganap ang pagagalaw ng mga tectonic plates kaya hindi nila naramdaman.

Sinubukan niyang ibalik ang sigla subalit bigo siya. Wala ng bisa ang mga kalabit at pagpapakamot ng kunyaring makating likod. Nasira ang palengke kaya wala siyang mabilhan ng magarang damit. Buti na lamang at available sa e-bay ang Victoria Secret Lingerie. Hindi nag-atubili si Milagring na ipagbili ang alagang baka ng asawa para mabili ang inaalakang magpapabalik ng kanyang sex appeal. Dalawang beses naligo si Milagring pero mas pinili ng kanyang asawa na himasin ang kanilang alagang aso. Kinabukasan natagpuang patay ang aso sa kakahuyan.


Sa pagmumuni-muni ni Milagring ay napansin niya ang paglitaw ng isang ilog. Walang ilog sa Majarot kaya nakapagtataka ang pagsulpot nito. Imposible namang galing iyon sa ulan dahil malinaw ang dumadaloy na tubig at may maliliit pang isda. Nagawa pang salaminin ni Milagring ang sarili sa tubig. Hinawakan ang bilugang pisngi ng puwet na dating kinagigilawan ng asawa. Hindi maitatangging namimiss niya ang lagitnit ng kama sa gabi, ang pagkalog ng mesa sa tanghalian, pagkaputol ng sampayan sa labahan at pagguhit ng mga daliri sa salamin ng banyo.

Nalungkot siya. Napaupo siya sa pagong na inakala niyang bato. Matapos umeskapo ng pagong ay naglakad na muli si Milagring para alamin kung nasaan ang dulo ng ilog. Napansin niya ang isang bibi na mukhang bumuhol ang mga paa sa waterliliy na nakalutang sa ilog kaya hirap itong magfloating.

Dali daling lumusong sa tubig si Milagring hindi para iligtas ang bibi kundi para gawing pananghalian. Aphrodisiac ang bibi sa loob-loob niya. Inalis niya ang mga harang at nakawala agad ang bibi.

"Agyamanak unay Apo," turan ng bibi na nangangahulugan ng pagpapasalamat.

"Wow! Bibi nagsasalita at nag-iilocano pa!" Nahampas pa niya ng bibi sa ulo sa sobrang pagkabilib.

"Natural bibi ako! May unggoy bang may pakpak at nakafloat sa tubig? Dahil tinulungan mo ko ibibigay ko ang nawala mong sex appeal!"

"Sample nga!" excited na wika pa ni Milagring.

"Ipagkakaloob ko ang gusto mo pero may kapalit siyempre dahil hindi naman ako galing sa lampara. Nagstroll lang ako dito.."

"Ginugudtym mo yata ako!"

"Totoo!" gigil na wika ng bibi. "Basta ibibigay mo ang gusto ko." Napahawak si Milagring sa kanyang katawan. "Yak! Hindi katawan."

"Eh ano gusto mo?"

"Ang pustiso ng lolo mo."

"Ang pustiso ni lolo? Ang pustiso na minana pa ni lolo sa ninuno niya? Ang pustiso madalas nakalagay sa baso. Mahalaga ang pustiso na iyon sa lolo ko, ipapasa niya pa iyon sa mga sunod na salinlahi! "

"Ayaw mo? Aalis na ko, may taping pa ako sa pagawaan ng toyo."

"Ok wait kukunin ko lang!" Inagaw ni Milagring ang pustiso sa natutulog niyang lolo. "Huwag kang aalis, parating na ko!"

Sa pagmamadali natapakan niya ang pagong at tumilapon ito sa ere. Tumama ang pagong sa ulo ng bibi na agad nitong ikinamatay.

-end-