Skinpress Rss

Haircut- Maikling Kwento


Nakapulot ako ng piso habang naglalakad patungo sa kabilang compound. Dinalaw ko ang dating tambayan kanina sa pag-asang umuwi ang mga kababata ko. Umaga pa lamang kahit walang hilamos at toothbrush, maingay na ang halakhakan doon pero kanina kahit daga ay ayaw gumawa ng ingay. Sa palagay ko, kung maliligaw ang classmate ko noong elementary na tagalista ng maingay paniguradong uuwing malinis ang papel.

Tumingala ako sa bolang nakasipit sa pagitan ng mga sanga ng mangga. Kumuha ako ng bato at sinipat ang bola pagkatapos ay pinatalbog patungo sa court. Marami ng damong ligaw ang sumibol sa mga crack ng semento. Halatang hindi masyadong nagagamit ang minsang naging paborito kong lugar. Ilang talbog at buslo pa lamang ang nagagawa ko ay ramdam ko na ang pagod sa aking katawan. Wala na ang sayang dating hatid sa akin pagtalbog ang bola. Siguro dahil nag-iisa ako. Iyong batang kasalubong ko kanina masama ang tingin sa akin habang hawak ko ang bola. Sabagay sa edad niya malamang hindi niya ako kilala.

Tumawid ako ng kalsada para patirin ang aking uhaw. Pumasok ako sa mini stop at kumuha ng malamig na inumin. Pagkabayad ay umupo ako sa paborito kong pwesto. Ramdam ko sa aking lalamunan ang ginahawang hatid ng inumin.

Tinitigan ako ng gwardiya mula ulo hanggang paa. Pati ang sinturon kong abot sa tuhod at may kalumaan ay matagal niyang pinagmasdan.

"Oo, ako nga," mahinang sagot ko saka humarap sa kanya. "Kamusta na po?"

"Mabuting mabuti. Buti umuwi ka. Hindi agad kita nakilala dahil malaki na ang pinagbago ng iyong itsura." Alam kong napuna agad niya ang mahaba kong buhok, ilang pulgada na lamang ay lalampas na sa balikat. Hindi gaya dati na maikli at malinis tingnan.

"Babalik naman po talaga ako. May mga bagay lang na mas mabuting pinalilipas muna."

"Dave, ako man ay nanghihinayang sa nasimulan ninyo. Ako nga yata ang huling nakaalam dahil hindi ko na siya nakitang pumunta dito. Napamahal na din sa akin ang batang iyon. Namimiss ko din ang puppy eyes." Si Marj ang tinutukoy niya. Nasanay kasi siyang pagpatak ng ala sais ng hapon ay mambubulabog sa kanya sa mini stop. Itatanong kung maayos ang eye liner at kung halata ba ang resident eye bag niya. Sa mini stop kami naghihintayan ni Marj bago umuwi. Kapag madami dala si Marj, pupungayan lang niya ng mata at pumapayag na siyang iwan ni Marj ang gamit niya. "Puppy eyes." Madaming terms na itinuro si Marj sa kanya dapat daw cool pa din kahit thunders na.

"Siguro hanggang doon lang po talaga. Hindi talaga masusukat sa haba ng pinagsamahan ang lahat. May mga pagkukulang ako na kung tutuusin ay pwede namang itama. Siguro naging komportable akong pahupain ang sitwasyon kaya hindi ko mamalayang wala na pala akong babalikan."

"May balita ka pa ba sa kanya?"

Tumango ako. Kahit pilitin kong umiwas hindi ko mapigilang mag-usisa ng mga bagay na tungkol sa kanya. "Isang buwan noong tinapos niya ang lahat, sila na muli noong dati niyang boyfriend."

"Hindi ko siya masisisi. Magulo ang isip ng batang iyon, Dave. Siguro noong mga panahong nagkakalabuan kayo naging malapit sila sa isa't isa. Kailangan kasi ng karamay ni Marj at aksidenteng mahulog ang loob niya." May punto siya. Hindi ako nabigo sa pagdalaw sa kanya.

"Hiling ko pa din ang kaligayahan niya. Matupad ang pangarap niyang makarating ng Palawan kasama ang lalaking mahal niya at makabili ng king size bed gamit ang unang perang matatanggap sa kasal."

Hinawakan niya ako sa balikat. "Anak, sa sarili mo? Anong plano mo?"

"Sa huli namang pag-uusap namin noong maayos pa ang lahat, sasamahan niya daw akong magpagupit. Hiling na gusto ko sanang matupad."

-end