Skinpress Rss

Softdrinks


Ramdam ko ang kalam ng aking sikmura habang tinatahak ang kahabaan ng SLEX. Hindi na ako nakakain ng agahan dahil biglang naubsan ng LPG habang nasa kalagitnaan ng pagluluto. Umalis ako ng bahay at umasang may tindero ng pagkain na sasakay sa bus pero bigo ako. Inaliw ko na lang aking sarili sa pelikula nina Bossing, Wally at Jose. May pagkakataong napapalakas pa ang aking tawa.

Nagkakagulo ang mga tao sa may bulletin board ng opisina. Siguro may schedule na ng bonus. Tamang tama, mabibili ko ang naipangako ko kay bunso. Sa mga ganito din lang pagkakataon ako nakapagbibigay ng pera sa nanay ko.

Nakangiti akong lumapit sa bulletin board sa pag-asang may magandang balita. Napawi ang ngiti ko at napalitan ng kunot ng noo sa sobrang pagkadismaya. Starting next year, aalisin na ang pay para sa unused vacation leave. Bahagi iyon ng pagtitipid ng company kaya naisipan nila na gawing compulsary na ang leave. Ganoon ang sistema sa unang pinaglingkuran kong kompanya. Tama, garantisadong nakatitipid ang kapitalista pero ramdam ko ang paralisadong operasyon habang nakabakasyon at pakuyakuyakoy ang empleyadong dapat sana ay gagawa ng trabaho.

Ilang taon bago ako pumirma ng kontrata, ang paid leave ang isa kong tiningnan bago ko tinanggap ang job offer. Malaki kasing tulong lalo pa't hindi naman ako madalas mag-absent. Pan-tuition na sana ni bunso at pansuhol sa galit ng misis. Nakakadismaya. Sa ganitong sitwasyon, kung sina Bossing, Wally at Jose ang nagbiro, instant ang tawa. Pero kapag tadhana ang nagbiro para bang napakahirap humugot ng ngiti. Para bang hinahabol ako palagi ng kamalasan kahit hindi naman ako sumali sa habulan.

Kailanman hindi naging bum ang buhay ko. Lagi akong kasama sa bawat alog ng kapalaran. Unti-unti binabago ng mga memo ang pinagkasunduan naming kontrata. Ano bang magagawa ng ordinaryong empleyado? Wala. Magreklamo na lang sa banyo. Malas lang talaga siguro lagi akong biktima ng pabago-bagong policy.

"Softdrinks, sir?" alok sa akin ng bago empleyado. "Libre ko sir." A-kinse na pala kaya abot tenga ang ngiti ni Wilbert.

Umupo ako sa tabi niya pagpasok ko ng canteen. "Sige lang. Mukhang masayang-masaya ka ah."

"Siyempre sir! Unang sweldo e! Tinapay sir? Salamat sir sa mga itinuro mo. Pagpasensyahan mo na kung matanong ako. Gusto kong matuto agad sa mga bagay-bagay para hindi naman ako magmukhang pabigat."

"Mabilis ka naman pumik-up kaya walang problema. Lahat naman dumaan sa pagiging bago kahit mabagal basta pulido. Maiba ako, may pamilya ka na ba?"

"Hiwalay sir, masyado akong nagmadali kaya maaga akong nagkapamilya. Katatapak ko palang ng 18 tatay na agad ako."

"Ah, nagkikita pa kayo? Ng anak mo?"

"Hindi din sir. Apat na taon na. Pwede naman akong dumalaw pero mas pinili kong hindi magpakita dahil uulanin lamang ako ng sumbat. Ang biyenan ko kasing lalaki, namatay sa atake sa puso noong nabuntis ang anak niya dahil hindi matanggap na ako ang ama."

Tahimik na tao si Wilbert. Ngayon ko lamang nalaman na napakabigat pala ng kanyang pinagdadaan. "Bago dito, saan ka nagtrabaho?"

"Wala po. First job ko 'to kaya nagpapasalamat ako sa company na 'to kasi binigyan nila ako ng chance. Kaya masayang-masaya ako lalo't magpapasko. Kung lahat masaya sa bonus, mas masaya ako sir! Ang bonus kasi sir bigay ng kompanya, ang sweldo pinaghirapan ko. Ngayon ko masasabing may pag-asa pa kahit muntikan na akong sumuko. Apat na taon din bago may tumanggap sa akin!"

"Pagbutihin mo, nasa likod mo lang ako para suportahan ka!"

"Salamat sir, akala ko 'di na darating iyong time na makikita ko ang anak ko. Kaya pursigido akong magpatuloy dito para kapag may regular na akong trabaho madadalaw ko siya. Tipong may ipagmamalaki na ako. Hindi na ako ang Wilbert na nakilala nilang tambay lang. At tulad ng ipinangako ko noon kay Nanay pagkatapos ng graduation at magkatrabaho ako, ang unang sweldo ko sa kanila mapupunta. Tinupad ko iyon sir natagalan nga lang! Mauubos ang lahat ng bagay sa akin pero hindi ang dangal kaya pinanghahawakan ko ang mga binitiwan kong salita."

"Hanga ako sa determinasyon mo." Parang sampal sa akin ang mga nadinig ko. Dahil mataas na ang aking prespective, hindi ko na napapansin na madami palang biyaya ang natatanggap ko. Maayos na pamumuhay, magandang trabaho at higit sa lahat, masayang pamilya.

"Kaya inaalok ko kayo sir ng softdrinks kasi gusto kong magcelebrate. Na... Hindi pa pala tapos ang buhay para sa akin.. na may pag-asa. Sa ngayon softdrinks lang muna dahil maliit pa ang aking nasimulan."

Light ang usapan namin pero ramdam ko ang excitement sa boses ni Wilbert. Nakabubuhay ng dugo. Hindi biro ang pinagdadaanan niya pero hindi siya nawalan ng pag-asa. Akala ko, ako na ang pinakamalas, hindi pala.

"Manang! Softdrinks nga! Yong pinakamalaki! Libre ko 'to Wilbert." Dapat din akong magcelebrate at magpasalamat sa mga bagay na tinatamasa ko.

-end-