Skinpress Rss

Pagbiya


"Kailangan mo pa ba talagang umalis?"

"Napag-usapan natin ito di ba, Aldred?" Ipinasok ni Samantha ang hawak na damit sa bag bago hinarap ang kausap. Hinawakan niya ang kamay nito at hinaplos ng ilang ulit.

"Hindi mo ba kayang tuparin ang parangarap mo dito?" Buntong hininga ang sagot sa kanya. Nagtaas pa ito ng balikat bago bumalik sa ginagawa.

Tinitigan ni Aldred ang papel na naghihintay sa kanya. Iniikot niya ng dalawang beses ang singsing sa kanyang daliri.

"Hindi ako sanay ng wala ka. Bagamat hindi tayo madalas nagkikita, inaalam ko kung maayos ka, kung mabuti ba ang kalagayan mo. Parang hindi ko kakayaning-"

Inilagay ni Samantha ang hintuturo sa labi ni Aldred para putulin ang pagsasalita nito. "Kakayanin mo. Masyado kang mabait Aldred hindi ka mahihirapan sa mga bagay na iniisip mong hindi mo kaya."

"Minahal mo ba ako Samantha?"

"Ano bang klaseng tanong 'yan?" may halong pagkaasar sa boses ni Samanta.

"Minahal mo ba ako?"

"Aldred nagsama tayo sa iisang bubong, nagkaroon ng anak. May mga bagay lang tayong hindi pinagkakasunduan kaya humantong tayo sa ganito. Alam ko na sa akin ang pagkukulang kaya makabubuti lumayo ako at itama ang lahat."

"Saan hahantong ang pamilyang ito?” Sapat na ang nadinig ni Aldred mula kaya Samantha. “Gusto mong ituwid ang ang mali mong desisyong magpakasal sa akin." Kinuha niya ang ballpen sa drawer at hinarap ang papel na naghihintay sa kanya. Ang guhit na may kulot sa magkabilang dulo ang nagpawalang bisa ng singsing na nag-uugnay sa kanilang dalawa.

-end




pagbiya - visayan word for abandonment.