Skinpress Rss

Kalsiki : The Curse of the Blue Moon - 4


Chapters 1|2|3|

"Regondo!" sigaw ng isang di kilalang boses mula sa labas. Ang Regondo ay isang technique ng mga Panther, nagagawa nitong padilimin at gawing teritoryo ang isang lugar.

Isang matalim na pulang liwanag ang lumitaw mula sa kung saan. "Naloko na!" nababahalang sigaw ni Chito. Alam niyang mawawalan siya ng kontrol sa hinuling kaaway. Umuurong siya ng dalawang malalaking hakbang para makaiwas sa mapaminsalang liwanag. "Wala akong makita," bulong niya sa sarili. Itinaas niya ang dalawang kamay sa anyong pananggalang kung sakaling may panganib na parating.

"Nasa loob ka ng aming teritoryo! Humanda ka ngayon sa iyong katapusan pangahas na bata!" Nabaligtad na ang sitwasyon, si Chito naman ngayon nasa panganib.

"Saan ang manggaling ang atake?" pag-aalaala niya. Dinig niya ang ilang hakbang, alam niyang nakawala na ang kanyang bihag. Sa sitwasyon ngayon hindi siya pwedeng humingi ng tulong dahil mabubulgar ang kanilang identity.

Muling lumitaw ang matalim na liwanag sa iba't ibang direksyon. Hindi alam ni Chito ang gagawing pagkilos. Sa sandaling makulong siya alam niyang katapusan na.

"Zen!" isang pwersa ang nagtulak palayo kay Chito. Nagpagulong-gulong siya ng ilang beses bago nakabawi balanse. Nagulat na lang siya dahil nasa labas na siya ng school. "Mag-iingat ka sa susunod," wika ng tinig na nagpakawala ng Zen.

Bahagyang natigilan si Chito. Isang babaeng marunong gumamit ng Zen ang tumulong sa kanya. Alam niyang hindi iyon si Ara. Hindi niya nakita ang mukha nito dahil sa mabilis na kilos. "Bakit siya marunong ng Zen?" sa isip niya. Tanging ang Arquiza lang ay may kakayanan gumamit nito. Ang Zen ay teleportation technique.

Bago pa nasundan ni Chito ang babae ay kinailangan na niyang umalis. Ramdam niya ang pagdating ng mga kalaban. Tumakbo siya palayo dahil sira na ang kanyang disguise bilang estudyante. Habang tumatakbo ay dinig niya ang pagdating ng apat hanggang anim na paang sumusunod sa kanya. Hindi siya sigurado sa bilang ang alam lang niya at nasa bingit siya ng kapahamakan.

Pabilis ng pabilis ang mga hakbang ng mga sumusunod sa kanya. Pakiramdam niya ay halos hindi sumasayad ang paa ng mga ito sa lupa. Saan siya pupunta? Anong mangyayari kung tatakbo siya? May darating bang tulong? At nasaan ang ang babaeng naglitas sa kanya noog una? Wala na siyang magagawa kundi harapin ang mga kalaban.

Tumigil si Chito. Inihakbang paharap ang isang paa. Ikinumpas ang mga kamay para gumawa ng isang malaking bilog pagkatapos ay pinagdaop ang dalawang palad. Magpapakawala siya ng Rendo para isalubong sa mga parating na kaaway. Ang ipinagbabawal na technique dahil maari niya itong ikamatay.

Lumitaw ang mga kalaban. Isang grupo na binubuo ng apat na tao. Matatalim ang kanilang tingin kay Chito. Handa na din ang apat. Matira ang matibay.

"Bahala na...." ang tanging nasambit ni Chito sa sarili. Ang akala niyang simpleng misyon sa pagiging estudyante ay tila pa ang magiging dahilan ng kanyang katapusan.



"Aba, nakahanap ka ng katapat, Edsel. Pareho kayong nababaliw sa heavenly bodies. Hindi mo na ako kukuliting makinig sa kwento mo," pang-aalaska ni Cris.

Pinanguhan agad ni Ara si Edsel bago magsalita. Gusto niyang samantalahin ang pagkakataong makuha ng atensyon ng boss. "Namamangha kasi ako sa buwan. Sa mga heavenly bodies kasi isa ang buwan sa paiba-iba ng itsura, kaya din niyang humiram ng liwanag at malakas ang alon ng dagat. Maganda nga ang mga star pero nakakasawa. Hindi tulad ng buwan may palagi kang abaabangan at tila may kapangyarihan," paliwanag ni Ara.

"Gusto mo ang blue moon kasi malaki. Dominant?" wika ni Edsel.

"Para kasing napakapowerful ng blue moon." Lumiliwanag pa ang mga mata ni Ara habang nagkukuwento sa dalawa. "Lumalaki siya dahil may kakaibang nangyayari."

"Kakaibang nangyayari? Isang phenomenon lang ang blue moon, walang kakaiba."

"Narinig mo na ba ang kwento ng Kalsiki?" panimula ni Ara.

"Kalsiki?" nagtatakang tanong ng dalawa. "Ang weird mo?!"

"Marami ngang nagsasabing isang matandang kwento lang iyon. Pero nakakamangha na isang malakas na nilalang daw ang isisilang sa pagsabit ng blue moon habang may nagaganap na lunar eclipse."

"Parang exciting nga!" segunda ni Edsel. "Lunar eclipse tapos blue moon."

"Ang matindi don, isisilang si superman!" natatawang wika ni Cris. "Anong role ni Kalsiki? Tagasagip ng naaapi? Sana may taga-ayos din ng drainage para di lagi baha."

"Ang sabi ang talagang role niya ay pigilan ang Bukaya, isang nilalang na kalaban niya. Dahil ang Bukaya ang susi sa paglitaw ni Hades mula sa impyerno. Nakakatakot kapag naghari si Hades!"

"S'ang komiks mo nabasa 'yan?" kulang na lang ay sabihin ni Cris na baliw ang bago nilang empleyado. "Myth lang si Hades at lalong walang imperyo. May nakarating na ba dun at kayang ilarawan ang itsura nito?" pailing-iling na pagtatapos ni Cris.

-itutuloy


want a copy? send an email to panjo[at]tuyongtintangbolpen[dot]com