Malakas ang buhos ng ulan. Stranded ang mga pasahero dahil sa naglalawang daan. Iniiwas niya ang kanyang sarili sa tilamsik na tubig mula humaharurot na tricycle. Napaurong siya ng bahagya at hinabol ng tingin ang driver ng tricycle.
Umupo siya sa baitang ng hagdan ng City Hall. Hinintay muna niya ang paghina ng buhos ng ulan tutal hindi naman siya nagmamadaling umuwi. Minasdan niya ang makapal na bilang ng taong nakikipag-unahang makasakay. Hindi maiwasang may nasasaktan dahil sa pagtutulakan o kaya naman ay may nadudulas dahil sa pagmamadali. Karaniwan na ang ganitong senaryo tuwing umuulan. Hindi uso ang salitang mapagbigay.
"Sorry..." Tiniklop ng babae ang dalang payong at agad kumuha ng tissue para ibigay sa lalaking napatakan ng tubig mula sa payong.
Binalewala niya ang alok ng babae. Iniunat niya ang kanyang binti. Kinuha ang panyo sa bulsa ng maong na pantalong para punasan ang kanyang braso at laylayan ng polo. "Okay lang," mahinang tugon niya.