Skinpress Rss

Payong



Malakas ang buhos ng ulan. Stranded ang mga pasahero dahil sa naglalawang daan. Iniiwas niya ang kanyang sarili sa tilamsik na tubig mula humaharurot na tricycle. Napaurong siya ng bahagya at hinabol ng tingin ang driver ng tricycle.

Umupo siya sa baitang ng hagdan ng City Hall. Hinintay muna niya ang paghina ng buhos ng ulan tutal hindi naman siya nagmamadaling umuwi. Minasdan niya ang makapal na bilang ng taong nakikipag-unahang makasakay. Hindi maiwasang may nasasaktan dahil sa pagtutulakan o kaya naman ay may nadudulas dahil sa pagmamadali. Karaniwan na ang ganitong senaryo tuwing umuulan. Hindi uso ang salitang mapagbigay.

"Sorry..." Tiniklop ng babae ang dalang payong at agad kumuha ng tissue para ibigay sa lalaking napatakan ng tubig mula sa payong.

Binalewala niya ang alok ng babae. Iniunat niya ang kanyang binti. Kinuha ang panyo sa bulsa ng maong na pantalong para punasan ang kanyang braso at laylayan ng polo. "Okay lang," mahinang tugon niya.

"Hindi ko sinasadya," paumanhin pa din ng babae. Halos mamula ang kanyang pisngi dahil sa hiya.

"Hindi naman ako masyadong nabasa," wika niya kahit halos pigain na niya ang laylayan ng kanyang polo.

"Jake?!"

Ibinaling niya ang kanyang tingin sa kanan at napatayo siya sa pagkagulat. "Elle!"

"Hindi pala dapat ako nagsorry," nakangiting wika ng babae.

"Nakuwi ka na pala," puna niya. Sa isip niya, gusto niyang malaman ang kalagayan ni Elle. Pero wala siyang lakas ng loob dahil malaki ang naging kasalanan niya dito.

"Six months na. Bakit ka nandito? I mean may hinihintay ka?"

"Meron." Tumabang ang mukha ng kausap.

"Ilan na ang anak nyo?" lakas loob na usisa ni Elle.

"Wala."

"Ikinasal ka di ba kasi buntis siya?"

"Hindi. Umalis ka kasi kaya di mo alam ang nangyari."

"Huwag na nating ibalik ang nakaraan," iwas ni Elle dahil baka maungkat muli ang sakit na naramdaman niya noon. "Hihintay mo ang girlfriend mo?"

"Hindi din. Hinihintay ko ang pagtigil ng ulan." Sumandal si Jake sa pader ng City Hall. Ipinasok niya ang isang kamay sa bulsa at nagbitaw ng malalim na buntong hininga. "Sorry ulit."

"Matagal na iyon, Jake. Nakalimutan ko na." Blanko ang reaksyon ni Elle.

Limang taon ang itinagal ng relasyon nila Elle. Naputol lamang iyon dahil sa pagkakaroon niya ng third party. Hindi naman niya mahal ang babaeng naging dahilan ng pagkawasak ng kanilang relasyon, nagkataon lang na hinanap niya ang bagay na hindi kayang ibigay ni Elle.

"Mahal pa din kita. Kaya hindi ako pumayag na matuloy ang kasal."

"What? Paano ang anak nyo?"

"Hindi ko naman tinatakasan ang aking obligasyon. Pero ayokong matali sa taong hindi ko mahal."

"Akala ko wala kang anak?"

"Wala nga. Hindi siya nakasurvive. Sinisisi nga ako dahil napabayaan niya ang kanyang sarili."

Bumilis ang tibok ng puso ni Elle. "So, anong gusto mong palabasin ngayon at sinasabi mo ang bagay na yan?"

"Gusto ko lang mapatawad mo ako. Matagal kong hinintay ang pagkakataong ito."

"Matagal na kitang pinatawad!"

Lumakad siya palapit kay Elle. Binuksan niya ang payong na dala nila Elle. "Tara!"

"Saan?"

Ngumiti si Jake. "Malakas ang ulan. Hindi naman siguro masama kung yayain muna kitang magkape."

"I'm sorry. Napatawad na kita pero di magbabalik ang dati nating samahan." Kinuha niya ang payong kay Jake at lumakad palayo. Pumikit siya ng bahagya. Nagsilbing payong ang kanyang talukap para pigilan ang pagpatak ng luha sa kanyang pisngi.