Skinpress Rss

Stokwa - Maikling Kwento


Matagal ang pagkakatitig ko sa bag na nasa aking harapan. Maraming gumugulo sa isip ko habang tinatahak ang byahe patungong Tanauan. Umalis ako ng bahay para magkaroon ng kalayaan, tahimik na buhay at sa sariling disposisyon. Mahaba ang naging diskusyon namin kagabi ng aking ama tungkol sa career, pera at humantong pa sa panghahamak ng pagkatao. Hindi ako makapaniwala na mapagsasalitaan nya ako ng masama sa kabila ng mga nagawa kong tulong sa pamilya. Bago pa ako tuluyang palayasin, nagkusa na ako. Gusto kong patunayan sa kanya na kaya kong tumayo sa sarili kong paa nang hindi hihingi ng kahit konting tulong mula sa kanya. Hindi ko kayang tumagal sa isang bahay na walang tiwala ang mismong magulang.

Pumayag na si Gary na doon muna ako maninirahan sa kanila. Tutulong na lang ako sa pagbabayad ng renta habang wala pa akong nakikitang malilipatan. Mas maganda din ang umalis kesa manatili sa bahay na laging may gulo. Hindi ko alam kung bakit kailangan akong ikumpara ng tatay ko sa iba samantalang ibang buhay naman ang kinagisnan nila. Hindi ba siya masaya na nakapagtapos kaming lahat? Hindi nga ako kasing successful ng ibang kaklase at pinsan.

Huminto ang jeep sa may school at naghintay ng pasahero. Medyo nakakairita dahil nagmamadali ako. Paalis kasi si Gary. Kakaiba. Dati noong nag-aaral, kaming mga pasahero ang naghihintay ng jeep, ngayon jeep na ang naghihintay sa pasahero. Napapamura ako lalo't nararamdaman ko ang matinding init at emotional stress.

Sumakay ang isang babae kasama ang kanyang anak. Hindi maipinta ang itsura ng bata. Halatang may sumpong dahil hanggang pagsakaay ng jeep ay mabigat ang kanyang bawat hakbang.

"Dito ka sa tabi ko, anak." wika ng babae.

"Ayoko! Hindi mo ako love!" padabog na sabi ng bata.

"Huwag mong sabihing hindi kita love. May mga pagkakataon lang na di pwede ang gusto mo at hindi porke napapagalitan ka ay di ka na mahal."

"Wala naman po akong ginagawang masama mommy. Naglalaro lang naman e. Hindi mo ko mahal!"

Tumingin ang babae sa labas ng jeep. Tahimik na nagmasid. "Kung hindi kita mahal malamang katulad ka ng mga batang namamalimos sa lansangan. Walang tirahan, nakaapak at di mabihisan ng maayos. Inaalala ko lang ang health mo kaya kita napagsabihan kanina."

Nanatiling nakasimangot ang bata sa kabila ng sinabi ng ina. Ilang saglit lang ay nakatulog na ang bata. Nakayakap ng mahigpit sa kanyang ina. Pawi na ang galit na kanina at makikita sa bata.


Tama ang babae napapagalitan dahil nag-aalala ang isang magulang. Siguro nga walang masamang intensyon ang tatay ko noong pinagsasabihan ako. Kung may nasabi mang masamang salita ay dala na ng galit. Kapakanan ko ang iniisip niya kaya nagiging mahigpit. Sa tingin ko ay nakakasakal dahil hindi ko masunod ang aking layaw. Hindi makagimik.

Siguro naman kaya kong mapatunayan ang kakayanan ko ng di sumusuway. Darating naman ang panahon na kaya ko na talaga at hindi kasagutan ang pag-alis na lang basta. Isa pa, kung kaya kong maging independent hindi sa bahay ng iba ang punta ko.

"Para po. Sa tabi lang po manong."

Tumawid ako ng kalsada pagkatapos bumaba ng jeep. Sumakay ako pabalik ng bahay. Hindi naman babawas sa pagkatao ko kung hihingi ako ng tawad. Uuwi na ako.