Skinpress Rss

Bravus - Final Chapter



Prologue | chapter one | two | three | four | five |







Ramdam ng bravus na papanawan na siya ng ulirat. Naghihina na siya. Tanging ang mapulang likido na lang ang malinaw sa kanyang paningin. Halos wala na siyang lakas para tumayo.

Tumatak sa kanyang katawan ang bawat hagupit na ibinigay ng mga gwardiya. Bumabalik pa sa kanyang pandinig ang bawat latay. Ramdam niya ang sakit. Napahagulhol siya.

Wala ng lugar para sa kanya. Malapit na ang kanyang kamatayan. Naghahabol na siya ng hininga. Hinihintay na lang niya ang kanyang kamatayan. 



Hindi na siya magtatagal. 




Katapusan na.


Hindi.

Nangako siya sa bata. Hindi niya bibiguin ang iba pang nilalang na umaasa sa kanya. Ililigtas niya ang babae. Makikipaglaro siya sa bata. Gamit ang nalalabing lakas, gumapang siya pabalik ng imbakan ng mga alaala. Hinanap niya ang nahulog na sisidlan.


Dumaan siya sa lagusan na nagdudugtong sa mundo ng mga tao matapos matagpuan ang sisidlan. Pinagmasdan niya ang babae na nahihimbing sa pagkakatulog. Ibinaon niya ang kanyang pangil at kumuha ng ilang alaala para magkaroon ng kaunting lakas.

Lumikha siya ng panaginip sa isip ng babae. Pinakawalan niya mula sa sisidlan ang magagandang alaala ng yumaong asawa. Lumabas siya matapos magawa ang pakay. Hinawakan niya ang dibdib ng babae. Naging normal ang bawat tibok.

Sumunod ay lumapit siya sa paslit. Gusto niyang tuparin ang sariling kasiyahan bago siya pumanaw. Agad siyang lumikha ng panaginip at nakipaglaro sa bata. Nakipagtawanan. Nagtampisaw sa ilog. Naghabulan sa malawak na kaparangan. Sumigaw habang sinasalabong ang paghampas ng dalisay na hangin.

Gumuhit sa pisngi ng kakaibang nilalang ang isang matamis na ngiti. Handa na niyang tanggapin ang kamatayan. Hindi niya pinagsisihan ang pagsuway sa utos. Kung nanatili siyang tagasunod hindi niya mararamdaman ang kasiyahan. At kung walang kasiyahan ay wala na siyang pagkakaiba sa patay.

Lumabas ang bravus. Naupo sa tabi ng bata. Pumikit at tuluyang naglaho.

Kinabukasan nagtaka ang lahat dahil magaling na ang ina ng bata.


Epilogue

"Tapos na?" may pagkaasar na tanong ni Dency. Lumapit siya sa ina. "Ano pong nangyari sa ibang bravus? Sa babaylan?" patuloy niya.

"Hindi ko alam," nakangiting wika ng ina. "Hind ako interesado kasi nga kwentong nayon lang iyon para sa akin."

Hindi kontento si Dency sa naging sagot ng ina. Sa haba ng naging kwento, imposibleng walang siyang nalalaman tungkol dito. Gusto niyang pigain ang ina.

"Pero paano ipapaliwanag ang nangyari sa ospital kung kwentong nayon lang ang lahat?" pagtataka pa din niya. "Saan n'yo po ba napanood o nabasa ang tungkol sa bravus?"

Halatang umiiwas ang ina sa mga tanong niya kaya hinahabol niya ang ina kung saan man ito pumunta.

"Hindi ko siya nabasa. Naikwento lang sa akin noong bata pa ako."

"Nino? Sino Ma?"

"Kwento ng daddy mo. Noong bata pa kami lagi niyang sinasabi na nakakakita siya ng iba't ibang nilalang. Kasama ang bravus noong himalang nakaligtas ang lola mo sa kanyang sakit."

"What?" gulat na reaksyon ni Dency.


-end-