Skinpress Rss

Chickababes


"Anong oras kaya tayo makakarating ng Lipa nito?" Sakay kaming tatlo nina Andrew at Oscar sa Yamaha Mio patungong lipa para manood ng libreng concert ng Sponge Cola. May katabaan si Andrew kaya lalo akong nahihirapan sa pag-angkas. Sa katunayan sa bilbil n'ya ako nakakapit para hindi mahulog.

Maliit lang ang Mio at ginagawa para sakyan ng isang tao lamang. Pupugak-pugak pa ang tambutso sa tuwing magiging pataas ang daan. Kung bansot na kalabaw nga ang motorsiklo malamang tumba na ito sa daan.

"Jigs, nagmamadali ka ba?" tanong ni Andrew sa akin. "Ikaw na ba ang bokalista?"

"Para kasing di tayo makakarating sa lagay na 'to." sagot ko. Sa daan, nakikita ko ang mukha ng mga taong natatawa sa amin. May mga napapailing din dahil sa panghihinayang sa motorsiklo.

"Minamaliit mo si bumble bee?" tukoy ni Oscar sa kanyang Mio. "May kasama lang tayong di tao kaya mabagal."

"Tarantado!" angal ni Andrew. Alam n'yang siya ang tinutukoy ni Oscar. Tulad ng ibang mataba madalas siyang lokohing baboy.

"Aba! Bakit ka nagrereact? Hindi naman ikaw!" natatawang wika pa ni Oscar. "Bumili nga pala ako ng bagong busina pero isosoli ko kasi parang sira e."

"Anong sira?" sabay pang tanong namin ni Andrew.

"Oink, Oink, kasi ang tunog!"  Nagtawanan kaming tatlo kahit talo sa asaran si Andrew.

Mula pa pagkabata magkakasama na kaming tatlo. Madalas ang asaran pero hindi uso ang pikon. Nagsimula nga kami sa kahoy na trolley kapag gagala para manguha ng bayabas, sumunod bisekleta at ngayon motorsiklo. (Binabalak nga namin bumili ng submarine para magbusiness ng coke.)

"Jigs baka madevelop ka na sa akin n'yan." wika ni Andrew. "Napapahigpit ang hawak mo sa akin ah!"

"Ulol!" sagot ko. "Eh baka mahulog ako!"

"Huwag kayong malikot! Nahihirapan si Bumble bee." sabat ni Oscar.

"Tigil mo p're. Naaawa ako sa motor mo e." pakiusap ko. "Hintayin n'yo na lang ako sa Lipa."

"Buti nakaramdam ka din na dapat ka ng bumiyahe," bawi sa pang-aasar ni Andrew.

"Malakas ka sa amin kaya hindi magsisimula ang concert hangga't wala ka!" sigaw ni Oscar. Humarurot ang dalawa matapos kong bumaba.

Mabilis din naman akong nakasakay ng jeep-con-disco-house dahil sa lakas ng music sa loob. Madami ding ilaw na parang pantawag ng alien.

"Bayad nga po. Isa pong Lipa."

"Saan 'to?" tanong ng driver slash DJ wannabe.

Lakas kasi ng music at may sumasabay pang pasahero sa pagbirit kay Bieber kaya di ako nadinig. "Lipa po."

Komportable akong naupo malapit sa likod ng driver matapos abutin ang aking sukli. Iginala ko ang aking mata sa mga pasahero. Sa palagay ko maiinip sina Oscar sa paghihintay sa akin dahil balak pa yata ng driver na tigilan lahat ng taong nasa daan. Sabagay hindi nga naman masaya ang disco kung konte ang tao.

Napaigtad ako sa aking pagkakaupo nang may sumakay na tatlong babae. Lahat sexy. Dalawa sa kanila ay nakashort at ang isa naman ay nakaskirt. Kumilos ako. Gusto kong ipakita ang malaking bakanteng pwesto malapit sa tabi ko. Jackpot kung umupo ang alinman sa kanila sa tabi ko.

Kung suswertehan ka nga naman. Tumabi sa akin ang nakaskirt at sa tapat ko pa ang dalawang chicks. Naamoy ko pa ang pabango ng babaeng katabi ko. Maiinggit si Andrew kapag nagkwento ako sa mga chikababes na kasakay ko. Gusto kong titigan ang babaeng katabi ko pero masyadong obvious kaya pumikit na lang ako. Kunwari ay inaatok ako pero ang totoo ay pasimple kung tinitingnan ang mga babae. Siniyasat ko ang kanilang anatomy.

Gusto kong magrequest sa driver na lalong bagalan ang pagpapatakbo para sulit ang byahe ko. Mas maganda kasi silang panoorin kesa sa Sponge Cola. Hindi maiwasang magdikit ang braso namin ng katabi kong chick sa tuwing magpepreno ang jeep. Ramdam ko ang kinis ng kanyang balat.

Nagkukwentuhan ang tatlong babae habang nasa byahe. Hindi ko masyadong maintindihan ang kanilang pinag-uusapan pero alam ko may kinalaman iyon sa gala nila kagabi.

"Malapit na ba tayo?" tanong ng babaeng katabi ko sa kanyang mga kasama.

"Oo. Malapit na nga." sagot ng isa.

"Teka. Baka mukha na akong gusgusin!"

Iminulat ko ang aking mata para sulitin ang huling sandali. Binuksan niya ang hawak ng bag. Bahagya akong tumitingin sa kinuha niyang salamin para makita ang itsura niya. Hindi naman ako nabigo. Naniniwala na talaga akong may anghel at nakadiguise lang na tao. Sa tatlo siya ang pinakamaganda.

"Ay sorry!" paumanhin niya ng biglang tumulo sa aking pantalon ang hand sanitizer na inipon niya sa kanyang palad. Mabilis siyang naglabas ng tissue. Pinunasan niya ang nabasang parte. "Hindi ko sinasadya."

Agad naman akong kumuha ng panyo sa aking bulsa. "Okay lang. Ako na magpupunas." Tiningnan ko siya ng derecho sa kanyang mukha. Maamo ang mukha niya. Gusto kong malaman ang pangalan niya pero napakaakward magtanong.

"Ano ba naman yan, Sheena? Baba na nga lang tayo nagkalat ka pa!" puna ng babaeng kaharap ko. Sheena pala ang pangalan niya. Buti na lang binigyan niya ako ng hint.

"Madali naman matutuyo ito." sabi ko sa kanila.

"Ma, sa tabi na lang po." para ng babaeng kasama nila na parang walang pakialam sa nangyari.

"Sorry talaga ha." paumanhin ulit niya.

"Okay lang Sheena."

"Oh close na agad kayo ha." Ngumiti naman ako. "Kuya pasensya ka na sa kasama namin." Hinawakan pa ako sa balikat bago sila bumaba.

Parang may nagtutulak sa akin na bumaba pero wala akong maisip na dahilan para sumama sa kanila. Napapahawak na lang ako sa bahaging nabasa sa tuwing maalala ko ang boses ni Sheena. Panalangin ko na lang na sa ibang araw ay makasakay ko ulit siya.

Pumara ako. Excited na akong magkwento sa dalawa kong kaibigan. Iinggitin ko sila. Patayo na ako mula sa aking pagkakaupo nang mapansin kong wala na ang aking wallet. Kinapa ko ang aking bulsa pero wala talaga. Napailing na lang ako.


-end-