Awesome experience? Medyo naging mahirap ang pagpili ko kasi halos gawin kong tirahan ang SM-Lipa madalas kasi akong tumakas sa gawaing bahay. Kulang na nga lang eh kumaha ako ng sedula para maging legal na akong residente ng SM. Hanggang sa naisip ko na pinakamatindi yung experience ko last December 2008. Madami kasing first time na nangyari, wika nga ng matatanda na nag-aasal bata na masarap daw first time. Unang December ko sa SM Lipa kasi medyo matagal din akong nanirahan sa Manila, unang beses ko din mag-stay sa SM mula opening hanggang closing at higit sa lahat first time kong may kasamang pamangkin sa mall si REIN at si KIEL.
Umaga, mataas na agad ng sikat araw singtaas ng level ng ADHD ng dalawa kong pamangkin dahil sa sobrang excitement, sapat ang sikat ng araw para sunugin ang malaporselana naming kutis. Buti na lang ilang minuto lang ang aming ipinaghintay. Tumugtog na ang theme song ng SM. Hudyat na ng pagliliwaliw namin ng kapatid ko at ng kanyang mga chikiting.
Napakagat labi ako habang kinakapkap ng guard ang bawat detalye ng aking katawan. Na-hit niya kasi ang aking kiliti zone na tipong papalo ng isang daan porsenyento sa kiliti meter sapat nga yung kiliti para dumaloy ang mga kuryente ko sa katawan. Napa-ow at napa-wow ako ngunit bigla akong pinalo ng kapatid ko dahil marami pang nakapila para magpakiliti sa guard.
Gamit ang kanilang mumunting paa, parang mga robot na tumakbo ang aking mga pamangkin sa pwesto ng manikin ni Santa Claus. Nagulat ako dahil napansin kong nakatitig sa akin si Santa. Lumapit ako. Mas lalong naging matindi ang kanyang pagtitig parang makikipag-lips to lips. Sinamantala niya ang aking kahinaan dahil natagpuan ko na lang ang aking sarili na yakap ko si Santa at napabulong ako sa aking sarili ng "say cheese" kasunod ang ilang flash ng camera. Since sila ang mga nagclaim na photogenic naging cameraman ako. May ilan ngang echosero at echosera ang nag-comment na kung gusto na raw namin gawing tirahan ang pwesto ni Santa kaya napilitan kaming lisanin ang area.
Namaalam lang ako kay Santa at sa katabi niyang usa ng biglang nawala ang aking mga kalahi. Bumulusok ang tao parang gusto ko ng magpanic. Buti na lang nakita ko silang nakikipag-apir kay Jollibee habang nilalamutak naman ni Kiel ang pakpak ng kawawang bubuyog. Sumenyas na lang ako na sa Go Nuts Donuts na lang ako puntahan. Bumili ako ng kape. Medyo may kamahalan para sa akin kasi isa akong tambay nung panahon na yun at umaasa lang sa pera na malaglag sa bulsa ng iba. Sobrang dami ng tao kaya nagtiyaga ako sa may sulok na malapit sa salamin na dingding. Pakiramdam ko sa sobrang siksik ko e pwedeng dumikit ang white heads ko sa salamin.
Sinimulan kong higupin ang kape. Ninamnam ang bawat sentimo na ibinayad ko. Masarap naman pala para akong umiinom na maiinit na tunaw na ice cream. Mula sa loob ng mall ay minamasdan ko ang pagdating at paglabas ng tao. Kahit recession madaming bitbit ang tao. Ramdam ko rin ang saya ng mga bata na makarating ng SM. May lumulundag, tumatakbo, may gustong lumipad at may meron din namang sakay ng wheel chair na noong una ay aking kinaawaan pero nung nakita ko yung ngiti niya ay alam kong hindi siya dapat kaawaan. Hay, kakaiba pala ang epekto sa akin ng mahal na kape nagiging observant ako.
Ilang higop na lang siguro ay tapos ko ng inumin ang aking kape ng biglang maagaw ng ilang lovers ang aking atensyon. Halos mapuno nila yung baitang ng hagdanan sa dami nila. May nakaupo, nakatayo magkayakap, magkaakbay at magkaholdings hands na lovers. Naalarma ang aking payapa at masayang singlehood. Nananahimik akong umiinom ng kape tapos kukurutin nila ang tahimik kong puso. Pakiramdam ko ay nayurakan ang aking pagkatao. Sana sa sunod may parking lot na rin para sa PDA para hindi naman natatapakan ang katulad kong ineenjoy ang pagiging single. Sabagay ayun sa pag-aaral ng mga dalubhasa maraming lovers tuwing sasapit ang kapaskuhan. Trenta porsiyento ang itinataas nito kumpara sa ordinaryong buwan dala ng lamig ng hanging amihan, mga umuuwing OFW at dahil na din sa mga taong ayaw masabing malamig ang pasko. Subalit ang pag-aaral na yan ay imbento ko lamang.
Nilisan ko ang aking pwesto na parang batang inagawan ng paborito niyang aso. Hiniram ko muna si Kiel para may kasama akong mamasyal. Sa aking paglalakad nasalubong ko ang isa kong classmate nung college.
"Anak mo?" tanong niya.
"Pamangkin ko. Cute no mana sa tito" tugon ko.
"Cute niya pero duda ako na mana sa'yo." Biglang siyang tumawa ng malakas.
Sige tawa lang mayamaya ay nasa ambulance ka na. Iniwan ko ang classmate ko ng may ngiti sa labi ng makalampas ay binigyan ko ng isang matinding tiger look. Sana hindi ako nahuli.
Nagyaya ng umuwi ang aking kapatid matapos makapamili ng damit at regalo. Nasa labas na kami ng biglang bumuhos ang malakas na ulan. Hindi lang baha ang dala ng ulan kundi ang rapid price increase ng presyo ng pamasahe sa tricycle. Ang pamasahe namin kaninang bente ay magiging fifty pesos. Dahil trend na ang ulan sa hapon minabuti muna namin Nana pumasok muli ng SM. Dinama ko muli ang paglapirot ng guard sa aking katawan. Medyo nanginig pa yata ang katawan ko nung dumikit sa tagiliran ko ang kamay niya. OW!
Nanood kami ng sine. Sumisigaw ang dalawang bata kapag may sumisigaw din na audience. Hindi nila kasi naiintindihan ang palabas kaya nakikisigaw na lang sila. Biglang tumahimik. Napagod ang bata hanggang sa makatulog. Inabot na kami ng closing sa loob hindi pa rin gising ang bata kaya binuhat na lang namin kasama ang mga pinamili. Nga pala first time ko rin bumuhat ng bata.. haha