Skinpress Rss

Ang Kasalan


ang kwentong ito ay halaw sa tunay na buhay na hinaluan ng kalokohan.. ang kasalang ito ay may kinalaman sa dati kong post.



Ilang minuto na din ang ginugugol ko sa harap ng salamin hindi dahil curious ako sa aking itsura kundi gusto ko lang matabunan ang lumalapad ko ng noo ng aking malago ng buhok. Suklay sa kaliwa, sa kanan, guguluhin ng konte tapos susuklayin ulit. Presto! Parang dinilaan lang ng kalabaw ang aking ulo. Mahihiyang dumapo ang insekto sa sobrang kinang.

Lumabas ako ng bahay. Hinanap ko ang medyo may kalituhan sa kasarian kong pinsan para humingi ng ekspertong opinyon sa buhok ko. Ngumiti siya na parang katapusan na ng buhay ko. Napadasal ako. Sumambit ng ilang linya ng bibliya. Kawawa naman ang mga pingakuan kong babayaran ng utang kung matatapos na ang buhay ko. Buti na lang mali ang iniisip ko. Kumuha siya ng gunting para lagyan ng direction ang aking buhok kumbaga daanan ng kuto papuntang puyo. Nilagay niya ng wax na hindi ko alam ang tatak basta sure ako na hindi yun floor wax. Sa wakas tao na ako pwede na akong ihanay kay john lloyd.

Tinawagan ko ang dati kong classmate na kasabwat din sa gaganaping kasalan. Si Michael. Natawa tuloy ako. Naalala ko kasi 'yung huli naming dinaluhang kasal, madapa ba naman siya matapos makipagtinikling sa light cords ng mga cameraman. Candle handler yata ang tawag sa role namin sa kasalang ito. Ako yung tagasindi siya naman ang papatay. Sobrang excited ng mokong nandoon na agad siya sa simbahan.

Pumara ako ng pinakamabagal na tricycle para hindi magulo ang aking buhok tsaka malapit lang naman sa amin ang simbahan. Feel na feel ko ang paghampas ng hangin sa aking buhok. Sumusunod sa galaw. OYie! In good shape naman akong nakarating ng simbahan walang galos at taglay pa rin ang pamatay na kaguwapuhan(Napadasal ako). Hinanap ko agad si Michael. Hindi ko siya makita. Umikot ako sa may likod ng simbahan baka sakaling andun siya. Hindi ako nagkamali. Masaya siyang umiiihi sa may poste ng Meralco sa saliw ng musika na pinasikat ni Sandara.

Dumating ang sasakyan ng mga ikakasal. Nakangiti ang lahat ewan ko lang dun sa batang mataba na mukhang wala sa mood lumakad hindi pa man nagsisimula ang kasalan e pawisan na agad at nagmamantika na. Niyaya ko si Michael na hanapin ang napakaswerte naming mga partners. Anyong aakbay na siya sa akin pero hindi ko pinahintulutan. Isang karate chop ang natanggap niya mula sa akin.

"Aray! O baket?" gulantang na sigaw niya.

"Nagtanong ka pa? Ano bang huli mong ginawa?" Bibigwasan ko pa sana siya ng bigla kong ma-realize na may kalakihan ang kanyang katawan kumpara sa akin. Buti na lang hindi siya lumaban.

Isang mahaderang bakla ang lumapit sa amin para alamin kung participants kami ng kasal. Obvious naman siguro dahil kaparehas namin ng costume ng ibang lalaki dun sa entrance ng simbahan. Hihingin ko sana yung posporo kaso umalis agad ang bakla na kakulay ni barney.

"Pre wala ka ng role." sabi ko.

"Bakit?" usisa ni Michael.

"Hindi ako binigyan ng posporo kaya hindi ko masisindihan ang candle."

"Gusto mo lighter? Kahit kandila ng pakner mo pwede mo sindihan."

"Nasan ga ang partner natin?" wika ko habang pinapanood ang mga babaeng bumababa ng van.

"Kamalayan ko. Yung kaklase lang natin ang kilala ko," pilosopong sagot niya.

Maya-maya dumating muli ang baklang organizer. Siguro siya ang katiwala ng mga gremlins kaya todo abala sa mga sponsors ng kasal. Tinawag kami para humanay biglang paghahanda sa wedding entourage. Ilang hakbang mula sa aking kinatatayuan ay ang lalaking ikakasal, ang aming dating kakaklase. Bagamat bihis na bihis ay wala pa ring ipinagbago sa itsura. Binati ko siya ng buong puso dahil wala kaming dalang regalo.

Tinanong ako ng bading kung ako ang candle sponsor kaya tumango naman ako na parang na-hipnotized. Inusisa ko ang gagamitin kong posporo sa halip na sumagot ay inihagis niya sa aking tabi ang isang bata na sa wari ko ay siya ang magiging partner ko. Naririnig ko pa ang himutok ng bakla na sa dinami-dami ng babae sa earth ay ipinilit ang kapatid ng ikakasal kahit kulang pa sa height. Hindi siguro laking tiki-tiki. Parang may bitbit akong bata habang naglalakad patungong altar. Kung ihahanay mo nga siya sa mga poste patungong altar ay mapagkakamalan siyang poste hindi lang sa kanyang height kundi pati na rin sa kulay ng kanyang kasuotan.
Base sa naging usapan namin kanina noong iniabot niya ang posporo na puno ng ribbon e first year high school lang pala siya kaya pala hindi pa lumalaki at halatang foam pa lang ang bukol sa dibdib. Medyo duda nga ako na baka hindi sumindi ang palito ng posporo dahil pakiramdam ko ay nabasa na ito dulot ng pasmadong kamay.

Matapos ang pang-aalipusta ko sa aking partner ay pinunterya ko naman ang babaeng ikakasal. ABA!! Nakarating na yata ako ng Baguio e hindi pa sila nakakarating ng altar. Sa halip na ang bride ang alalayan, siya ang umalalay sa kanyang tatay na palagay ko ay buhok na lang ang walang rayuma. Hindi kasi Nag-flanax!

Nakatulog na yata ako noong nag-umpisa ang kasalan. Naramdaman ko na lang na tinatapik ako ni Michael para alamin kung kakilala ko ang commentator ng simbahan. Siya lang naman ang dati naming religion teacher na nagkaloob sa akin ng award na bilang "BEST in RELIGION". Bukod sa dati akong sakristan ng simbahan (bawal tumutol)
ay nagkataon lang naman na tiyahin ko siya. Napapasarap pa lang ang kwentuhan namin nang biglang sumulpot from outer space ang bading na organizer. Parang mainit ang dugo niya sa akin kahit wala naman akong ginagawang mali at imposibleng may buwanang dalaw siya. Inutusan niya akong tumayo para sindihan ang kandila. Bibong-bibo naman akong sumunod.

Dumating ang kinatatakutan ko. Ayaw sumindi ng palito ng posporo. Ilang kiskis pa ay uminit na ang ulo ako. Pinakaayaw ko pa namang mangyari sa buhay ko ay yung pagtawanan ng tao kahit hindi nagpapatawa. Nagpapadyak na ang bading na organizer sa inis. Hindi ako ang dapat sisihin, biktima lang din ako ng pasmadong kamay ng unanong partner ko. Mula naman sa kinauupuan ni Michael ay halata siyang natatawa na animo'y itlog na gumugulong habang itinataas ang hawak na lighter. Nakarma na yata ako sa pang-aalaska ko sa kasal.

Nagtatawanan na ang lahat lalo na noong maputol na ang palito ng posporo sa sobrang panggigigil ko. Ini-offer ng unano este ng partner ko ang hawak niyang palito. Sinidihan ko muli stick gamit ang apoy ng kandila niyang naglilibyab na. SA WAKAS!!! ALELUYAH! Para akong boksingerong nakapagpataob kay pacman sa sobrang pagbubunyi sa nasindihan ng kandila. Napangiti na ang groom. Nakingiti na lang ako. Akmang aalis na ako ng altar nang aksidenteng matabig ng aking siko ang kandila. Nagpagulong gulong ang kandila sa sahig. Kitang-kita ko ang organizer na parang asong bagong anak sa sobrang galit habang hinahabol ko ang pesteng kandila!. Dilubyo!.

Parang gusto kong pumunta ng ibang dimension sa sobrang hiya. Patay malisya na lang akong bumalik ng upuan matapos ibalik ang kandila sa kinalalagyan.




------
personal
may facebook na sa wakas ang inyong lingkod. kung kayo po ay may suggestion, may kalibugan, at pwedeng utangan paki-add po ako..