Skinpress Rss

basketbol (sequel)


basketbol 1

Labis ang panghihinayang ni PJ sa kaibigang si Jef matapos itong mamatay sa bangungot. Minabuti niyang mag-uwian muna mula sa trabaho habang wala pang nakikitang malilipatan dala na rin ng takot na muling magpakita sa kanya ang taong walang mukha.
Gumugulo pa sa kanyang isipan kung ano ang kaugnayan ni Caloy sa mga nangyari. Labis kasi ang kanyang pagtataka kung bakit nag-anyong walang mukha si Caloy gayung si Jef ang mamamatay.

"Pare tulala ka na naman ah!" sigaw ni Oscar habang akmang ibabato sa kinauupuan ni Pj ang bola. "Sabagay ikaw ba naman may makasamang patay sa kwarto."

Sinimulang patalbugin ni PJ ang bola. Kailangan kasing magpakondisyon para sa inter-Barangay mamayang gabi. Ngumiti siya.

"Game! Walang mangyayari kung magmumukmok ako dito." Dahil likas na sa dugo niya ang galing sa basketbol madali siyang nakapag-adjust. Medyo madali nga lang mapikon sa pang-aasar ng kalaban dala na rin ng matinding emotional stress.

"Foul!" sigaw ng kalaban.

"Bola na naman!" bulyaw ni PJ.

"Sabit ka tol sa braso."

"Bakla ka ba? Konting dikit lang parang ikamamatay mo na." asar na wika ni PJ.

Bago pa magsimula ang gulo ay pinaupo na agad ng kasamahan si PJ.

"I-reserved mo na lang lakas mo mamaya PJ." wika ni Oscar.

Umuwi si PJ para magpahinga. Alam niya sa kanyang sarili na hindi mabuti ang kanyang inasal. Ilang saglit pa ay tuluyan na siyang nakatulog.

"Matapos ang kidlat ay sasapit ang kulog." wika ng isang lalaki. Hinanap ni PJ ang pinagmumulan ng tinig. Nakita niya ang isang lalaking nakatalikod malapit sa basketball court.

"Sino ka?" pagal na tanong ni PJ.

"Matapos ang kidlat ay sasapit ang kulog." humarap ang lalaki. Nanghilakbot si PJ. Tumaas ang kanyang balahibo. Ano na naman kaya ang ibig ipahatid ng lalaking walang mukha?

Bago pa niya magawang tanungin muli ang lalaki ay nagising na siya sa kanyang pagkakatulog. Matinding uhaw ang kanyang naramdaman. Hindi niya maintindihan ang nais ipahatid ng lalaki. May mangyayari na naman kaya?

Kinabukasan hindi na takot ang nararamdaman ni PJ. Gusto niyang maresolba ang misteryong bumabalot sa lalaking walang mukha. Nais niyang mahinto ang maaring sakunang mangyayari. Kahit oras ng trabaho ay pilit niyang inaalam ang ibig sabihin ng lalaking walang mukha sa kanyang panaginip. Minabuti niyang humingi ng opinyon sa mga kasamahan.

"Grace sa palagay mo anong ibig sabihin nito?" wika ni PJ habang iniaabot ang piraso ng papel.

"Matapos ang kidlat ay sasapit ang kulog. Hmmm. Salawikain yata ito PJ." tugon naman ni Grace.

"So kung salawikain yan anong interpretation mo?" naguguluhang tanong muli ni PJ.

"Siguro kapag may ginawa kang bagay asahan mong kahahantungan."

"Oh ano naman yang pinagkakaabalahan niyo diyan?" tanong ng bisor na si Monching.

"Ah sir itong si PJ may itinatanong lang."

"Patingin nga? Matapos ang kidlat ay sasapit ang kulog. Assignment ba to ng kapatid mo PJ?"

"Ah hindi naman sir, gusto ko lang malaman yung meaning akala ko kasi pahulaan yan." palusot ni PJ dahil ayaw niyang pagtawanan kung sakaling sabihin niya na galing yun sa lalaking walang mukha sa kanyang panaginip.

"Talagang mahilig ka sa mga pahulaan a. Palagay ko salawikain nga ito." wika ng bisor.

Lumapit ang ibang katrabaho ni PJ para makisawsaw sa usapan. Yung iba naman gusto lang makapetiks sa trabaho.

"Naku naman PJ pinapahirapan mo ang utak mo e. Simple lang ang ibig sabihin niyan e. Kapag umutot malamang may kasunod!" banat ni Zyrus. Napuno ng tawanan ang loob ng opisina.

Napakamot na lang si PJ. Bahagya ngumiti.

"Ikaw Ca..." bago pa man natapos ni PJ ang sasabihin ay nakita niya muling walang mukha si Caloy. Napaurong siya. Pumikit sandali. Noong muling dumilat ay nagbalik sa dating itsura si Caloy.
Nagbalik sa kanyang alaala na nangyari kay Jef. Natatandaan niya na bago namatay si kasamahan ay nag-anyong walang mukha si Caloy. Unti-unti niyang napagtagpi-tagpi ang katotohanan at ang kanyang panaginip.

"Si Caloy ang kidlay, sakuna ang kulog." bulong sa sarili. Bumalik na si PJ sa kanyang upuan para muling magtrabaho. Inalis na muna niya sa kanyang isip ang lalaki bagamat nag-aalaala siya sa kasamahang posible maaksidente.

Uwian, bago pa man makalabas ng opisina sinabihan niya lahat ng kaopisina na mag-ingat sa bawat kilos.

"Alam mo pare ang weird mo na! Laki mong tao parang kabado ka palagi!" kantiyaw ni Jason.

"Oo nga tol. Alam namin ang pinagdaanan mo tol kay Jef pero wala na tayong magagawa dun yun ang kapalaran niya e." paliwanag ni Kiko.

"Wala naman siguro masama kung sabihan ko kayo mag-ingat e." maktol ni PJ.

"Woh! tumataas ang boses ni idol. Cool ka lang dude!" sabat ni Zyrus na nagawa pang magpa-slide sa steel railing ng hagdanan. Hindi pa nakontento ay muling nagpa-slide sa sunod na floor. Bago pa siya tuluyang sumapit sa dulo ay sumabit na ang kanyang damit. Nawala siya sa balanse bumagsak siya sa hagdanan. Bali agad ang kanyang braso at binti.

"Sabi ng mag-ingat! Ano ka ba naman tol!" galit pang sigaw si PJ kay Zyrus. Mabilis nilang isinugod ito sa clinic. Dahil major ang fracture minabuti ng nurse na ipadala si Zyrus sa pinakamalapit na ospital.

"Tol parang may third-eye ka na." ani ni Jason.

"Kayo na bahala kay Zyrus. May laro pa kasi ako." mababang boses ni PJ na tila wala sa sarili. Bakit si Caloy ang senyales ng bawat sakuna. Bakit ako lang ang nakakakita sa taong walang mukha? Mga tanong na patuloy na gumugulo sa kanya.

Maagang nagtungo si PJ sa court para ituloy ang kanyang pagpapakondisyon. Ayaw niyang maging pabigat sa team. Nagpakitang gilas agad si PJ.

"Threeeee poooints." umalingawngaw sa court ang boses ng announcer matapos ang huling buslo ni PJ. Panalo. Masaya ang lahat dahil sa pambihirang galing ni PJ. Hindi nila akalain na kahit madalas wala sa ito sa sarili ay nagawa nitong higitan ang puntos noong nakaraang laro.

"Lupit ng inilaro mo!" sigaw ni Oscar matapos makipaghigh-five sa mga kasamahan. Ngumiti lang si PJ bilang tugon.
Bago pa man lisanin ni PJ ang court ay muling magpakita ang lalaking walang mukha. Naguluhan siya. Mali ang una niyang hinuha. Pumasok sa sa isip niya na noong namatay si Jef ay biglang lumitaw ang lalaki.

"Ang lalaking walang mukha ang kidlat hindi si Caloy." bulong sa sarili. Tumalilis si PJ alam na niya sa sarili na hindi si Zyrus ang kulog. Agad siyang tumungo sa ospital sa pag-aakalang nandoon pa ang mga kasamahan sa trabaho.

Bago pa man siya nakapasok sa ospital nakita niya ang isang lalaking naliligo sa sariling dugo. Kasunod nito ang ilang kakilala.

"Anong nangyari?!" gulat na gulat na usisa ni PJ.

"Nabaril si Sir Monching kanina noong pauwi na kami." tulalang wika ni Jason.

"Bakit? Anong dahilan? sino?"

"Binaril ng pulis. Kilala mo si Cynthia? Asawa yun ng pulis. Nabuko na silang marelasyon." sabat ni Grace.

Napasandal na lang si PJ sa dingding. Isinuntok ang kamao sa pader. Alam na niya. Ang panaginip ang susi ng kamatayan, si Caloy ang senyales na nasa paligid ang mamatay, ang lalaking walang mukha ang nagsisilbing kidlat at ang kamatayan ng kasamahan ang kulog.

--
may kasunod pa...harhar