Skinpress Rss

basketball


Para kay PJ to. Tropa ko sa SPi. Siya yung itinuturing na pangalawa sa pinakamagaling sa Basketball team ng QA. Huwag n'yo ng alamin kung sino ang una hayaan nyo na lang akong magpakahumble. Para naman maging bida siya kahit sa kwento man lang.

***


"Three points!!" sambit ng announcer matapos ang crucial shot ni PJ. Lamang pa ng isa ang kalaban. Twenty seconds na lang ang nalalabi sa orasan. Possession ng kalaban.Tumawag ng time-out ang kalaban para siguradong manalo ang PS1 sa QA team.

*buzz*

Tumunog na ang buzzer. Handa na ang play ng magkabilang panig para sa huling dalawampung segundo. Lumakad papunta sa loob ng court si PJ.

"I love you PJ!!" tili ng mga nanonood na babae. Halatang impress sa performance ng binata.

"Anakan mo ko PJ!" sigaw naman ng isang baklang may matagal ng pagnanasa sa matipunong katawan ni PJ.

Ngumiti na lang siya bilang tugon sa hiyawan. Halos mamatay sa pwesto ang mga kinikilig na bakla at babae.

Pumuwesto na para sa depensa ang QA. Maganda ang ipinakikitang play ng PS1, unti-unti ng nauubos ang oras walang puwang para makaagaw ang QA. Sa huling pitong segundo, umatake ang PS1, swerteng nasundot ni Caloy ang bola. Sumagitsit na parang kidlat si Caloy sa kanilang court. Kasunod agad niya si Pj. Inihagis ni Caloy ang bola ere bago pa maubusan ng oras. Animo'y lawin na lumipad si PJ. Isang monsterous slam dunk ang tumapos ng laro. Panalo ang QA kontra PS1. Isang laro na lang champion na sila.

"Nice shot pare! Star player ka talaga," wika ni Caloy habang naglalakad papunta sa locker.

"Sus! Kung hindi mo nga naagaw yun talo na tayo!" papuri naman niya.

"Oh celebration na?!" wika naman ng ka-teammate na si Kiko.

"Tara na sa 1st street!" sigaw pa ng iba. Sa first St. kasi ang hide-out ng mga lasenggong QA, sa isang boarding house sa dulo ng makipot at bumabahang daan. Halos maubos ang supply ng alak sa buong Paranaque sa tindi ng inuman daig pa ang nagchampion sa liga ng Barangay. Tuloy ang tagay kahit wala ng yelo ang beer.

Matapos na ang inuman may ilang lumusong sa baha makauwi lang. Mayroon din namang magpapaumaga na. Si PJ naman ay dumeretso na sa taas para matulog.

"Pakiusap huwag ka ng maglaro sa finals!" isang boses ang naririnig ni PJ.
"Pakiusap huwag ka ng maglaro!"

Hinanap niya ang pinagmumulan ng boses. Hindi niya makita. Nilibot niya ang bahay. Hinanap din sa loob ng drum dahil maaring siya ay pinaglalaruan ng mga kasamahan. Hindi nito maintindihan kung ano ang nais iparating ng tinig.

"Pakiusap huwag ka ng maglaro sa finals!" Naulit ang boses sa mababa at malungkot na boses. Papasok na sana ulit siya ng kwarto ng makita ang isang lalaki na walang mukha. Napasigaw si PJ. Nagising siya mula sa kanyang pagkakatulog. Nanghilakbot siya. Tiningnan niya ang kaboardmate na si Jef kung nagising sa kanyang pagsigaw. Mahimbing pa rin dala siguro ng kalasingan.

"Ate dalawa nga pong half rice, isang gulay, half po ng adobo, isang bowl po ng sabaw at pa-toppings ng menudo, " order ni PJ sa canteen.

"Ate isa nga kanin at magkano to?" tanong ni Jef habang itinuturo ang bangus.

"Trenta sir"

"Mahal naman. Gulay na nga lang din," wika ni Jef habang kumakamot ng ulo.

"Naku wala na pala akong pera. Meal stub nga ate." Matapos isulat ang pangalan naupo na si PJ at Jef sa mesa kung saan naroon si Caloy.

"Pare mahirap ba ang file na hawak mo?" si Caloy.

"Hindi naman maayos ang pagkakacode." si PJ habang isinubo na parang siopao ang kanin.

"Yung sakin mahirap. Lintik na mga indyano hindi yata marunong ng alpabhet." sabat ni Jef.

Tuloy ang subo ni PJ. Natigilan siya ng makitang burado ang mukha ni Caloy. Naalaala ang panaginip kagabi. Kinurot ang sarili. Mabilis siyang tumakbo papunta sa drinking faucet matapos mabulunan.

Bumalik siya sa upuan.

"O pare anung nangyari sa'yo?" pag-alaala ni Jef.

"Nabulunan syempre!" sabi Caloy.

"Pare ang panget mo! Wala kang mukha kanina." bulalas ni PJ
kay Caloy.


"Ha? Sa gwapo kong ito mawawalan ng mukha," pagyayabang ni Caloy habang inihahawak ang kamay sa mukha.

"Hindi ko maintindihan tol, kasi kagabi nanaginip ako may lalaking walang mukha na nagsabi na wag daw ako maglaro sa finals, " balisang pahayag ni PJ.


"May gustong ipahatid ang panaginip mo. Ang hindi lang natin alam kung para sa'yo o kay Caloy," sambit ni Jef.

"Teka baket ako? Eh ikaw ang dapat hindi maglaro?" si Caloy.

"Natatakot tuloy ako. Akala ko panaginip lang tapos biglang nagkatotoo," napaurong mula sa mesa si PJ.

"So, hindi ka maglalaro mamaya?" usisa ni Caloy.

"Tatawanan ka tol kapag nalaman na hindi ka naglaro dahil sa panaginip mo," natatawang pang-aasa ni Jef.

"Oo nga e. Bahala na. Hindi ko naman siguro ikamamatay yun." Matapos kumain dumeretso na sa loob ng opisina. Hindi siya makapagtrabaho ng maayos dahil sa misteryosong lalaki at kung ano ang kaugnayan nito sa kanya o kay Caloy.

"Tol yung lalaki nasa monitor mo na!" pang-aasar ni Jef.

"Loko ka! Manonood ka ba ng laro Jef?"

"Hindi tol, medyo hang-over pa ko e. Pahinga muna ako. Kita na lang tayo sa boarding house balitaan mo na lang ako ng result."

Nag-umpisa na ang laro. Hindi naging balakid kay PJ at Caloy ang takot sa kanyang panaginip. Natambakan na agad nila ang PS1. Nagpasalamat siya dahil natapos ang laro ng walang masamang nangyari sa kanila. Palabas na sila ng court ng makita niya ang lalaking walang mukha sa dulo ng upuan.

Nagmadali siya umuwi para ibalita kay Jef ang nangyari. Kung paano biglang sumulpot ang lalaki matapos ang laro. Subalit tulog na si Jef ng dumating siya.

Kinabukasan nagtaka siya na hindi bumabangon mula sa higaan si Jef.

"Pre gising na 1st shift tayo." Tinapik niya si Jef. Isa na siyang malamig na bangkay.