Skinpress Rss

TOTGA


Paggising ko kaninang alangang umaga o tanghali nagtransform na ako sa pagiging panda. Buti na lang hindi ko naisipan kumain ng kawayan. Pano ba naman kasi dalawang araw na akong puyat. Una, pilit kong nirecall ang formula ng Venn diagram at sagutan ang assignment ng aking pamangkin. Pangalawa, niyaya ako ni Zara na mag-sparring ulit kami sa inuman. Dapat 2 bottles lang pero nauwi sa lasingan.


Sabi nga ni Chito Miranda, may kwentong pandrama na naman, parang panTV walang katapusan. Ganun si Zara. Ganun kami. Kayo malamang ganun din.


"Alam mo Pot, may taong tanga. Sila na nga yung pinahahalagahan, yun pa ang wala pakialam sa nararamdaman mo!" Pinsan ko si Zara at madami akong utang sa kanya kaya bawal tumanggi sa alok nya.

"Lasing ka na nyan? Uwian na?" Kung wala kami sa subdivision malamang nahuli na kami ng barangay. Nakaupo kami sa sidewalk habang tumutungga ng alak. Swerte lang talaga na nasa dulo kami ng block.

"Gago! Kalhating bote pa lang oh? Nabwelo pa lang ako."

"Nadinig ko na yan. Lipat tayo ng channel ha."

"Ano ba? Lolokohin mo lang ba ako?" Siya ang tipo ng babae na pwedeng prinsesa ng banderang kapos. Parang yung favorite ko team ko sa sa PBA ang mga naging bf nya, sa umpisa lang magaling.

"Binibiro lang kita. Pinapatawa."

"Makinig ka kasi. Wag ka muna magsalita! Okay?" Tumango ako. "Yun nga, TOTGA sya. The one that ginoyo ako. Gawin ba naman akong sugar mama!

"Totgang ina nya!" Sigaw ko sa isip.

"Hindi ko maintindihan bakit kailangan pang masaktan kapag nagmamahal. Hindi ba pwede masaya lang? Bakit may gaguhan? Pa-victim. Nalingat lang, kumambyo agad. Tapos maninisi na wala akong time? Di-metro? Sulit bawat segundo. Letsugas!"

"Letsugas walang hugas!" Sigaw ko ulit sa isip bawal pa ako magsalita e. Pinanood kong lagukin niya ang huling patak ng redhorse.


"Two things. Move-on or give him another chance. Pero any choice na gagawin ko, I will get the same result. At yun ay umiyak."


Sa lahat ng pagkakataon na magkasama kami, iyon siguro ang pinakaayaw kong sitwasyon na mangyari sa aking pinsan. Alam ko kung paano siya kiligin at mainlove. Jackpot nga ang mga lalaki sa kanya sa sobrang daming love na mayroon sa puso nya. Unending. Unselfish. Oo minsan, uto-uto sya kaya lang hindi dapat lisensya yun para samantalahin.


Itinaas ko ang bote na tila lalaban ng himagsikan laban sa mga mapang-aping mananakop. "Maging matapang ka!" Sigaw ko.


"Hindi ko kaya. At hindi naman ako matapang!"

"Matapang ka! Nakabili ka nga ng beer nakalimutan mo mag-bra!"

"Shet! Hindi ko na naman naalala." Kahit pano gumaan ang aming usapan. "Mamaya lalabas na si Mama, di ka na noon pauuwiin."

"Basta paglilinis mo ko ng suka ha? One week pa tong nararamdaman ko. Chaket e." Tinapik niya ang dibdib ko. "Langya malaki pa dede mo saken."

"Alam mo bukod sa amisyo, alabyo, rapbeh at pabebe may ka-bundle talaga yan na sakit. Emosyonal man o pisikal. Mas masarap magmahal kung naranasan mong masaktan. Isang cycle ang mabroken heart, magmove-on at magmahal ulit. Hindi ko na nga need i-explain , alam mo na yan! Ilang beses na di ba? Common sense na. Kung di mo pa din gets, di ka love ng mama mo. Kinulang ka sa turok at vitamins."

"Gago ka! Lalo ka na bansot. Eh pwede naman masakatan ng hindi nanggago di ba?"

"Ang pagiging unfair ng buhay ang nagpapalasa nito. Boring kasi kung parang dede mong flat ang feelings. Need minsan mauntog baka kasi makalimot tayo kapag lunod na saya. Kapag hindi ka na nasasaktan doon ka dapat mabahala. Malamang alien ka na."

"Wow ha. Ang amazing mo."

"Para sayo pinsan. Kaw pa!"

"O sya bili pa ng may silbi ka!"

- wakas-