Skinpress Rss

Guyabano


Nakangiti ako sa berdeng prutas habang namamangha sa biglang payabong ng puno. Hindi ganito ito noong nakaraan mga araw. Madalas mabibilang sa daliri ang mga dahon nito. Hindi ko na nga maalala noong huli namunga.

Tila isang kwento sa komiks ang nasa likod ng puno. Kay sarap balikan ang pahina. Lalo ang mga kapilyuhan at kalikutan ko. Paborito kong tambayan ang puno ng guyabano. Nadoon kasi ang maliksi at matapang na gagamba. Mapula-pula at mabalahibo pa ang mga paa! Pero hindi lang ako ang mahilig umaligid sa puno. Madalas nakabantay ang Lola ko. Matapang at istrikto siya. Niloloko pa ako noon na kaya matapang ang mga gagamba ay dahil namana kay Lola. Muntik na akong maniwala!


"Bumaba ka dita! Nu dim kayat ma sal-it!" sigaw ni Lola nang madatnan akong nakaakyat sa puno. "Bumaba ka ta! Mabaot ka!" Mabilis akong bumaba. Tumakbo at nagtago. Pero varsity yata si Lola sa taguan kaya nakita pa din niya ako. Nilawayan ko na lamang ang latay na dulot ng sanga ng santan na humalik sa aking balat.

Ganoon kami ni Lola. Minsan gagamba o kaya langgam na pula. Kinalyo na ang puwet ko sa dami ng palo.

Nasa kolehiyo ako noong naisipan kong bawasan ang sanga ng puno. Hindi na maaliwalas tingnan at wala na akong hilig sa gagamba. Halos maubos ko na ang sanga nang biglang sumigaw si Lola.

"Peste ka ngang ubing! Nagtangken ti ulo!" Kumuha siya ng sanga at agad ipinalo sa akin. Mahina ang mga palo. Hindi na kayang gumawa ng pantal sa aking balat.

Simula noon hindi na ako kinibo o kinausap ni Lola. Masama ang loob sa akin. Hindi ko alam na mahalaga pala sa kanya ang puno ng guyabano. Puno lang iyon kung tutuusin. Wala naman kumakain ng bunga maliban sa mga ibon at paniki. Umalis si Lola at lumipat ng bahay kina Tiyo Al. Nakwento ni tiyo na mahalaga ang puno na iyon kay Lola sa hindi din nila alam na dahilan. Siguro dahil sya ang nagtanim.

Bilin sa akin ni Nanay kahit may nagawa na akong desisyon basta may kinalaman ang pamilya dapat akong sumangguni sa nakatatanda. Hindi dahil lamang sa opinyon na pwede nilang ibigay kundi pati bilang tanda ng respeto. Wag ko daw ituring na isang babasaging plorera na madalas ay nasa sulok sa takot na ito ay mabasag. Parte sila ng pamilya kahit marupok na. Ang mga karanasan ng mga ito, mali man o tama ay napakabisang gabay sa buhay. Itanim ko daw iyon sa akin isip dahil dadating sa puntong si Nanay naman ang tatanda.

Ang puno pala ang tanging naipundar ni Lola simula ng huminto sa pagtitinda kaya masama ang loob nito. Binili pala niya ito galing sa huling perang tinubo.

Nakangiti ako sa berdeng prutas habang namamangha sa biglang payabong ng puno. Hindi ganito ito noong nakaraan mga araw. Madalas mabibilang sa daliri ang mga dahon nito. Hindi ko na nga maalala noong huli namunga. Napatawad na siguro ako ng puno. Tumingin ako sa puno. Sa langit. Napatawad na siguro ako ni Lola.

-wakas-