Mukhang sa hospital bed na naman ako magbabakasyon. Tulad dati. Noon. Agaw buhay kasi ang nangyari sa akin kahapon.
Ipinanganak akong may kakambal na nebulizer. Present din ang inhaler sa baon ko. Kaya dehins pwede ang too much ng kahit ano. Regulated pati kilig. Kaya big NO ang k-drama. Kahit si Han Hyo Joo hindi ko papansinin.
Last day ng clearance kahapon. Hindi ko na naman makikita si Debbie ng medyo matagal na panahon. Men, torture yun! Hindi ko naman pwede basta puntahan sa bahay nila ng wala dahilan. Baka tawanan naman ako kung yayain ko kung saan. Baka magtanong. Anong isasagot ko? Na may konting kati sa puso ko kapag namimiss sya? Alam kaya nya yung pain of missing someone? Okay sana kung miss ko lang sya kapag tuesday. Eh hindi e! Kaya ako lang yata ang ayaw ng bakasyon.
Nakatambay ako sa south lounge nang iluwa ng Chez Rafael si Debbie. Timing. Matik na nagpop-up ang pwet ko sa pagkakaupo. Binilisan ko ang lakad para umabot kay Debbie.
Ngumiti ako. Ngumiti din sya. Isa lang ibig sabihin non. Okay na. Uwian na. Laslas na!
Binagalan ko ang lakad upang humaba ang natitira naming oras. Pero hindi sya. Pinagmamadali pa ako. 5 minutes na lang at matatagalan na ulit ang aming pagkikita. Para tuloy akong nauupos na kandila. Worse bombang sasabog.
Gusto ko sanang akbayan si Debbie tulad ng ginagawa namin dati. Pero noong nainlab ako sa kanya biglang may second thought na. Dahil sa Science nalaman kong meron pala kaming Chemistry. May bond. Attraction. May reaction. Ganoon siguro ka-amazing love. Yung parang dati na wala lang biglang nagkaroon ng meaning. Sobrang magical na kaya nitong gawing ginto ang dating nakababatong paglipas ng oras. Kaso badtrip yung bata kasi pinipilit akong magdonate sa kanya ng barya. Yung kasama niya hindi naman tinantanan si Debbie. Sira ang moment ko.
Wala talagang perpektong eksena gaano man ito kaganda naplano.
Naging poste ako noong bigla tumakbo ang dalawang bata. Parang quarterback ng Eagles sa NFL ang kaharap ni Debbie habang ang isa ang nagsilbing wide receiver ng inihagis na bag. Badtrip! At mukhang gusto pa ng touchdown. Kailangan ko silang i-tackle!
Habulan kami mula La Salle hanggang Canossa. Lumabas ang pagiging atleta kuno ko. Instant! Late ko na narealize na hikain ako. Bumulagta ako pagbalik kay Debbie.
Paggising ko hindi muna ako nagmulat. Sinipat ko muna kung sino ang nasa paligid. Si Mama nasa sofa at nagpapahid ng luha. Si Debbie nasa gilid ng kama habang nagkukwento ng nangyari. Medyo dyahe kasi dalawang bata lang ang nagpataob sa akin. Nakuha ko nga ang bag wala na din ang laman.
Pinisil pisil niya ang aking kamay. Napasmile ako.
"Gising na sya!" Walastik. Napasmile pa kasi. Naobyus tuloy ang aking dimples kung kelan nag-uumpisa pa lang ako mag-enjoy. "Okay ka lang ba?" Tumango ako.
Medyo weird pero paminsan gusto ko din ang nasa ospital. Ito kasi yung time na pampered talaga. Halos ibigay lahat ng gusto.
"Walang masakit sayo?" Tanong ni Mama. Umiling ako. Ewan ko ba kung bakit trip nila magtanong habang may nakasalpak sa bibig ko. "May gusto ka ba?" Ito na ang moment na hinihintay ko.
Itinuro ko si Debbie. Walang kumurap. Pause. Walang background music. Kami lang tatlo. Kapwa nila tiningnan kung may tinuturo ako sa likod. Wala. Walang mumu. Nakatapat sa kanya ang daliri ko. Kay Debbie. Sa babaeng nagpapabilis na ng tibok ng puso ko.
"Ako?" Duda pa siya. Pero humigpit ang kanyang kamay. Namula. Hindi ako fan ng k-drama pero no choice na. Pinakitaan ko siya ng isang malupit na finger heart.
Napangiti si mama. Parang kinilig sa eksena ni Lee Jong Suk at Han Hyo Joo.
Magkano na kaya ang bill namin.
-wakas-