Skinpress Rss

San Buenaventura



Abala si Jordan sa paglalaro ng kanyang laway habang nilalabanan ang inip sa  kulungan na kinalalagyan. Pula ang nasa kaliwa at asul naman sa kanan ang gwantes niya sa kamay. Maitim na ang kumot sa kanyang braso na nagsisilbing gabay kung gaano kalimitado ang kanyang pwedeng ikilos.  Bukod sa hindi maayos na kalagayan ay nakasusulasok ang amoy na dulot ng pinaghalong pawis at ilang araw na hindi paliligo.  

"Inom ka ng tubig anak." Basag na ang baso bago pa ito lumapat sa bibig dahilan upang igapos si Jordan sa puntong paghinga na lamang ang pwede niyang ikilos. Ipinilit ni Kerwin ipainom ang tubig sa anak.   "Maya-maya tahimik na siya." Baling niya kay Miko. "Walang mawawala. Subukan mo." 

"Hayaan mo. Bukas na bukas ay pupuntahan ko ang lugar na 'yon," sagot ni Miko. 

"Gagaling ka. Gagaling ka. Maniwala ka lang."


Manipis pa sa hibla ng kanyang buhok ang paniniwala ni Miko sa mga albularyo, pantas at kung anu-ano pang binabalot ng himala. Aksaya lamang ng oras ang pagkonsulta sa mga ito dahil sa karaniwang mga litanya tulad lamang lupa, kulam, napaglaruan at mga hiwagang pilit na ipinaniniwala na kadalasan ay nauuwi pa sa mas malubhang kalagayan.

Pero hindi ngayon. May masamang hangin na nagtulak sa kanya upang subukan ang huling barahang napili niyang sugalan.  Wala nga namang mawawala kung walang nakataya. Wala naman talo kung wala kang bibitawan.


Limang araw ang itinagal ng ulan hatid ng bagyong Karen sa buong kapuluan. Mahina ang bagyo kumpara sa mga naunang tumama sa bansa pero tila delubyo ito sa mga naghihintay na makarating sa lambak ng San Buenaventura. Mapanganib kung pipilitin  ang maglakbay sa mabato at matarik na daan patungo sa pinaniniwalaang sentro ng himala. 

"Mamatay ka na sana!" sigaw ng nakamotorsiklong lalaki. 

Napangiwi si Miko habang kumukuha ng lakas sa kaliwang kamay upang mabawi ang kanyang panimbang mula sa pagkadapa. Aminadong wala siya sa sarili habang tumatawid ng kalsada. Abala siya sa  pagtataboy ng mga nagpapatinterong langaw sa braso. Nabali yata ang kanyang tadyang pero hindi niya muna ininda dahil mas importante ang pakay niya sa San Buenaventura.

May kumalat na balita na sa lambak ay may matandang bukal ng tubig na kayang magpagaling ng mga sakit. Noong una ay iilan  ang nakikinabang pero dahil sa isang reporter na nagpatotoo ay naging viral ito sa internet at tuluyang sumikat. May dala daw itong himala sa bawat naniniwalang sila ay gagaling. Nahikayat si Miko na subukan dahil  walang imahe ng kahit anong relihiyon,  walang anito, walang sinasapian, walang salitang latin, walang nagpapaulan ng laway at higit sa lahat ay walang bayad. Napansin din niya ang pagbabago sa ugali ni Jordan sa tuwing iinom ito ng tubig. Hindi na ito nagwawala katulad ng dati at natigil na din ang pagkagat nito sa pasamanong kahoy ng kanilang bahay.  

Sumalubong sa kanya ang hindi mabilang na dami ng taong pilit dinudugtungan ang nalalabing hininga. May mga mukhang hindi maipinta dulot ng kakarampot ng pag-asang kahit paano ay maibsan ang karamdamang lumulumpo hindi lang sa katawan kundi pati na din sa pagkatao. Bakas sa bawat isa na himala na lamang ang tanging paraan upang maitawid ang bawat araw. Kapansin-pansin din ang mga ngiti ng mga taong paalis na sa lugar. Sa isip niya ay napagaling na siguro ang mga ito.

Ilang daan bote ng tubig ang ipinamimigay tuwing araw ng Byernes. Limitado sa isang araw kada linggo ang ipinamamahagi upang mabigyan ng sapat na oras ang bukal na maglabas ng tubig. May nakatalagang tagapagsalok bawat linggo at pinaniniwalaang mga unang gumaling. Sila ang mga boluntaryong naglalaan ng oras upang sumalok, isalin sa bawat bote at ipamahagi sa mga swerteng umabot sa nakalaang bilang. 


"Pakiusap! Bigyan n'yo pa kami ng tubig!" pakiusap ng isa. Naroon ang batang nakaupo sa loob ng kariton. Maputla ang labi, lubog ang mata at halos kumapit na ang balat sa buto. Sa itsura ng bata ay kahit bwitre ay hindi pag-aaksayahan tikman. "Bata pa ang anak ko. Mabait siya. Malambing... Tulungan n'yo siyang dugtungan ang kanyang buhay."  Tumatangis ang ina habang nakikiusap. Lumuluhod sa bawat taong may bitbit na tubig. Pagmamakaawang kayang gawing ng kahit sinong ina para sa kanyang anak. 

Puro at dalisay ang puso ng hindi nagdamot. Noon din ay patakbo lumapit ang ina sa kanyang anak. Binura ang luhang humalo na sa sipon at sinubukang ipainom sa anak ang biyayang nakamit. Bahagyang sumilip ang ngiti sa labi ng paslit tila may mensaheng nais iparating. "Mauuna na ako doon. Pagmamahal mo ay aking baon."  


"Kung nalapatan sana ng isang patak ng tubig ay may pag-asa pa," puna ng isa.  

"Pabayang ina," ayuda ng kausap. "Si Nilo nga itong ratay na sa higaan at tinaningan na! Aba'y nadalhan ng tubig ng asawang si Estela edi ngayon  laman na ulit ng sugalan. Lasa ko'y gusto namang patayin ng asawa dahil inuubos na ang kabuhayan!"

"Tumigil nga kayo! Matagal ng gustong pumunta nila dito. Kaso maulan. Kawawang bata." Pagtatanggol naman ng isa habang abala sa pagpapahid ng tubig sa bukol sa kanyang dibdib. "Pag ako namatay sa kanser malamang pagtsismisan nyo din ako."

Lumabas ang isang lalaki mula sa isang kubo upang mapigilan ang kaguluhan dulot ng pagkamatay ng bata. "Hinikayat pa din po kayong magpakonsulta at huwag iasa sa tubig ang inyong kapalaran." Lumapit siya sa isang lalaki at pinakiusapang dalhin ang mag-ina sa bayan upang mabigyan ng disenteng burol. "Igalang natin ang biyayang ibinigay sa atin. Ito po ay libreng tulong sa lahat. Hindi po tayo tumatanggap ng pera upang maiwasan ang mapagsamantala, makaiwas sa kontrobersya at gawing negosyo ang tubig.  Kung nais po ninyong makatulong magdala po kayo ng upuan, tolda at lamesa para kapakinabangan ng naghihintay. Salamat po," tukoy niya sa lalaking nag-alok ng tulong.

Matagal bago nakakilos si Miko. Natakot ngunit namangha din sa kanyang nakita. Kakaibang tanawin para sa kanyang mata. "Siya po ba ang nakatuklas ng bukal?" tanong ni Miko sa katabi.

Naglalangis na ang tila bagong lutong karne-norte ang mga sugat ni Miko sa binti at braso. Kinulam si Miko wika ng isang espiritista kaya hindi gumagaling kahit isangguni sa mga doktor. Matipuno, may kakaibang karisma at habulin ng babae si Miko noon.  Isang pagtanggi sa pagkonsorte ang naging mitsa ng pagkawala ng kanyang tikas. May babae umano ang nag-alok sa kanya noong nakaraan Flores de Mayo na maging kapareha subalit tumanggi siya dahil may napili na siyang musa. Nagbanta ang babae at ilang araw nga ay isang naagnas na buhay si Miko.  


"Bago ka ba dito?" tanong ni Tonyo. Tumango naman si Miko.  "Si Pol 'yan. Matagal na ang bukal. Lolo niya ang dating nakatira sa loob. Biruin mo umabot ng higit isang daan ang edad dahil may mahiwagang tubig pala sa loob."

"Paano naman po nalaman ng iba kung matagal ng itinago iyon ni Lolo?" usisa ni Miko.

"Bagyo ang nagtulak sa kanyang bumalik dito mula Navotas. Natakot siya sa kalagayan ng sakitin niyang lolo kaya na pasugod dito. Ayon nga, pagkatapos ng bagyo medyo maraming nagkasakit na bata. Wala kasi malinis na tubig na maiinom. May kababata siyang nabigyan ng tubig mula sa bukal, inilagay niya sa lagayan ng mineral water at aksidente namang naipainom ng asawa nito sa anak na nakatakda sanang dalhin sa ospital. Ilang oras lang ay nakita na itong naglalaro. Parang nagdahilan lang!"

Napatango na lamang si Miko. Sunod-sunod ang lagok niya sa paniniwalang mawawala ang sakit sa kanyang balat. "Kung sa iba sasarilinin ito. O kaya gagawing negosyo tulad ng karaniwang mga naghihimala. Ultimo tindera ng kendi bawal dito."

"Sabihin na nating pinili siya. Hindi natin alam kung bakit."

"Madalas po kayo dito? Mukhang madami na kayong alam ah."

Tumango ang lalaki. "Wala akong sakit pero simula noong pumunta ako dito may kakaibang hiwaga na dinala ang tubig sa akin. Isa akong laos na reporter sa pagbagsak na limbagan ng dyaryo. Pero ngayon tinitingala na ulit kami. Lahat ng impormasyon dito alam ko. Tumutulong din akong lumakap ng bote para paglagyan ng tubig para ang mga pupunta dito ay may pantay na dami ng tubig na matatanggap."

"Sa kapal ng tao dito mukhang madami na talagang napagaling. Sana may pagbabago sa akin."

"Siguro nasa isip din ng tao 'yan. Sa paniniwala. Mga sumugal dahil sa kawalan ng pag-asa. Kaya laging paalaala ni Pol na magpatingin pa din sa doktor. Ayaw niyang masisi bandang huli. Pero madami talagang hindi nating kayang ipaliwanag. Kung mapagaling ka, maglaan ka din ng oras dito. Ikalat natin upang may matulungan pa. Halika sa babaeng 'yon."

 Nandoon and isang babaeng mabilis pa sa putak ng manok ang bilis ng bibig. Hawak niya ang lumang litrato ng dating kalagayan. Nakapandidiri at halos maputol ang daliri sa paa dulot ng diabetes bagay na hindi na mababakas ngayon. Isinasigaw niya sa lahat ang paggaling ay dulot ng tubig. 




Isang pilas ng papel ang nawala sa kalendaryo bago naghilom ang sugat ni Miko. Tulad ng inaasahan naging bahagi siya sa mga nagpapatotoo. Nagbigay daan ito upang mas makilala ang San Buenaventura at mahiwagang bukal.  Dumagsa ang mga may karamdaman galing sa iba't ibang estado ng buhay. May mga hindi gumagaling pero patuloy na naniniwala na sa pagmulat ng kanilang mata ay pawi na ang kapansanan. May umaalis pero may pumapalit. Likas na nga siguro talaga sa mga tao maniwala sa himala.

"Kasinungalingan ang lahat ng ito!"  Gahigante ang sigaw ng lalaking nag-aapoy sa galit. Itinataob niya ang mga upuan at mesang nakaharang sa kanyang daan. Lumuluha ito sa kabila ng galit sa kanyang mata. "Namatay ang asawa ko sa paniniwalang pagagalingin ng tubig na 'yan! Umaayos na siya dahil sa chemo pero ng dahil sa panloloko at kademonyohang itinanim ninyo sa utak ng asawa ko ay mas ginugol niya ng oras dito. Ngayon patay na siya.  Patay na siya!" sigaw nito sa lahat ng naroroon. 

Hinawakan niya ang upuan at tipong ihahampas sa tagapamahagi ng tubig. Nakatungo, tikom ang bibig at tiklop ang tuhod ng babae at natatakot sa kahihitnan ng kayang gawin sa kanya ng lalaki. Nabulaga ang mga tao at nagsipagtakbuhan sa iba't ibang direksyon. Umiiyak ang nawalay na bata sa kanyang magulang na tila malalagutan na ng hininga sa kalituhan at takot.  Bihirang pagkakataong may biglang susugod sa lugar upang tumutol sa bisa ng tubig.  Umaapaw ang galit sa kanyang pagkatao. Galit na  handang kumitil ng buhay. 

"Awatin n'yo!" sigaw ng babae. "Pakiusap wala akong kasalanan sa'yo!"

"Sino ba ang lalaking 'yan!" ayuda ng kasama nito. "Pigilan n'yo siya!"

"Kaibigan wala kang dapat isumbat sa nangyari sa inyo," harang agad ni Miko sa lalaki hinawakan niya ng mahigpit ang upuan. "Ramdam ko ang pinagdadaan mo pero lahat ng tao dito ay nagbakasali lang. Kahit ako mas pinili ko dito. Ang lahat ay may pagpipilian." 

Hindi nagdalawang isip ang lalaking upakan si Miko. Walang balak  itong huminto hanggang bumagsak sa lupa ang kaharap. Hindi pa nasiyahan at pinabaunan pa ng sipa. Hinawakan niya ang buhok ni Miko bago hinila pataas. "Ngayon pagalingin ka ng tubig mo." Ibinuhos nito ang tubig sa mukha ni Miko.  "Sabihin mo nga? Mabisa ba? May silbi ba? Pinaglalaruan lang kayo ng paniniwala n'yo! Patay na si Isabel. Puro kayo huwad! Huwag kayong magpaloko sa mga nag-aanyong anghel. Habang naniniwala kayo ay pumapalpak sila habang pinaiikot kayo sa kanilang mga palad. Sa bandang huli lahat kayo ay talunan."

Wasak ang mukha ni Miko pero nagawa pa niyang mangatwiran. "Hindi ko kailangan sagutin ang tanong mo. Tumingin ka na lang sa paligid." 
   
Tumakbo sa kaguluhan si Tonyo kasama ang iba pang lalaki. Mabilis nilang inawat ang dahilan ng kaguluhan na si Roldan. "Sabihin na nating hanggang doon na lamang ang buhay ng asawa mo," sabat ni Tonyo. "Malay mo ramdam niya sa sarili na mahina na siya at ang nais na lamang niya ay makatulong sa iba."

Lumapit sa nag-aamok ang punong tagasalok ng tubig upang kalamayin ang loob nito. "Alam mo minsan na din akong nakipaglaban sa kanser. Masakit, mahirap pero masaya. Isipin mo nagkaroon lang ng oras ang anak ko noong may sakit na ako. Ayaw ko na ngang gumaling noon. Alam ko aalis muli siya sa tabi ko sa sandaling mawala ang kanser. Ngayon, bakit ako nandito? Simple lang. Gusto kong maging inspirasyon sa mga nandito. Gumaling man o hindi ang mahalaga ay may nagmamahal sa atin na handang samahan tayo hanggang dito sa kalokohang tinatawag mo." Pagkatapos noon ay niyakap niya ang lalaki. "Mahal na mahal ka ng asawa mo. Madalas ko siyang kakwentuhan  at nagpapasalamat siya na ikaw ang asawa niya. Kahit hindi ka maniwala pero may tinatawag na masayang kamatayan. At iyon ang naranasan ng asawa mo."

Lumapit ang iba pa. Nakiramay. Doon ay bumagsak sa lupa ang lalaki habang umiiyak. Pakiramdam niya ay may lumukob sa kanyang espiritu na biglang nagpabago ng kanyang timpla. Umayon siya sa sinabi ng iba na tila isang hipnotismo pero alam niyang kusang loob siyang sumuko. Naisip niyang tama ang mga tao sa paligid. Bakit nga ba isisi niya sa iba ang pagkukulang? Bakit nga ba hindi niya sinulit ang oras, lambing at ngiti ng asawa? Hindi sana siya naghihinanakit bagkus ay nagpapasalamat. Matamis sana ang luhang umaagos papunta sa kanyang bibig. Naiintindihan sana niya ang masayang kamatayan.

Kasabay ng dapit hapon ang pagbura nito sa kaguluhan. May nabuo muling pagkakaibigan. Oras ng kalimutan ang nangyari. Bukas magiging maayos ang lahat. Ngingiti nang muli ang araw sa San Buenaventura. May kakaiba sigurong espiritu sa lambak na kayang baguhin ang sinuman. Mga espiritung nagtatago sa dalawang taong bumuo ng himala. 

"Nakita mo ba ang lalaki kanina?" tanong ni Tonyo kay Pol na noon ay abala sa paglilinis ng mga tubo.

Inilapag niya ang hawak ng basahan bago hinarap ang kaibigan. "Oo. Hindi lang talaga ko lumapit. Alam kong kaya na nila 'yon. Mas inaalala ko ang nalalapit na pagkaubos ng tubig."

"Hindi mo na dapat iyon isipin."

Natigilan ng bahagya si Pol. "Bakit?"

"Alam naman siguro nila na aabot sa pagkaiga ang tubig. Sabihin natin iyon sa kanila."

"Pero hindi pa sapat ang hawak natin. Bumitaw din tayo  ng malaki."

"Tumawag daw ang nanay ni Miko sa Rizel Marketing, umorder ng isang daang upuan. Yung matanda nung nakaraan, Abalos yata ang apelyido, tolda at lamesa naman. May nag-iwan pa ng cheke tayo na daw ang bahala pumili ng bibilihin. Tapos meron pa nung nakaraan hindi pa natin nakukuha. Ipapadala na ba natin dito?" tanong ni Tonyo.

Ngumiti si Pol. "Dating gawi. Alam mo na ang gagawin. Konting araw na lang makakabili na tayo ng mas malaking makina."     

"Sige. Ako na ang bahalang dalahin sa Navotas ang mga upuan, lamesa at tolda. Ngising kabayo na naman si Intsik sa mga ibebenta ko. Buti na lang naisipan mong dalhin dito sa San Buenaventura ang alkaline machine."

"Kapag nakabili na tayo ng mga bagong alkaline machine, aalis na tayo dito. Ipakikita nating tuyo na ang bukal. Lilipat tayo sa Dolores, Quezon.  Madaming deboto doon ng iba't ibang sekta. Maari tayong makabuo ng mas malaking grupo."

"Ayos 'yan!" Sumangayon siya sa sinabi ni Pol. Perpektong negosyo. "Ililipat natin ang himala sa lugar nila. Gumawa tayo ng wishing well para may pagbabawian tayo." 

"Lahat nagiging mangmang pagdating sa himala. Sa sunod gumawa naman tayo ng relihiyon. Aralin mo na ng bibliya."

Nagkangitian ang dalawa. Ang himala ay nag-uumpisa sa paniniwala. Ang paggaling ay mula sa pananampalataya.


-wakas-

Lahok sa Saranggola Blog Awards 8 sa kategoryang Maikling Kwento.