Skinpress Rss

Mando




ang larawan ay pinulot sa internet
Ang bukangliwayway ay magandang tanawin sa karamihan pero sa palengke ng Nagcarlan ito ay hudyat ng pagbabanat ng buto at mabilis na kalakalan. Sa pagsikat ng araw ay ilang mamimili na lamang ang natitira hindi kagaya ng ibang palengke na magsisimula pa lamang. Gulay at prutas ang pangunahing kalakal ng bayan na kadalasang dinadala sa mga karatig na bayan.

Papunta na si Ron sa eskwelahan nang mapansin ang lalaking gusgusin na hindi natitinag sa sikat ng araw at alikabok ng lansangan. Nakaupo ito malapit sa rebulto ng dating alkalde ng bayan. Kakaiba ito sa karaniwang  pulubi dahil walang bitbit na basura, hindi nanlilimos at  walang kausap na hangin. Makatawag pansin ang hawak nitong ilang libro na tila binabasa. 

Lumapit si Ron upang bigyan ito ng mansanas. Ipinatong niya iyon malapit sa lalaki at mabilis na tumakbo pagkalagay nito.

"Salamat bata," pahabol ng lalaki. "Huwag kang matakot."



"Hindi naman po ako natatakot," sagot ni Ron. "Nagmamadali lang ako."  

"Iba ang salita sa ipinakikita ng iyong mata. Ikaw si Ron, 'di ba? Ako naman si Mando."

"Paano n'yo po nalaman ang pangalan ko?" pagtataka ng bata. Tinitigan niya ang lalaki mula ulo hanggang paa sa pagbabakasakaling kakilala niya ito.

"Nadidinig ko. Anak ka pati ng magaling na bumbero kaya kilala kita."

"Opo! Magaling at matapang po si tatay!" Pagmamalaki ni Ron sa kanyang ama. "Sayang nga lang hindi ko namana ang kanyang tapang." 

"Hindi naman kailangan ang tapang palagi. At saan mo naman ito gagamitin?" tanong ni Mando.

"Sa mga bata po sa palengke. Madalas nila akong hinaharang o di kaya naman ay tinutuksong mahina."

"Alam ba 'yan ng nanay mo?" 

"Sabi ni nanay umiwas." Tumungo si Ron bilang tanda ng pagkadismaya sa sarili. Kakampi sana ang hanap niya pero pagsuko ang nais ng kanyang ina. "Huwag pansinin. Alam ko din naman na kung lalaban ako ay hindi ko kaya."

"Sundin mo ang nanay mo. Tibayan mo ang iyong loob at iyon ang senyales ng totoong tapang. Hindi ang pakikipag-away."

Tumabi si Ron kay Mando saka iniabot ang mansanas. "Bakit po pala ganyan ang itsura nyo? Maayos naman pala kayo kausap."

"Alam mo dati akong malakas at matapang. Pero nakakasawa pala dahil hindi ka nilalapitan ng tao. Gusto mo ba iyon? Yung iniiwasan?"

Napakamot si Ron sa sinabi ng kausap dahil masyado itong malalim para sa kanya. "Hindi ko po kayo maintindihan. "Siguro dati kayong pulis o sundalo kaya nakakatakot." 

"Parang ganun nga. Alam mo, ito ang unang pagkakataon na may nakipag-usap sa akin. Kung maayos siguro ang aking itsura malamang hindi mo ako mapupuna."

"Kasi po kakaiba kayo. Ngayon lang po kasi ako nakakita ng pulubing nagbabasa."

"Kagaya mo, gusto ko din matuto. Kaso baka hindi ako papasukin d'yan sa eskwelahan kaya dito na lang ako." 

"Naku! Oo nga pala! Sa ibang araw na po pala tayo magkwentuhan. May klase pa ako!"

"Mag-iingat ka." Sa unang pagkakataon ngumiti si Mando bagay na una niyang naranasan.


Inalala ni Mando ang dati niyang buhay bilang superhero. Siya ang pinagkalooban ng pambihirang lakas, tapang at bilis na hindi nakikita ng karaniwang tao. Ipinadala siya ng ikaapat na anghel upang tulungan ang mahihina at ipagtanggol ang mga naduduwag. Mabuti siyang tagasunod subalit may pangyayaring nagpabago ng kanyang pananaw.

Nagkaroon ng malaking sunog sa palengke ng Nagcarlan. Nandoon si Mando upang apulain ang apoy subalit mas pinili niyang manood dahil sa pagkamangha sa mga bumberong sinuong ang panganib at mga taong pilit binubuhat ang mga bagay na higit doble sa kanila ang bigat. Ang ama ni Ron ang namuno upang labanan ang paglamon ng apoy sa lugar. 

Agad dinakip si Mando pagkatapos ang pangyayari sa palengke. "Magbigay galang ka sa ating pinuno," sigaw ng umaresto kay Mando. "Naririto ka upang litisin. May karapatan kang ipagtanggol ang iyong sarili."

Pinaluhod si Mando sa harap ng pinuno ng lahat ng manananggol. Si Ibraim.  "Nagtaksil ka sa batas ng ating samahan. Pinabayaan mo ang iyong nasasakupan." 

"Ikinalulungkot ko ang nangyari subalit iyon ang nararapat." Matigas ang sagot ni Mando.  Pumasok sa isip niya ang mukha ng ama ni Ron. Kung gaano ito kapursigidong  pamunuan ang lahat upang apulain ang sunog. Humanga siya sa pagtutulungan ng mga tao bagay na hindi karaniwan sa kanilang mga tagapagligtas. 

"Pumasok ang isang bata sa nasusunog na bodega, nararapat din ba 'yon?" dugtong pa ni Ibraim.

"Handa na akong tumulong noon subalit may nagtulak sa akin na hayaan sila sa kanilang ginagawa. Nakita ko sa mata nila na walang imposible basta sama-sama at nagtutulungan," tanggol ni Mando sa sarili.

"Baka nakalimutan mong may namatay sa sunog," tukoy ni Ibraim sa ama ni Ron.

Nagbuntong hininga si Mando upang kumuha ng lakas ng loob para bigyan ng magandang katwiran ang pagkawala ng isang buhay.  "Hindi  kinailangan ng bata at ng mga bumbero ng kapangyarihan upang maging matapang. Iyon ang nagtulak sa akin upang hindi tumulong. Nainggit ako sa kanila. Inihalintulad ko ang kalagayan natin sa mga de-susing laruan na kumikilos lamang kapag kailangan. Nasaan ba tayo kapag walang ililigtas? Limitado pala ang kakayahan natin gayong tayo ang ginawang angat ang lakas sa lahat."

"Tumigil ka! Hindi mo dapat kwestyunin ang ibinigay sa atin! Kalapastanganan iyon!"

"Sumugod ang bata dahil andoon ang alaga niya," patuloy pa ni Mando. "Sumunod ang bumbero dahil may bata sa loob. Ligtas na sana s'ya nang mailabas ang bata pero binalikan n'ya ang tuta. Mababalewala ang tapang ng bata kung hindi maililigtas ang aso. Wala silang kapangyarihan tulad natin pero bakit sila matapang? Bakit sila malakas? May mas kailangan akong gawin na alam kong walang kakayanan umalis sa sunog."

"Nakakatawa ka. Kaya pala nandoon ka sa katabing eskwelahan na wala namang tao at pilit na isinasalba ang mga libro. Madaling maglimbag ng libro, Mando."

"Inisip ko din iyon, pero bakit nila iniligtas ang tuta samantalang madami pa namang aso? Kaya nila ang kanilang sarili dahil may sapat silang kaalaman sa nangyayari. Maraming kayang sagiping buhay ang libro! Kaya nilang baguhin ang kanilang kapalaran sa tulong ng bawat pahina ng aklat. Madalas ako sa ilog dahil doon karaniwang may aksidente. May mga batang nilalabanan ang agos habang nakataas ang kanilang mga kamay upang hindi mabasa ang libro. Kung hindi iyon mahalaga bakit nila sinuong ang panganib huwag lamang mabasa ang aklat? Ang tapang natin andyan lang. Yung kanila may pinanggagalingan." 

Napailing si Ibraim sa paliwanag ni Mando. "Nararapat kang parusahan. Labas dapat ang emosyon sa iyong tungkulin. Ang tanging bahagi mo sa mundo ay ang magligtas. Sa sandaling lumabas ka ng pintuang ito, mawawala ang iyong kapangyarihan, makakaranas ka ng sakit, kahinaan at higit sa lahat ay makakaramdam ka na ng takot. Mawawala ang lahat sa'yo at magiging kahalintulad ka ng basura." 

Inalalayan ni Atlas si Mando  palabas ng pintuan ng kaharian. Alam niyang hindi na ito makakabalik kailanman. "Anong balak mo pagkatapos nito?" Iling ang sagot ni Mando.


Bumalik si Mando sa palengke ng Nagcarlan hindi bilang superhero kundi  isang pulubi. Nakaranas siya ng lungkot, gutom at pagod. Subalit hindi iyon naging hadlang upang maging matatag. Ginugol niya ang oras sa pagbabasa sa pag-asang may pagbabagong magaganap tulad ng nakasulat sa libro. Hanggang sa makakilala niya si Ron. Hindi niya inaasahan na ang anak ng bumbero ang magdadala sa kanya ng hinihintay na pagbabago.

Ang ilog sa Sinipian ang kanilang naging tambayan. Doon sila naglalaro, naglalangoy at nagkwentuhan ng kanilang buhay. Ibinigay ni Ron ang mga lumang damit ng kanyang ama kay Mando. Bilang sukli, binubuhat ni Mando si Ron sa tuwing tatawid ito sa ilog papuntang palengke o sa paaralan. 

"Mahilig po ba talaga kayong magbasa? Madami na tayong nahiram sa aklatan." tanong ni Ron pagkaabot ng meryenda nilang mansanas.  

"Oo. Wala naman akong ibang gagawin. Pero ngayong maayos na ang itsura ko siguro naman may tatanggap na sa akin sa palengke bilang trabahador."

"Tamang tama! Naghahanap si Nanay ng kargador sa pwesto!"

"Ako itong nakatatanda tapos ako pa ang tutulungan mo. Nakakahiya na." Bahagyang namula ang pisngi ni Mando.

"Mas malaking tulong po kayo kasi hindi niya kayang mag-isa tuwing dadating ang mga nagluluwas ng gulay. Hindi niya kayang magbuhat ng mabibigat." Ginusot ni Mando ang buhok ni Ron. Sandali niya itong niyakap saka pinagsaluhan ang masanas.

Bawat araw nagbabago ang buhay ni Mando.  Wala siyang pinagsisiihan sa pagkakatiwalag sa dating tungkulin. Tinanggap niya ang trabaho bilang kargador sa umaga at sa hapon naman ay nagbabasa siya sa pampublikong aklatan habang hinihintay ang uwian ni Ron. 

"Alam mo wala ng manghaharang sa'yo sa palengke," panimula ni Mando kay Ron. 

"Talaga po?" Bumilog ang mata ng bata sa pagkamangha. 

"Kinausap ko at pumayag  na turuan kong magbasa kaya bukas estudyante ko na sila. Nandoon nga sila ngayon sa may ilog at gumagawa ng maliit na kubol. Ipinaliwanag ko ang halaga ng may natutunan."

"Gusto ko pong tumulong!"

"Tara!" Alam na ngayon ni Mando ang sagot sa tanong ni Atlas bago lumabas ng kaharian. "Gusto kong maging guro," wika nito sa sarili. "Ang kaalaman ay kapangyarihan." 

Ang mga guro ang totoong superhero dahil kaya nilang magdala ng pagbabago na hindi nangangailangan ng dahas at tapang.


-wakas-