Skinpress Rss

Ayos Idol?



"Idol, ayos?"

"Ayos!" sagot ng gwardya habang nakasenyas ang hinlalaki.

"Ayos tayo?"

"Ayos na ayos!" bibo at nakangiting sagot ng gasoline boy.

"Kuya idol, ayos ka lang?" tanong niya sa akin habang nakikiusyuso sa pagtatali ko ng sintas ng sapatos.

Ngumiti ako. "Ayos syempre." Nang madinig ang sagot ko ay nagpatuloy siya sa paglalakad.

Sa lahat ng nakita kong taong grasa si Jeric ang pinakapositibo. Lahat ng tao ay idol ang tawag niya at may baong pampagood vibes sa mga taong hindi maayos ang umaga. Sabi nga ng gwardya sa gasolinahan mas madalas pa siyang kumustahin ni Jeric kesa sa asawa niya. Buti pa nga daw iyong wala sa wastong pag-iisip dahil hindi suplado at walang pinipiling taong babatiin. Medyo napalunok ako ng laway.

Isang bukas na kwento ang buhay ni Jeric. Piling ruta lamang ang nilalakaran niya bawat araw. Sabi ng mga dalubhasa pero hindi naman doktor ay nagkaroon ng short term memory si Jeric noong bata pa kaya limitado lamang sa lansangan ng Almanza at Bonifacio ang iniikot niya.

Sa Almanza nakatira si Jeric. Ang kanyang ina ay si Aling Fely. Madalas itong makikitang nagbebenta ng kung ano ang nasa usong palamuti, sabong panlaba, pabango at sapatos galing Liliw. Laman siya ng kalsada mula umaga hanggang sumapit ang gabi. Kasama nila doon ang kanyang lolo na ginupo ng stroke.

"Ayos tayo 'lo? tanong ni Jeric sa matanda. Baldado na ito at tila nagbuhol ang dila kaya tinataas na lamang nito ang hinlalaki para sabihing ayos siya.

Sa madaling salita normal na bata si Jeric. Mayroon siyang pamilya at nasa wasto siyang pag-iisip.

Noon...

Tumama sa jueteng si Carlo. Tumbok na singkwenta kaya buhay na naman ang lahat. Kilalang hindi ito madamot kaya konteng udyok ay baha ang pagkain at alak. Kumislap ang mata ni Fely at inalok na siya ang magluluto kapalit ang murang halaga.

"Ano luto ang gusto mo?" tanong ni Aling Fely.

"Tulad ng dati. Iyong medyo may anghang. Ikaw na din ang bumili ng alak."

"Jeric! Jeric! Samahan mo ako sa Bonifacio bago magbago ang isip ng tito mo."

Mabilis na lumabas si Jeric at inabutan pa ng isang daan piso ni Carlo bilang balato. "Ayos ba idol?"

"Ayos, Tito idol!"


Masaya ang gabi kahit halos mapudpod ang 1120 sa videoke. Sasabog ang tiyan ni Jeric sa kabusugan. Bukod sa handang pagkain at ilang beses din siyang nakitim ng pulutan. Higit sa lahat ay nadagdagan pa ang kanyang pera sa bawat takbo niya sa Bonifacio para bumili ng dagdag na alak at potato chips.

Tumingin siya sa kanyang lolo. Bahagya itong nakangiti. "Ayos 'lo!"

Natapos ang kasiyahan sa kantang Closer You and I. Bagsak si Carlo. Hindi umaalis sa pwesto kahit sinong magtangka ditong gumising. Inabot sa hinahalikan na siya ng aso.

Malakas na kalabog sa pintuan ang gumising kay Jeric. Natumba mula sa upuan ang kanyang lolo. Bago pa maiangat ni Jeric ang matanda ay itinaas nito ang kamay kasunod ang mabagal na ungol. Tinutukoy nito ang mga anino sa kusina.

Hinihila ng mga anino si Carlo papunta sa kusina. Tumakbo si Jeric bitbit ang isang basag na bote pero agad siyang napigilan ng isang lalaki kaya bahagya lamang nasugatan ang mukha ng kasamahan nito. Itinali sya sa upuan at nilagyan ng busal para hindi makagawa ng ingay. Kasunod nito ay inalis ng lalaki ang suot na pantalon ni Carlo at ipinatong kay Aling Fely na walang buhay.

"Kuya idol, ayos ka lang?" wika niya habang senesenyas ang pilat sa aking mukha.

"Ayos..."

-wakas-