Skinpress Rss

Isang Dipang Langit


image from adpost
Hindi ko inakalang kahit sa pamimigay ng kapirasong papel ay may diskriminasyon. Sinadya kong pumila sa babaeng namimigay ng flyers sa mga nagdadaan sa tapat ng shopping center pero bigo akong makakuha ng kopya. Palibhasa ay may dungis ang sout kong damit at obvious na hindi nasasayaran ng plantsa.


Pinulot ko ang binitawan ng huling babaeng tumanggap. Limpak na limpak na pera ang drawing, magarang bahay at isang kotseng kumikinang. Lahat maganda sa mata. Negosyo ang alok ng papel. Sideline o full time. Babae o lalaki.

Walang pinipiling tinapos na pag-aaral base sa nakasulat. Pero bakit hindi ako binigyan? Requirement siguro ang itsura. "Sayang!"

Hindi naman siguro ako namukhaan. Nakikain lamang ako sa huling nag-imbenta na ganoong grupo. Wala naman akong malaking pera para makasali at hindi pa ako nakakahawak ng higit sa dalawang libong piso. Gamot daw sa lahat ng sakit ang produktong ibenebenta ng huling grupong bumisita at nagkalat ng flyers. Balak ko pa naman sanang ibenta kay Ipe upang gumaling ang kanyang almoranas. Pagyaman din ang pangako ng grupo. Nadelay tuloy ang aking pagyaman dahil wala akong puhanan pati na din ang paggaling ng almoranas ni Ipe ay nadelay din.

Inikot ko ang paligid ng shopping center. Pinulot ko ang mga nagkalat na papel, lata, plastik at karton. Pati ang iniinom na in can drink ng lalaking nakatayo sa 711 ay inabangan ko na. Tinipon sa dambulang plastik na bitbit ko. Nang makapuno ay isinalin ko sa naghihintay ng sidecar at pumadyak pauwi ng bahay.

Binigyan ko ng kopya si Dorie ng napulot kong flyer. Kilala siyang nagbebenta ng kung anu-ano sa aming lugar kaya alam kong magiging interesado siya. Kung may pagkain sa dadaluhan ay pasalubungan na lamang niya ako kahit saging. Magaling sa negosasyon si Dorie. Patok lahat ng paninda. Pwedeng cash at pwede ding hulugan. Sampung piso ang minimum. Hindi na ako magtataka kung magigising na lamang ang asawa niya na wala na silang higaan dahil naibenta na din ni Dorie.

Tinawanan lamang ako ni Dorie. "Imposible yan dito!" Inihagis pabalik sa akin ang flyer at ibinaling ang atensyon sa nililinis na kuko.

"Paanong imposible? Eh di sana walang namimigay nito."

"Hindi para sa atin yan. Dun lamang sa taga bayan.. Sa lugar natin na mas mabili ang isang kilong bigas kesa sa isang lata ng sardinas e imposibleng may mamuhunan dyan. Kung gusto nila talagang iabot sa gaya natin dapat handa sila ipautang. Ang di makakabayad sabihin kay Metong."

"Daming kasing sakit na nakalista dito kaya nakakaengganyo."

"May punto ka pero kapag may libreng gamutan lamang patok ang konsulta dito satin. Kapag may reseta na dapat bibilhin, pass muna. Kaya pa sa tiis."

Nagbebenta nga pala si Dorie ng produkto ng isang kumpanyang lahat ay pwedeng utangin. May sabon, pabango, make-up, damit at meron din mula sa panghugas ng plato hanggang panghugas ng gitnang parte ng katawan ng tao. "Paorder nga pala ulit ng pabango. Iyong Wild Fire." (Naks! Endorsement!)

Bukod kay Dorie, isa pang superstar sa aming lugar si Manong Metong. Iginagalang at tinitingala kahit medyo may kapandakan. Supplier siya ng trabaho sa lugar namin. Kahit sino pwede. Walang requirements, walang age limit at lalong walang diskriminasyon. Dahil mismong si Manong Metong ay may kapansanan. Minsan ngang may nagbiro na tumakbo itong kapitan ng barangay pero pabiro din ang sagot niya. In na in siya sa asaran. Kenkoy. Jeproks kahit pilay. "Paano ako tatakbo eh pilay nga." Tapos tawanan. Tapik pa sa mesa.

Sa kwentong hindi namin alam kung totoo o biro, katatanggap lamang ni Manong ng kanyang bonus sa factory noong bago nangyari ang aksidente. Bumili daw siya agad ng sapatos bago higupin ng gastusin ang pera. Tuwang-tuwa siya. Palundag-lundag na parang nagbabasketball sa loob ng opisina. Magaan lamang daw ang kanyang trabaho sa pagawaan ng bulak kaya pwede siya magpaikot-ikot sa loob. Sa kalulundag niya natanggal ang sintas ng kanyang sapatos. Sumuot daw ito sa makina at ginawang instant sisig ang paa niya.

Tanggal sa trabaho ang Metong. Ang nakuha niyang pera ipinambili ng penicilin. Hopeless na siya kaya naisipan niyang ibenta ang bisikletang serbis sa pagpasok. At doon nagsimula ang supply ng manggawa. Itinayo sa gilid ng bahay niya ang junk shop slash sari-sari store. Isinugal ang separation pay. Nagdasal na hindi kalawangin ang puhuna. Isa o dalawang buwan ubos ang basura sa lugar namin. Kaya halos lahat ng ng tao sa lugar namin ay naging empleyado ng kanyang junk shop. Ang tambakan ng basura naging isang malaking minahan.

Patas si Manong Metong. Ang nagbebenta ang mismong titimbang ng dala nitong basura slash kalakal. Isisigaw lamang kay Manong ang timbang at presto may katapat n itong presyo sa mesa. Walang tax. Walang donasyon kay Napoles. May kaltas lamang kung may pagkakautang kay Dorie. Ang madaya sa timbang pasok sa blacklist. Hindi alam ng mga nablacklist kung paano ito nahuhuli ni Manong Metong. Pero kutob ko ang higateng salamin sa likod ang kanyang CCTV.

May pagkakataon na madalas kaming mag-usap ni Manong. Lalo sa mga pagkakataong nakikita niya akong nagbabasa sa mga lumang magasin at dyaryo. Labis kasi ang paghahangad ko ng asenso. Totoong may asenso sa pagsisikap pero di hamak na mas madali itong simulan kung nasa medyo maganda ang pundasyon. Tipong hindi sadlak sa hirap o di kaya naman ay salat sa oportunidad o espasyo para sanayin ang kaalaman. Yung hindi kami nasa ganitong lugar. May malapit na eskwelahan sana o may mga grupo na totoong nagseserbisyo.

Sa lagay namin kailangan unahin ang kalam ng tiyan. Ang pag-angat ay isang imahinasyon.

"Para sa'yo, ano ang literal na ibig sabihin ng mayaman?" tanong ni Manong Metong. Hila nito ang saklay halip na gawin alalay sa paglalakad.

"Siguro nabibili ang gusto kahit may kataasan ang presyo," sagot ko.

"Maari. Pero ang totoong mayaman ay nabibili ang gusto pati na din ang hindi gusto kahit may kataasan ang presyo," balik niya.

"Hindi nyo ba pinangarap na umalis dito sa Kalye Onse? May pera na kayo at pwedeng magpalagay ng artipisyal na paa."

"Dati pangarap ko din yan. Mag-ipon at lumipat sa ibang lugar na malayo sa ganito." Itinuro niya ang madungis na paligid. "Nagsikap pero palaging kulang. Noong naaksidente ako saka pa natuto. Kung hindi pa naputol ang paa hindi ko maiisipan magnegosyo. Sino bang mag-aakalang ang maduming lugar na ito din pala ang tutulong sa akin?"

"Malaking bagay din kasi ang nag-aral. Nakapagtrabaho."

Umiling siya. "Aalipinin ng oras at ng trabaho hanggang tumanda. Minsan nga nakakatawa. Kung tutuusin mas kinaiinggitan kita kasi pwede kang matulog mahapon, magbasa ng dyaryo at maliwaliw. Hawak mo ang oras mo, hindi ka bilanggo. Kung hindi ka naman maghahangad ng materyal na bagay na mas mataas pa sa iyong pamumuhay ay paniguradong mas maganda pa ang takbo ng buhay mo sa akin. Magaan. Payapa. Nakakalibang. Mahirap pero nakakaraos. Oo may pera ako pero mamatay naman yata ako sa pagod."

"Ang mahirap gusto yumaman, ang mayaman gusto ng simpleng buhay."

"Kaya siguro madaming tamambay. Ayaw nila ng ganyang komplikadong desisyon." Nagtawanan kami.

Itinuturing ko ngayon ang aking sarili na mayaman. May pangangailangan pero natutugunan pa ng araw na araw kita. Malaking impluwensya ang mga kwentuhan namin ni Manong Metong. Maganda ang may hawak na pera pero mas mainam kung may hawak na at may inaasahan pang pera.

"Marami-rami na din yan ah. Hindi mo pa ibenta?" tanong ni Dorie. "May isang dipa na ang karton mong naipon."

Ngumiti ako. Kumuha ako ng ilang piraso ng karton at inilatag sa sahig. "Higaan sa ngayon, pera na bukas. Stock holder ako ng isang dipang karton."

-wakas-