Parang ipis na tumakas ang kawatan matapos limasin ang mga gamit na pwede niyang pakinabangan sa nahulog na bus. Imbis na tulungan ang mga dumadaing ay inuna niya ang saraling kapakanan at nagmadaling isinilid sa nahagip na bag ang gamit, wallet at maliit na bagahe. Nang makalayo ay saka nito inimbentaryo ang nakulimbat.
Higit labing-dalawang minuto ang lumipas bago dumating ng saklolo. Malayo na ang nabyahe ng kaluluwa ng driver na naipit sa yakap na manebela. May umiiyak sa namayapang kasama. May dumadaing sa pinaghalong atake ng rayuma at pagkabugbog ng katawan. May tulala. May super-kwento na sa lahat ng nakaharap sa nangyari. May tumaas ang presyon at patuloy ang tawag sa taas.
Nag-interview ang pulis. Hindi madulas ang daan sagot ng mga nakakita. Mabagal ang takbo ang ayuda ng nasa likurang bahagi. Hindi pagod o inaantok at lalong hindi lango ang driver kwento ng konduktor habang hinihilot ang paa. Maayos din daw ang makina at preno ng bus pero idadaan na din daw sa inspeksyon sa utos ng hepe ng pulis habang nanatiling blangko ang dahilan ng pagkahulog ng bus sa skyway.
Itinapon ng kawatan ang resibo, litrato at id ng wallet na nakuha. Sinukat ang jacket na laman ng bag. Kinagat ang tinapay na bagong bukas. Ngumiti. Saka bumaling sa cellphone na napulot niya pagpasok ng bus. Pinatay niya agad ito pagkadamot kanina. Inalis ang sim. Binuhay.
Ngumiti siya pagkapindot ng factory reset. Burado ang contacts pati na ang mensaheng "hindi na kita mahal. wala ka ng uuwian."
-wakas-