Skinpress Rss

Abaniko - Maikling Kwento



Nakakubli ang aking mukha sa likod ng abaniko pagsapit ng eskinita sa pagkukunwaring
nilalabanan ko ang matinding sikat ng araw. Kinagat ko ang aking labi upang hindi ako mapaiyak pagpasok ko ng pintuan. Alam kong babagsak ang aking luha kung may makakita sa namumugto kong mata.


Lumikha ng maliit na ingay ang upuang kahoy na malapit sa aking likuran kasunod ang mabagal na pagkilos ng kaisa-isa kong dinatnan sa loob ng bahay. Binasag ng kapirasong ingay ang tahimik na imahe ng kabahayan. Marahil hinihintay talaga niya ang aking pagdating kaya napuna kahit ang ubod nang ingat na pagkakabukas ng pinto. Dumikit sa aking mga binti at umikot ang pusang nag-aanyayang lambingin siya. Tila nanghihingi muli ng kalinga sa umabandonang amo.
Nakatingin ako sa mga nakakwadradong larawan habang inilalapag ang mga bitbit ko. Nahulog ang abaniko nang lumundag ang pusa sa mesa. Nagbuntong hininga ako upang kalmahin ang aking sarili.



"Tay? Andito na ako." Simula nang magkasakit ang aking ama ay lumipat na sila ng Bulacan para malapit sa pagamutan sa Quezon City. Kasama niya ang tumayong pangalawa kong ina na matiyagang inaalalayan kami sa kalagayan ng aking ama. Napagkasunduan nga namin kagabi na ako muna ang kasama ni Tatay sa bahay dahil may aasikaasuhin siya sa PCSO upang makadiscount sa dialysis. Kahit nga naman pagsamahin ang lahat ng sweldo namin magkakapatid ay hindi sasapat kahit sa kalahating taong gamutan.


"Tinanghali ka yata? Kumain ka na ba?" tanong ng boses mula sa likod bahay.


"Opo. Medyo natagalan po ang byahe sa may Commonwealth. Ano pong ginagawa ninyo d'yan? Baka mapagod kayo."


"Naiinip ako d'yan sa loob at kinukulit lamang ako ng alaga mo, baka hikain pa ako," sagot niya habang pinauuga ang paborito niyang upuan. 
"Iuwi mo na kaya ng Batangas 'yan."


"Mapapabayaan ko naman po kung iuuwi ko pa."


"Ang kuya mo? Nakausap mo ba? Uuwi daw ng Bicol. May emergency yata ulit." Muling nabuhay ang bigat ng aking pakiramdam. Hindi naging maganda ang ugali ko sa aking panganay na kapatid at labis akong nasasaktan sa ginawa ko. Hindi naman talaga traffic sa Commonwealth o kahit saang dinaanan ko. Hindi lamang ako sumakay agad sa sama ng loob ko sa aking sarili.


Saktong nangungulit ang aking astigmatism nang kausapin ako ni kuya. Alam kong balisa s'ya pero hindi ko pinapansin dahil sa pagkatok ng mga ugat sa aking sintido.

"Ikaw na muna ang bahala kay Tatay. Tutulungan ko muna ang pamilya ko," panimula ni kuya sa akin. "Kailangan ako ni Andrei. Kailangan kong umuwi ng Bicol." Isinilang na mahina ang resistensya at pangangatawan ng aking pamangkin. Maraming pagkakataon na sa tuwing isusugod si Tatay sa Emergency Room ay kasunod na ang kanyang anak.


"Imposible naman magkasya ang sweldo ko sa dialysis," maktol ko sa kanya. "Sa walong beses na gamutan sa isang buwan ay hindi pa sasapat sweldo ko sa apat na dialysis."


"Subukan mo munang manghiram ulit."


"Alam mo naman kung gaano kahirap humiram. Bukod sa hindi sigurado kung kailan mababayaran, iyong inakala kong tutulong, mas nauna pa tumanggi."


"Subukan mo ulit. Nakaraos na tayo noong una, makakayanan ulit."
Hindi naging maganda ang pagtatapos ng usapan namin magkapatid. Gaano man siya magpakahinahon ay masama talaga ang loob ko sa kanya. Hindi biro ang responsibilidad na ibinigay niya sa akin mag-isa. Natatakot akong ilagay sa kamay ko ang buhay ni Tatay.


Nagbukas ako ng computer bago umalis. Nagcheck ako ng daily jokes kung may magpapangiti sa akin ngayong umaga. Matapos kong basahin ay inisip ko pa ang ibig sabihin. Hindi ako natawa bagkus ay nalito. Umalis akong hindi nagpaalam sa iniwan kong kausap kagabi. Pero natuon pa din ang aking atensyon sa bukas na pintuan ng kanyang kwarto. Alam kong gising s'ya. Nakapagtatakang hindi siya bumabangon. Bukod sa may pasok siya, wala sa ugali niya ang magtagal sa higaan. Siguro masama ang loob sa akin at hinihintay niyang umalis.


Ang masarap na tapsilog sa terminal ng bus ngayon ay tila hindi ko malasahan. Hindi ko alam kung may kulang sa espesyal na itlog o wala talaga akong gana at pinipilit lamang punan ang kumakalaman na tiyan. Bago ako umalis ay natalsikan pa ng ketsup ang suot kong damit mula sa grupo ng mga estudyanteng nagkukulitan sa pagkain. Dinaan lamang ako sa ngiti ng salarin.


Isang oras ang itinagal bago tumunog ang aking cellphone. Hindi ko muna binasa ang message dahil pababa na ako ng bus. Naghintay ako ng maluwag na bus. Hindi ko trip makipagsiksikan kahit nagmamadali ako.


Nang makakuha ng magandang pwesto, tumunog ulit ang aking cellphone. Si kuya. Nagkaroon ako ng blankong imahe sa nabasa ko. May halong inis sa sarili. Awa. Panghihinayang. "Si Andrei. Wala na. Hindi ko masabi kanina."


May mga nabuong larawan sa aking isip na pilit ipinaalala ang pagkatao ng kuya ko. Mula sa bago niyang laruan na ako ang sumira. Ang sapatos niyang nilalagyan ko ng papel sa dulo para aking magamit. Mga hindi mabilang na pagkakataong sinalo niya ang mga pagkakamali ko. Ang pagpapakilala niya ng Diyos sa akin, ang halaga ng buhay, pag-iwas sa away at bisyo, at higit sa lahat, ang mangarap. Napaluha na ako nang hindi ko namamalayan habang inaabutan ng tiket ng konduktor ng bus. Kaliwa at kanan ang pagpunas ko sa aking mata.
Hindi naging madamot si Kuya tulad ng iniisip ko sa kanya kagabi. Madalas siyang nagpaparaya. Nagtrabaho siya habang nag-aaral para matugunan din ang pag-aaral ko. Hindi s'ya natutong maningil sa mga pagkakautang ko kahit noong may trabaho na ako. Masaya siyang makita kaming nakangiti.


Pinunasan ko ang aking mata saka lakas loob na tinawagan si kuya. Natatakot akong hindi niya sagutin dahil sa nangyari naming usapan kagabi. "Anong nangyari kay Andrei?" tanong ko agad pagkasagot niya ng telepono. Hagulgol lamang ang naging tugon niya. Mahaba. Wala sa tono hindi tulad ng napanood ko sa tv. Alam kong kailangan niya ng kausap sa pagkakataong ito. Wala siyang kasama sa bahay.


"Hindi na na-revive. Hindi na niya kayang lumaban. Masigla pa naman siya noong birthday ko. Sana sinulit ko na. Sana tinagalan ko ang oras na kasama ko s'ya kung alam kong isang linggo na lamang ang itatagal niya."


Bumigat ang aking talukap. Hindi biro ang sakit na nararamdaman niya. Gumuguhit sa aking dibdib ang lahat ng salitang binitawan niya. 

"Nasabi mo na kay Tatay?"


"Hindi pa. Hindi ko alam kung paano. Wallpaper niya sa cellphone ang anak ko."


Sobrang hirap. Bawal ang madepress sa aking ama. Masama sa kanyang puso. "Kailan ka uuwi ng Bicol?"


"Bukas. Ikaw na muna ang bahala kay Tatay. Alam kong kayang kaya mo na. Malaki ang tiwala ko sa'yo noon pa. Bata pa lang tayo." Gusto kong humingi ng tawad sa kanya sa mga bagay na hindi ko nagawa. 

"Salamat sa naitulong mo sa anak ko. Ang kagustuhan mong gumaling s'ya. Maging normal. Sa pagbibigay ng pag-asa sa akin. Sa lakas ng loob. Sa suporta. At pagiging kapatid."


Hindi ko na napigil mapaiyak kahit nasa loob ako ng bus. Sobrang sakit tanggapin ang lahat. Totoo ngang ang sakit ay hindi kayang itago. Gagawa ito ng paraan para kurutin ang puso at diktahin ang isip na isambulat ang inipong emosyon. Sinisisi ko ang aking sarili sa lahat. Natulungan sana niya nang maaga ang anak niya kung hindi ko pinipilit ang kuya ko na unahin si Tatay dahil nasa emergency na.


Nasa dalawang balikat ang pasan ng kuya ko pero hindi ko siya nadinig magreklamo. Maling-mali na tanggihan ko ang konting panahong pasanin. Ang matinding pag-alaala kay Tatay at sa kanyang anak sa magkaibang hospital ay madalas magbura ng ngiti sa nakatatanda kong kapatid. "Makakaraos din tayo," ang palagi niyang sagot sa tuwing makikita ko siya sa ganoong itsura.


Kinagat ko ang aking labi para walang lumabas na hikbi. Ramdam ko ang mainit na likidong umaagos sa aking pisngi papunta sa labi. Tumalikod ako sa aking katabi pero alam niyang umiiyak ako sa pagtaas at baba ng aking balikat. Tinapik pa niya ang aking braso para mag-alok ng tissue. Pinipisil ko ang aking braso habang tinatakpan ang aking mukha ng isang palad.


"Condelence po," wika pa ng konduktor pagbaba ko, alam kong hindi na n'ya ako siningil ng pamasahe. Nagpasalamat ako.
Ang ugat ng malaking puno ang naging kanlungan ko. Naupo ako at napayakap sa sarili. At doon, inubos ko ang lahat ng luha. Kinausap ko ang aking sarili. Nagtanong kung kailan matatapos ang pagsubok. Hindi pa ba sapat ang pinagdadaanan namin? Sinuntok ko ang aking hita. Sumigaw. Sana iyon na ang huling sakit na mararamdaman ko.
Lima o sampung minuto bago ko napakalma ang tila dam ng luha sa aking mata. Bumili ako ng abaniko sa batang babaeng may kupas na daster upang takpan ang aking mukha habang naglalakad. Naglakad ako sa halip na mag-tricycle. Madalas kong gawin ang paglalakad upang mapagnilayan ang mga nagawa kong mabuti o masama. Dumampot ako ng bato at inihagis sa ilog na wala ng tubig na umaagos. Nagpatalbog-talbog ito sa sahig bago tuluyang huminto sa tambak ng basurang nakaharang. Kasama ng bato, iwinaksi ko ang lahat ng hinanakit.


Itinulak ko nang marahan ang pintuang may nakaipit na papel upang maiwasan ang paglikha nito ng ingay kapag tinatamaan ng hangin. Si Ginger ang sumalubong sa akin at nagpaikot-ikot sa aking mga binti.


"Nakausap mo ba ang kuya mo?" tanong ulit ni tatay habang tinitingnan ang aking mga dala.


"Opo. Magkausap po kami kanina." Itinatago ko aking mukha habang magkausap kami.


"Kumusta daw si Andrei? Hindi kami nagkita noong birthday ng kuya mo kasi nasa ospital naman ako."
Umiling ako. Hindi ko alam kung paano magdeliver ng hindi magandang balita. "Hindi na po nakalaban si Andrei." Hindi ko na sinundan ang sagot ko. Alam niya na ang ibig kong sabihin.


Mabagal ang kanyang pagkilos. De numero. Iniasa ang balanse sa upuang kahoy na inabandona ni Ginger. Tumigil ang kanyang paningin sa mga larawang nakadikit sa dingding. "Kawawa naman ang kuya mo." Kinusot kusot niya ang kanyang mata.


Bago pa siya umiyak ay nagsalita na ako. "Nahihiya ako. Hindi man lang tayo makakapunta ng Bicol. Galit pa yata sa akin."


"Naiintindihan na tayo ng kuya mo. Lumaki siyang hindi nauubos ang pang-unawa. Hindi kailanman nagalit ang kuya mo sa'yo, sa katunayan nagpapasalamat pa s'ya dahil hindi mo ako pinababayaan."


"Nagpasalamat pa siya sa akin kahit sinaktan ko siya."


"Tinanggap na niya ang nangyari. Maikli o mahaba man ang buhay, ang mahalaga ay naging masaya."


"Siguro tulad ni kuya, nagparaya na din si Andrei. Naintindihan niya ang nangyayari. Pwede nang ilipat ni kuya ang pamilya niya malapit dito. Kaya naman minabuti niyang andoon ang pamilya niya upang may mag-alaga kay Andrei."


"Siguro. Nakatadhana nga sigurong mangyari ang lahat. Paglayuin man tayo ng lugar, ambisyon at pagkakataon..." Ibinuka niya ang abanikong nahulog sa sahig. "...gaano man karupok ang pundasyon, darating ang panahong magbubuklod muli. Minsan nga lang sa masakit na paraan." Isinara niya ang pamaymay at iniabot sa akin. "Ang abaniko ay walang pagkakaiba sa tahanang ito. Ako ang turnilyong umaalalay sa bawat kahoy bagamat kinakalawang na ay pinipilit kong walang bumitaw.”


Idinikit niya ang aking ulo sa kanyang balikat. "Natutuwa akong lumaki kayong nagdadamayan."


Nagsindi ako ng kandila. Pumikit. Nagpasalamat at humingi ng tawad.

-wakas-