Skinpress Rss

Alaala ni Santa - Maikling Kwentong Pambata


image credit : stuffistumbledupon.com
Sa patag na bahagi ng bundok ay nakatirik ang kubo ng pamilya ni Mang Abner. Paggawa ng uling ang pangunahin nilang ikinabubuhay. Umaalis siya ng umaga upang ihanda ang malalim na hukay na paglalagyan ng mga putol na sanga para gawing uling. Sumusunod na lamang sina Tikboy at Enok upang maghatid ng pagkain. Sa paglalakad, ang mga bata ay may dalang sako bilang sisidlan ng mga mapupulot na sanga.

Isa ang batang si Enok sa may kakaibang ngiti pagsapit ng Oktubre. Hindi ito dulot ng sigla ng kalakalan ng uling kundi dahil sasakto na ang kanyang edad sa bilang ng mga daliri sa isang kamay. Ipinangako ng kanyang ama na sa pagsapit ng kanyang kaarawan ay isasama siya nito sa bayan, bagay na bihira lamang mangyari dahil salat sila sa buhay.


Isang alaala ang hindi niya malimutan noong bumaba sila ng bayan dati. Dalawang taon na ang nakalilipas, isang matandang lalaking may mahabang balbas, nakasuot ng pula at tumatawa ng malakas ang nagbigay sa kanya ng regalo matapos nilang mamili. Sabi ng kanyang ama, normal daw iyon kapag nalalapit na ang pasko. Tumanim iyon sa kanyang isip dahil una at huling beses niyang nakatanggap ng regalo.

Bukod sa pananghalian, nagluto si Aleng Desta ng kamote para may baon ang dalawa kung sakaling magutom ang mga ito. Alam kasi niyang mahaba ang lakarin patungo sa bagong ginagawang hukay ni Mang Abner.

Sa paglalakad, namangha si Tikboy sa makulay na ibon. Sinundan niya ito sa pagbabakasakaling makita ang pugad. Gusto niyang mag-alaga ng ibon noon pa. Pipigilan sana siya ni Enok nang may napansin siyang gumagalaw sa likod ng malaking puno.

"May tao," bulong ni Tikboy. "Ipahuli natin ang ibon!"

"Huwag! Hinihintay na tayo ni Ama!" tutol ni Enok.

"Multo!Multo!" Tumakbo si Tikboy sa likod ng kanyang kuya nang humarap ang lalaki. Nangiginig ito sa takot. "Alis na tayo!" Hinihila niya ang kamay ng kapatid pero hindi ito natinag.

"Santa Claus?" Halip na matakot ay nagtanong si Enok kung si Santa Claus ang kanyang kaharap. Katulad ng nakita niya dati, mahaba ang puting balbas nito at nakasuot ng pulang damit. Subalit may alinlangan sa likod ng kanyang isip. Manipis ang pangagatawan ng lalaki, lubog ang pisngi at madungis.

"Nakakatakot pala si Santa. Bakit hindi mataba tulad ng kwento mo? Nasaan ang paragos niya?Ang mga usa na sinasabi ni Ama?" usisa ni Tikboy.

"Ako nga si Santa Claus," wika ng lalaki.Ngumiti si Enok. "Natatandaan mo pa pala ako?"

"Opo.Binigyan n'yo po ako ng regalo dati."

"Ako hindi pa!" singit ni Tikboy.

"Bakit po kayo nandito? Bakit hindi kayo namigay ng regalo noong nakaraang pasko?"

"Gusto kong makakita ng usa! Gusto ko ding mag-alaga ng usa." Kita sa mata ni Tikboy ang pananabik.

"Umuulan noon, katatapos ko lamang mamigay ng mga regalo. Sa hindi inaasahang pagkakataon, tinamaan ng kidlat ang aking paragos. Nahulog ako dito. Nawalan ako ng malay kaya hindi ko matawagan ang aking mga usa. Dalawang taon na ako dito. Walang makain at madalas may sakit kaya naging ganito ang itsura ko. Hindi naman ako pwede magpakita sa mga tao dahil masisira ang diwa ng pasko. Ang kailangan ko ay magpalakas."

"Heto!Kainin n'yo po Santa." Iniabot ni Enok ang dala niyang kamote.

"Oo nga! Kahit araw-araw magdala kami ng pagkain dito. Masarap magluto si Ina, paniguradong magugustuhan ninyo."

Tumigil sa pagsubo ang lalaki. "Walang dapat makaalam na nandito ako. Maraming bata ang mawawalan ng pag-asa kung makita nila ako sa ganitong itsura. Katatakutan din nila ako. Kapag malakas na ako siguro lalantad!"

Tumalon ang dalawang bata sa tuwa. "Pwede ba akong sumakay sa usa?" tanong ni Tikboy. Tumango naman ang lalaki.Umuwing masaya ang dalawang bata.


"Ama, matagal pa po ba ang pasko?" usisa ni Tikboy.

"Matagal pa.Dalawang buwan pa," sagot ng ama.

"Gaano katagal po ba ang dalawang buwan?"

Binuhat ni Mang Abner ang anak at ipinatong sa kanyang balikat. "Nakikita mo ang simbahan?"

"Opo!"

"Kapag sumindi ang maliwanag na ilaw sa tutok ng simbahan; nalalapit na ang pasko."

"Aba, kailan pa naging interesado ang bunso ko sa pasko?" malambing na tanong ni Aleng Desta.

"Gusto ko din po kasi ng regalo galing kay Santa tulad ng natanggap ni kuya dati."

Nagkatingnan ang mag-asawa. Alam nilang imposible ang gusto ng bata. Simula ng magsara ang malaking tindahan sa bayan, kasama nitong nawala ang gumaganap na Santa Claus tuwing pasko.

"Magpakabait ka lamang may matatanggap kang regalo." panunuyo niya.


Bawat araw may dalang pagkain ang magkapatid sa lalaki. Unti-unting nanumbalik ang lakas nito dahil sa kalinga ng dalawang bata. Gumawa siya ng maliit na dampa para sa kanyang maliliit na bisita. Puno ng kwento ang dalawang bata sa tuwing darating ang mga ito kaya naisipan niya igawa din ito ng mga laruan inukit o yari sa kahoy.

Sa paglipas ng mga araw, hindi na naging kwentuhan ang regalo. Umikot ito sa pangarap, inspirasyon at higit sa lahat ay ang pamilya. "Nasaan po ang asawa at anak ninyo, Santa?" tanong ni Enok.

"Wala akong asawa at anak," malungkot na tugon nito.

"Wala kang pamilya? Bakit?" namilog ang mata ni Tikboy sa pagtataka.

"Pwede n'yo po kaming ituring na pamilya!" alok ni Enok. "Kung gusto ninyo po sa amin na kayo tumira. Kahit hindi bilang Santa. Bilang bahagi ng pamilya Bilang lolo."

"Opo! Mabait po sina Ama kaya hindi n'yo na kailangan magtago dito. Marami na pong pagkakataong nagpapatuloy kami sa aming bahay ng ibang tao. Palakaibigan po ang aking Ama."

Napaisip ang lalaki kung bata ba talaga ang kausap niya. Alam niyang mali ang ginagawa niyang paglalaro sa mga inosenteng bata. Napamahal na siya at tinuring na niya itong pamilya. "Napakabuti ninyo."Napaluha ang lalaki at niyakap ang mga paslit. Matagal niyang pinangarap magkaroon ng pamilya kahit saglit ay naipagkaloob iyon ng dalawang bata sa kanya.

Kinaumagahan, tinungo ng lalaki ang bahay ng dalawang bata. Hindi naman siya nahirapan hanapin ang kubo dahil nag-iisa ito sa patag na bahagi ng bundok.

""Kuya kausap ni Ama si....." sigaw ni Tikboy. Tumakbo palapit si Enok at namangha sa nakita. Marahil nagdesisyon na nga itong manirahan kasama nila.

Pinigilan sila ng kanilang ina nang tangkain ng dalawa na lumapit. "Mga anak, hayaan muna natin sila.Hindi tamang makisali tayo sa usapan nila."Sumunod ang dalawang bata at hinintay ang magiging desisyon ng kanilang ama.

Makalipas ang kalahating oras ng usapan ay nagpaalam na ang lalaki. "Aalis ako sandali. Susunduin ko ang aking mga usa upang dalhan kayo ng regalo!" sigaw nito sa dalawa. Ngumiti pa ito bago tuluyang lumisan.

"Naguguluhan ako sa sinasabi niya," pagtataka ni Mang Abner.

"Bakit? At bakit kilala niya anak natin." Gustong sumagot ni Tikboy subalit tinakpan ni Enok ang bibig niya..

"Tinanong niya ako kung gusto ko ng bahay sa bayan. Syempre gusto ko para sa mga bata. Iniisip niya ang pag-aaral ni Enok, matalino itong bata kaya mas mabuting mapag-aral sa bayan. Sumang-ayon naman ako sa sinabi niya."

"Sino ba naman tatanggi sa alok niya.Pero paano?"

"Sabi niya bumaba ako ng bayan ngayon. Pumunta ako sa Kapitan ng barangay at sabihing alam ko kung saan nakatago ang Karim."

"Ano naman ang Karim?"

"Hindi ko din alam. Basta sabi niya sundin ko daw ang lahat para sa mga anak natin bago pa maglaho ang tinatawag nilang Karim dahil maikli na lamang ang buhay nito. Matatagpuan ko ito sa dampang itinayo niya; na itinuring niyang tahanan dahil sa mga anak natin. Nagpasalamat pa siya dahil nagawa ng anak natin."

Humarap si Aleng Desta sa dalawang anak. "Sino ba ang lalaking iyon?" tanong niya sa dalawa.

"Si Santa Claus!" sigaw ng dalawa.

Ginawa ni Mang Abner ang inutos ng lalaki. Pumunta siya sa Kapitan at sinabing nakita niya ang tinatawag na Karim sa dampa. Umakyat ang Kapitan upang siguraduhin ang sumbong ni Mang Abner. Lingid sa kaalaman ng pamilya ang lalaking kausap nila ang tinatawag na Karim. Isang rebeldeng matagal ng pinaghahanap.

Dinakip si Karim ng otoridad. Walang pagtutol si Karim sa mga pulis dahil alam niyang mapupunta sa dalawang bata ang gantimpala sa pagkakahuli sa kanya. Maagang pamasko sa itinuring niyang pamilya.

Napasugod ang pamilya ni Mang Abner sa munisipyo sa nangyari. Bukod sa pagdakip sa itinuring nga mga bata na Santa Claus, ay binigyan pa sila ng malaking pera ng pamahalaan.

Dinatnan nilang kausap ng lalaki ang hepe ng pulisya. “Buti naisipan mong sumuko,” bulalas ng hepe.

“Bigla kong naalala na tao pala ako. Hindi nababagay sa gubat. Kailangan ko ng kausap, ng karamay at magmamahal.” Tumingin siya sa mga bata. “Nakalimutan ko ang sarili ko. Akala ko maghihintay na lamang ako ng liwanag at dilim hanggang kamatayan. Hanggang sa may sumilip na maliit na liwanag. May mga batang animo’y mga anghel na binigyan ako ng pag-asa. Tinuruan akong ngumiti muli, magmahal at magpahalaga. Hindi ko na sila kayang lokohin kaya naisipan kong sumuko para makaganti man lamang sa ginawa nila sa akin.”

Ipinagtapat niya ang lahat sa dalawang bata upang bago man lang siya pumanaw ay may magawa siyang mabuti. Para sa kanya, kulang pa ang gantimpala bilang kabayaran sa pakiramdam na hatid ng pagkakaroon ng pamilya.


  -wakas-