credits to its owner |
"Apeng! Uulan yata!" sigaw ko habang nilalabanan ang pag-aalsa ng saranggola. Nagbago ang lipad nito mula sa pinong pag-indayog sa hangin, ngayon ay tila hayop na gustong kumawala sa pagkakatali. "Ibaba ko na to!"
"Kabado ka na naman Teban! Malakas lamang ang hangin! Walang ulan!" maktol ni Apeng na halatang ayaw maabala sa pagpili ng matibay na kawayan. "Isa pa, kailan ka pa natakot sa pagbagsak ng saranggola? Nakalimutan mo na bang kaya ako nangimtim ng ganito dahil sa kahahabol natin sa mga nakawala nating saranggola?"
"Sanggol ka pa lamang maitim ka na!"
"Bagay naman! Sabi ng nanay ko, inihabilin n'ya ako kay lola noong sanggol pa dahil kailangan nilang umattend ng meeting sa koop. Palibhasa ay medyo matanda na, naibilad ako kasama ng mga daing. Kung hindi pa dumating si kuya hindi maagapan. Binaligtad na lamang daw ako para pantay ang kulay."
"Sisihin mo pa ako kaya nangitim eh may alamat pala kung bakit nangitim si Apeng."
"Pero mas nangitim ako sa paghabol natin sa saranggola. Walang biro! Hindi naman kita maiwan kasi tropa kita. Imagine fun without me?" Bumalik si Apeng sa pagkakayas ng kawayan.
"Tindi din naman ng sampalataya mo sa sarili mo! Kaya madalas makawala ang saranggola e kasalanan mo din."
"Eh wala naman thrill kung nakatingala lamang tayo palagi. Its more fun in the pilapil!"
"Itigil mo nga ang linya mong barok!" sigaw ko sa kanya. "Masama na talaga ang tama sayo ng katol."
"Abot mo nga sa akin yan!" tukoy niya sa katol na ginagamit namin para pagdikitin ang plastik na pabalat sa ginagawang saranggola. "Baka mahithit mo pa!"
"Palagay mo hindi talaga uulan? May pupuntahan din kasi ako."
"Hindi. Kaya pala pusturang-pustura ka. Aakyat ng ligaw kay Marisa?"
"Baluga ka! Sinong magkakagusto dun e mas mukhang lalaki pa sa atin. Kay ermat."
"Oo nga pala no. Nakalimutan ko. Gusto mo ng kasama?"
"Huwag na! Tapusin mo na lang 'yan."
"Sino bang nagsabing ako? Si Marisa available yun!"
"Gusto mong takapan ko 'yan?" Akmang wawasakin ko ang ginagawang sarangola ni Apeng pero agad naman siyang tumakbo.
"Taong 'to! Alam naman na biro lang. Subukan mo naman maging mabait."
"Mabait ako."
"Sige nga. Sagutin mo nga ang dasal ni Marisa. Kinilig ka nga noong nalaman mong may nagkakacrush sa'yo. Pilit mo pa akong pinapaamin e."
"Dati iyon! Noong hindi ko pa alam na siya iyon. Kaw na bahala dito kay bagsik." Bagsik ang tawag ko sa aking saranggola. Walang malalim na dahilan. May tatak kasi na bagsik ang plastik na ginamit ko.
Paikot-ikot si bagsik habang tinitingnan ko sa malayo. Napailing na lamang ako dahil alam kong kahit pagtingala ay kinatamaran na din Apeng. Malamang ay nakatulog na ang taong uling sa ugoy ng hangin. Wala talagang maasahan sa kanya. Malamang mamaya hahanapin na naman ako noon dahil nakawala na naman ang saranggola ko.
Malayo na ako sa edad para tawaging bata. Hindi ko alam kung bakit hindi ko maiwan ang pagpapalipad ng saranggola. Matanda na ang mga dating kalaro ko. Kami na lamang ni Apeng ang naiwang gumagawa at nagpapalipad nito. Wala na akong nakikitang kaaliw-aliw sa saranggola dahil bukod sa nakapapagod ang pagpapalipad; kapag matayog na ay iiwan na lamang itong nakatali. Kung mamalasin naman na maputol ang pisi ay hahabulin pa namin ni Apeng sa pilapil. Siguro nga, its more fun in the pilapil!
Tuwing Linggo ako dumadalaw kay ermat. Palagi kong idinadahilan ang aking pagpasok sa eskwela kaya bihira lamang akong dumalaw. Pero sa totoo ay bihira ko makakompleto ng pasok sa isang Linggo. At idinadahilan ko naman ang pagdalaw kay ermat kaya absent ako sa klase. Alam kong mali ang ginagawa ko. Alam kong sarili ko din ang niloloko ko. Hindi ko interes ang pag-aaral. At malayo ang loob ko kay ermat kaya hindi ko ikinakatuwa ang pagdalaw sa kanya . Madalas ko ngang maikumpara ang sarili ko sa saranggola. Pareho kaming gusto ng kalayaan pero hindi magawa dahil nakatali. At kung kumawala man ay pipiliting kunin pabalik.
Siguro dahil lumaki akong naiingit sa aking mga kalaro. Malaya. Masarap ang buhay. Sa paglalaro lamang napapagod. At higit sa lahat hindi nakaranas mapalo. Mababaw kung tutuusin pero tumanim na sa isip ko. Ewan ko ba.
Anim na taon na akong nakatira kay lola simula noong umalis ako ng bahay. Natuto kasi akong gumanti nang pinalo ako ng sinturon dahil ayaw kong pumasok. Dulo na naman ng Marso noon kaya pwede na mag-absent katwiran ko pa. Inihagis ko kay ermat ang hawak kong kumpol ng pisi dahil gusto niyang wasakin ang saranggola ko. Isinumbong niya ako kay erpat kaya halos hindi ko maigalaw ang aking katawan nang pinaulanan ulit ako ng palo. Umalis ako ng bahay bitbit ang saronggola na kaisa-isa kong yaman. Kapag kasi gumawa ako ng saranggola nabibilib ang mga kalaro ko. Nagagawa kong makipagpalit ng laruan nila sa saraggola kong puno ng papuri. Matayog. Maganda. Malaki.
Pagkatapos ng pananghalian ako nagpapaalam kay lola na dadalaw kay ermat. Pero nag-iikot muna ako sa iba't ibang lugar bago dumalaw. Hinihintay ko muna ang alas kwatro ng hapon para kapag sumapit ang ala sais ay uuwi na ulit ako. Ikinakatwiran kong ayaw kong gabihin dahil malayo pa ang aking lalakarin.
Naupo ako sa harap ng tindahan nina Marisa. Doon ako madalas magpalipas ng oras hanggang umabot ng alas kwarto. Mula sa tindahan ay tanaw na ang aming bahay. Hindi si Marisa ang dahilan kung bakit ako nandoon na tulad ng ikantyaw sa akin ni Apeng, kundi ang arcade na hindi ko matapos-tapos ang laro.
May sakit si Ermat. Halos anim na taon na siyang nakaratay sa higaan. Hindi ko nagawang alamin ang sakit niya dahil kahit nakaratay na ay sari-sari pa ding pangaral ang nadidinig ko. Nito ngang huli ay galit na naman dahil kailangan ko na namang magsummer classes sa mga ibinagsak kong subject. Hindi naman nila pakinggan na ayaw ko ng pumasok. Kapag pinagagalitan niya ako halos hindi ko na pinakikinggan. Nakatingin lamang ako sa kanyang katawan na halos dumikit na ang balat sa buto. Sa edad niya ay mas matanda pa siyang tingnan kay lola. Gusto ko siyang pigilan na huwag na lamang magsalita. Gusto ko sanang sabihin na intindihin niya ang sarili niya dahil malaki na ako at hindi pinababayaan ni lola.
Totoong malayo ang loob ko sa kanila pero kahit ibaliktad ko ang mundo, sila pa din ang magulang ko. Naiinggit ako sa kapatid kong babae na hindi man lamang nahiyang yakapin sya habang akong natatakot na ipagtulakan palayo. Wala akong ginawang tama kaya may takot sa likod ng isip ko.
Ang mabilis na takbuhan ng mga tao at ang matinis na sigaw ni Apeng ang pumutol sa aking paglalaro. Kailangan ko na din sigurong tumakbo dahil ibabalita na naman ng taong itim ang pagkawala ni Bagsik.
"Brad!" sigaw ni Apeng. "Hanap ka ng lola mo!"
"Teban! Teban!" kasunod na tawag ni Lola. "Halika ka ngang bata ka!"
"Bakit ho, La?"
"Si Jesusa."
"Anong nangyari kay ermat?" naguguluhan kong tanong.
"Nasa may lumang poso."
"Paano?"
"Hindi ko din alam, apo."
Naglakad kami patungo sa bahay na may nagtataka. Imposibleng makarating si Ermat sa may lumang poso. Makatayo nga ay hindi niya magawa mag-isa, maglakad pa kaya patungo sa poso. Kailangan pa siyang alalayan kahit sa pag-upo.
"Si Erpat, anong sabi?"
"Natutulog daw si Jesusa ng iwan n'ya sandali. Sa loob daw ng limang minuto wala na ito sa higaan. Nang lumabas si Sinon nakita niyang nakasandal sa may poso. Binuhat ng ama mo pabalik dahil hinang hina na."
"Hindi kaya po may nakapasok ng bahay?"
"Hindi naman sa pananakot, may kwento kasi na bigla daw lumalakas ang mahina kapag may sumusundo." singit naman ni Apeng.
Nadatnan namin si Ermat na nakaratay na muli sa kwarto. Halos hindi ito kumikilos at hindi mo pag-iisipan na nagawa nitong lumabas ng bahay o kwarto.
"May walanghiya nga po sigurong pumasok ng bahay!" maktol ni Erpat.
"Mga adik sigurong walang magawa!" sang-ayon ni lola.
"Nasisi na naman ang mga adik na walang malay kaya itigil mo na paghithit ng katol," pabirong bulong sa akin ni Apeng.
Lumapit ako kay Ermat. May napansin akong kakaiba sa kanya paa. "Binuhat n'yo po ba siya papasok?" tanong ko kay Erpat.
"Binuhat ko syempre kasi imposible naman makatayo ang nanay mo sa itsura niyang iyan!"
"Bukod sa putik ay may floorwax pa sa kanyang paa."
"Naku! Baka hinila pa ng mga gago! Hindi na naawa." Hinagpis na hinagpis si Lola.
Bigla akong napatingin kay Apeng. Posible kaya ang sinabi niya kanina?
Matapos ang tensyon ay umuwi na ulit si Lola. Si Apeng naman ay itinuloy ang naiwan kong laro kina Marissa.
"Kuya tawag ka ni Nanay." Nagulat pa ako sa biglang paghawak ni bunso sa aking braso. Nahihiwagaan pa din ako sa nangyari kanina. Paano makakapasok ang mga adik na hindi man lang gagawa ng ingay si Ermat. Konting kilos ko nga lamang ay sisigawan na ako.
Isinenyas ni Ermat ang kanyang kamay para alalayan ko siya. Gusto niyang maupo. Oras na ng pag-inom ng gamot. Pagkainom ng tubig ay muli siyang bumalik sa pagkakahiga. Kita ko sa kanyang mukha ang tinitiis na sakit habang inilalapat ang katawan sa kama. Hinabol pa niya ang kanyang paghinga bago pumikit. Ilang saglit lamang ay muli siyang nakatulog.
Palabas na ako ng kwarto ng bigla siyang nagsalita habang natutulog.
"Magplantsa ka na. Tuyo na siguro ang nilabhan ko kanina. May pasok ka pa bukas," pabulong na wika ni Ermat. Tumakbo ako palabas ng bahay. Bigla akong kinalibutan nang makita ko ang aking polo na nakasampay malapit sa may lumang poso.
-wakas-