credits : mel martinez |
Imposible naman daw pera o karangyaan ang maging dahilan ng problema ni Sally dahil lumaki naman itong may gintong kutsara sa bibig wika ni Mercy. Kung tutuusin, hindi na nga kailangan magtrabaho ng aking kababata dahil may pera din naman ang napangasawa.
Maliit pa naman ang anak nitong si Fiel kaya imposibleng gastos ang maging problema. At may pagkakuripot pa nga daw kaya ayaw bumili ng sasakyan.
Wala din naman nababalita na kalokohan ang asawa nitong si Cedric. Kinaiingitan pa nga ni Grace dahil hindi daw nauubusan ng pampakilig ang asawa ni Sally. Mula sa card, bulaklak, regalo, dinner sa labas at simpleng tawag sa telepono para kumustahin. At hamak na wala pa ding tatalo sa ganda ni Sally sa aming lugar para ipagpalit ni Cedric.
Palibhasa ay puro kalokohan ang alam ng kababata ko ding si Rex, sex life daw panigurado ang problema. Kinukulang daw siguro ang performance sa gabi ng Sabado kaya tampo palagi ang asawa pagsapit ng Linggo. Tanong pa ni Rex kung tanda ko pa daw na napakatahimik ni Sally sa klase noon, kaya malamang naboboring daw ang asawa nito. Baka daw kahit konting ungol eh ikahiya pa nito sa asawa.
Nagkatawanan na lamang kami nang biglang sumingit sa usapan si Medy. Hindi namin alam na nkikinig pala ito sa usapan na akala ko noon ay dumaan lang para bumili ng asukal sa aming tindahan. Imposible daw na sex life, pasigaw pa nitong putol sa tawanan. Bigla naman kaming nagtaka kung saan nanggaling ang pagtutol niya. "Huwag mong sabihing naka-threesome ka?" katyaw ni Rex. Walang putol ang tawanan.
"Bastos ka talagang bata ka!" halos ihulog ni Medy si Rex sa upuan. "Screamer si Sally," patuloy ni Medy. Lahat ay nagulat kasi kilalang pino ang kilos ni Sally. Labandera nga pala si Medy tuwing Sabado sa bahay nina Sally. May pagkakataong tumitindig nga daw ang balahibo niya sa kalampagan dahil inakala niyang multo. Pero noong minsan napaaga siya para kunin ang labada ay nakita niya ang dahilan ng kalampagan. Bahagya pa nga daw bukas ang pintuan kaya saksi siya sa nagaganap. Hindi pa nga daw mapigilan ni Sally ang pagsigaw. Sa hiya niya ay nagkusa na siyang lumabas at nagkunwaring kararating lang noong lumabas na si Sally.
Lumalabas tuloy na may problema sa pag-iisip ang aking kababata. May kilala daw specialist ang ahente ng gamot na si Tracy. Mura lamang daw sumingil at si Tracy na ang magsusupply ng gamot para makadiscount. Tulungan ko lamang daw na kumbinsihin ang aking kababata na magpatingin.
Bakit nga ba lumuluha tuwing Linggo si Sally? Mahigit anim na taon ng walang kasagutan. Bakit walang may lakas ng loob alamin at tanungin kung ayos lamang ba si Sally? Siguro dahil wala silang makitang pangit sa madalas na masayang mukha.
Nakapagtataka naman talaga ang pag-iyak ni Sally na tuwing Linggo lamang nangyayari. Sa umaga naman masaya pa silang magkakasama para sumimba. Matapos ang misa ay ihahatid niya sa puting van ang anak na si Fiel sa may labas ng simbahan para dalawin ang Lola ng bata. Kaya magtataka na lamang sa tuwing uuwi si Sally ay makikita nga itong lumuluha na kapag may nagtangkang lumapit ay agad nitong pinapawi at biglang ngingiti. Hihintayin na lamang niya ang pag-uwi ng asawa at ni Fiel. At sa hapunan pagkukuwentuhan ang nangyaring pagdalaw.
Kaya nakapagtataka kung bakit lumuluha si Sally.