Jap,
Pambihira ang nangyari kanina. Ang inaakala kong isa na namang ordinaryong araw ay magiging kakaiba pala. Hindi dahil sa bagong sweldo o ubos na agad sweldo ko. Basta. Palagay ko hindi na naman maipinta ang mukha mo dahil hindi na naman kita naalala para bayaran ang ilang buwang utang ko sa'yo. Pero maganda na din iyon, at least naalala mo palagi ako. Iisipin mo siguro na alibi na naman ang sulat na ito upang humingi ng extension sa utang. Pero parang ganun na din.
Nakatingin ako sa aking sapatos habang nakadikit ang dalawang kamay sa dingding na salamin. Hindi naman kita sa labas ang ginagawa ko maliban na lang kung ididikit ang mukha sa salamin. Naalala ko tuloy noong estudyante pa tayo. Madalas tayong mag-face the wall sa tuwing mapapasulat ang pangalan natin sa listahan ng maingay. Nakatatawa nga minsan kasi absent naman tayo pero nakalista pa din. Ganun ang itsura ko kanina ang kaibahan ay nakabarong at liston na patalon na ako. Hindi na t-shirt na laba sa superwheel at shorts na abot sa kalahati ng hita.
Tuwing umaga, natural na naglalakad lamang ako papunta sa trabaho. Ginagawa ko kasing exercise ang paglalakad. Hindi naman kasing init ng Metro Manila ang lugar natin kaya hindi pagpapawisan. Tsaka tipid. :)
Ang overpass na na tumatagos sa loob ng Central School na ginawa para maging ligtas ang mag-aaral ay magiging tulay pala ng kapahamakan. Bigla na lamang may lalaking nag-amok at hinabol ang isang babae papasok ng school. Tensyonado ang sunod na eksena dinaig pa ang pag-ilag sa bala ni Coco Martin sa sinusubaybayan kong teleserye sa gabi. Mas malupit din ang linya. Pagkakakitaan ko kung gagawin kong artista.
Sa kwentuhan, mag-asawa daw ang naghahabulan. Walang nakakakilala sa dalawa pero sa sigaw ng lalaki nahuli niyang humaharot ang babae dun sa may kainan. Tricycle driver ang kaharutan kaya nakaharurot agad noong nakitang parating ang original. Kita ko pang nakangiti ang tricycle driver kasi hindi siya naabutan. Ngiting ngiti habang kinakamot ang nunal na may balahibo sa may gilid kanyang labi habang ang mag-asawa ay tinalo ang "Anne-Derek-habulin-mo-ko" scene sa no other woman.
Nauwi sa hostage taking ang eksena. Naging hostage ang haliparot na asawa. "Kaloka. Haba ng hair ni Ate," sabi ng katabi kong bading. Nagkatangka kasing lumapit ang pulis na taga control ng trapik. May hawak kasing balisong ang lalaki at delikadong may madamay na bata. Dumating ang maraming pulis at kinordon ang school. Nagpanic siguro kaya nauwi sa hostage. Umiyak ang lalaki. Matagal na daw niyan alam ang lumalagari ang asawa niya. Kaya hindi na niya nacontrol ang sarili. Nagshare ang hostage taker ng buhay niya. Nakinig ang mga pulis. May nagbigay ng advice.
"Kuya pahingi ng barya. Pambili ng tinapay. Pabirthday lang." Sunod-sunod ang kalabit ng batang kalyeng malinis naman ang pangangatawan. Ilang taon na kaya ang batang ito? Araw-araw birthday niya. Araw-araw ko siyang nakikita at nakapagtatakang hindi niya ako matandaan. Tapos bigla kong naalala ang wallet ko na laman ang pambayad ko sa utang ko sa'yo. Buti na lang hindi ako nadukutan kahit makapal ang tao. "Kuya." Siguro suki ang turing sa akin ng batang ito.
Jap, sa pag-iwas ko sa paghabol ng bata napilitan akong dumaan sa loob ng palengke. Kaya nga hindi ko nasagot ang tawag mo dahil sa kakulitan ng bata. Mas humaba tuloy ang lakarin ko. Buti may ibang branch ang bangko.
Ilang padyak muna ang ginawa ko bago ako pumasok ng bangko saka ko lamang nakita na tumatawag ka. Hindi ko na inabot ang huling ring bago ko nadukot sa bulsa. Nakatapak kasi ako ng kung ano kaya inuna ko munang alisin ang mabahong amoy.
Nagulat ako nang bigla akong hilahin ng guard. Hindi ko na nagawang makalingon. Tumungo na lamang ako at tumingin sa aking sapatos. Idinikit ko ang aking dalawang kamay sa dingding na salamin. Nilimas ang wallet ko. Gusto ko sanang i-request na iwan ang ID ko. Bagong kuha pa naman ang SSS ID ko. Parang mas mabuti pang nagbigay na lamang ako sa bata. Nalimas tuloy ang pambayad ko sa utang.
Sa dami ng tao sa labas wala man lang nakakaalam ng nangyari sa loob. Palibhasa ay konti lamang ang tao sa loob at tanging ako ang walang busal at piring. Ang laman ng kwentuhan ay ang hostage taking kanina na nauwi din naman daw sa patawaran. Hindi na nga daw inimbita ng pulis sa prisinto. Ang mahalaga daw nagkaayos na.
Matagal akong nakaupo sa hagdan ng bangko. Hindi ko alam ang sunod na ikikilos. "Kamusta ka naman hijo? Hindi ka ba sinaktan ng nagpanggap guard?" tanong ng orihinal na guwardya.
"Hindi naman po. Kayo po? May pasa po kayo sa noo."
"Pinukpok kasi ako noong umagaw ng uniporme ko. Hindi ko masyadong namukhaan. Ang tangi kong natandaan ay ang kinakamot niyang nunal sa may labi."
Hindi ko alam kung matatawa ako o malulungkot. Siguro iniisip mo nag-aalibi na naman ako. Pangako sa sunod na sweldo makakabayad na ako. Pramis, mababayaran din kita!
-wakas-