Skinpress Rss

Chicken Adobo - A Love Story 13


image credit to komwari
-a must a read!!! - CNN
-ang di magbasa kulang sa vitamins - kuya kim
-pagpasensyahan nyo na ang spelling at typos - principal
-ipamalita mo sa 10 tao at may swerteng darating sayo sa akinse at katapusan - unknown
Non-stop ang rollback ng alaala na sana ay nangyari na lamang sa presyo ng gasolina. Ang pagreresign ko sa trabaho, pag-alis ng Batangas, ang pagpasok ko sa Art Class, ang pagkakilala ko kay Kathy, ang pagsalubong ng lumilipad na paint brush, ang mabigat na hita ng babaeng warfreak na gumising sa akin, ang kanyang ngiti, ang paglitaw ni Andrea, ang moment at ang kiss lahat ay paikot-ikot sa aking isip habang nakapako ang aking paa sa harap ni Monay.

"Magkakakilala na na kayo?" nalilitong tanong ni Eliar. "Siya ba ang dahilan kaya ka napasugod sa ospital?"

"Baka ibang tao, kuya." Tumingin siya sa kabilang kama. Patay malisya ako. Sino ba sa dalawang taong malapit sa akin ang uunahin ko? Si Kathy ba o si Andrea? Nakapagtatakang iisang tao lamang ang umiikot sa dalawang taong hindi ko man lang nakitang mag-usap.

"Siya ba si Monay?" bulong ko kay Eliar ko.

"Oo.. Pumayat lang pero pangit pa din!"


Naipit na naman ako sa sitwasyong ilang beses kong tinangkang takasan. Hindi ko din inakalang kasama ko pala ang mga taong nasa paligid ko noong ako ay bata. Panahon akala ko ay imposibleng maulit. Parang isang laro. Taguan. Habulan. O kasing simple ng paghila ng goma. Goma ng alaala na hila-hila ko sa matagal na panahon na akala ko ay malapit ng maputol bagkus ay bumalik sa dati nitong itsura - dating mga tao, alaala.


"Madalas kaming magkita. Pero hindi ko naisip o nahalata na siya si Monay.."

"Kasi hindi mo talaga pinapasok sa isip mo. Occupied na. Parang sponge. Kapag puno na hindi na makakaabsorb pa ng tubig."

"Labas muna kami," wika ni Recci. "Mukhang may hindi kami dapat madinig."


Unti-unting naglaho ang mga taong kanina ay nagtatawanan sa loob. Tinapik pa ako sa balikat ni Recci bago tuluyang nagpaalam. Parang ekseana sa klase namin ni Eliar dati, ang late comer palagi ang walang alam. Kami na lang sigurong dalawa ang walang alam.

"Hinintay ko talaga ang pagkakataong ito. Mas gusto kong maghintay ng matagal at umasa kesa mabilisan pero hindi naman sigurado. Pinanghawakan ko ang salita mo noong mga bata pa tayo."

"Patay ka! Sabi ko sa'yo, magbiro ka na sa lasing at bagong gising huwag lang sa batang iyakin!" singit ni Eliar.

"Ikaw ang nasa likod ng mga caricature?" tanong ko.

"Bakit gusto mo malaman?" balik niya sa akin.

"Hindi ko kasi maintindihan kung bakit kailangan pang daanin sa mga drawings. Sa kantyaw sa klase."

"Hindi ako marunong magdrawing. Pumasok lang ako doon kasi nabalitaan ko na papasok sa sa Art Class."

"So hindi ikaw ang gumawa ng caricature?"

Ang maliit na sinulid na nag-uugnay sa aking nakaraan, ngayon ay isang lubid na nagbibigkis sa amin ni Monay. Hindi ko inakala na ang babaeng binibiro kong liligawan paglaki ay siyang kaharap ko sa oras na ito. Bakit nga ba hindi ko nahalata ang mga mata niya at ang maliit na nunal sa may tenga? Nabuo na ang jigzsaw puzzle.

"Sabihin na nating may nagplano pero hindi tumupad sa usapan ang mismong nasa likod nito. Masyado ka kasing suplado, ilang beses kitang nginitian pero hindi mo man lang ako napansin bago pa tayo magkakilala sa Art Class."

"Plano? Sinong hindi tumupad. Si Recci ba?" Umiling siya.

Nakapagtatakang inihatid ko si Andrea sa bahay nila pero kasama siya sa aksidente. Kung magkakilala sina Kathy at Andrea bakit hindi ko man lang sila nakitang nagpansinan? Para akong nasa isang nakahihilong roller coaster ride na kung tutusin ay pwede naman akong hindi sumukay dahil batid kong mahihilo ako. Siguro ganun talaga ang pagmamahal. Kahit marami ng nasaktan, nabigo at napaglaruan ay marami pa din gustong sumubok.

"I heard you're dating Archie's sister. Siya ang hindi tumupad. Nag-usap kami kagabi and she admitted na gusto ka na niya. Siya din ang nasa likod ng mga caricature."

"Archie's sister?" kunot noong tanong ko. "Hindi naman ako nakikipagdate lately."

"Hindi mo kilala? Madalas mo nga kasama."

'Maliban kay Recci wala naman akong ibang nakakasama kundi si Andrea."


Nabalikwas si Andrea sa pagkakahiga. Sa puntong ito hindi na niya kinayang hindi sumabat sa usapang dapat ay kasali siya. "Ako! Kapatid ko si Archie. Ako ang nagplano ng lahat. Tinulungan ko si Kathy para makuha ang atensyon mo. Ang caricature, ang pagpunta sa bar, ang date pero habang pinaplano ko ang lahat ng iyon hindi ko maiwasang maging interesado sa boring mong itsura!"

"Pinaglalaruan n'yo ako? Kathy? Andrea?"

"Hindi. Nagkataon lamang na gusto ka namin pareho!" sagot agad ni Andrea.

Kahit paano naniniwala na ako kay Ermat na gwapo ako sa piling mga angulo. Hindi ko akalain na ang dalawang babaeng nahuhumaling sa sinasabing nilang boring na mukha.

"Woh, wait! Hindi ko kayo maintindihan. Ni hindi ko alam na magkakakilala kayo."

"Pagkahatid mo sa akin sa bahay dumating si Kathy. Lasing na lasing. Nalaman niyang magkasama tayo noong nagkita kami sa CR. Sinubukan ko magpaliwanag pero hindi s'ya nakinig. Nagalit siya. Sinubukan ko siyang habulin pero nauwi sa aksidente."

"Then nandito kami ngayon. Narealize namin na nagpapakatanga lamang kami sa isang lalaki na hindi man lang mapanindigan ang pagiging lalaki. Actually pigtatawanan ka namin bago ka dumating," pagtatapos ni Kathy.

Masakit sa tenga ang nadinig ko. Gusto kong magpakain sa semento o higupin ng hangin palabas ng kwarto. Mali bang dumalaw ako dito? Tatakbo na ba ako? Iiwas.

"Look. Kung may ipinakita man akong mabuti o masama iyon ay ako. Hindi ako nagpanggap sa anumang pinakita ko sa inyo. Hindi ko alam kung napaglaruan ako. Pero kung ano man, hindi ko deserved ang ganito."

"Kung naging maayos, sino kaya ang pinili mo sa amin?" tanong ni Kathy.

"Do I need to answer?" balik ko.

"Yes!" sabat ni Andrea.

"Hindi ko kailangang pumili. Babae kayo di ba? Namimili ba kayo ng mamahalin o kusang nararamdaman?"

"Duwag! Duwag ka kahit kailan Batista!" Duwag nga ba ako? Siguro. Oo. Hindi naman sa siguro masamang maging duwag lalo na kung sa makabubuti. Sa totoong buhay imposibleng matalo ni Panday ang isang batalyong kalaban. Hindi niya pwedeng pairalan ang tapang. Paano kung sa sampung kalaban habang sinasalag niya ang atake mula sa taas ay may makaisip tagain siya sa paa. O kaya may kumiliti sa kanyang tagiliran.

Umiling lang ako at lumabas ng kwarto. Naramdam ako ng guilt. Nagtaksil ba ako? Cheating ba ang tawag kung wala pa naman relasyong nabuo?

Naramdaman ko ang dampi ng kamay ni Eliar ng tatlong beses. Bagay na madalas namin gawin sa tuwing may tumatagilid sa aming dalawa o walang matakbuhan. Nacorner ika nga. "Sorry sa inasal ni Monay. Hindi ko alam na ang pagiging childish ni Kathy ay mauuwi sa ganito. Malaki ang pinagbago niya at ikaw pala ang dahilan."

"May mali din ako. Dapat pinag-araalan ko talaga ang nararamdaman ko."

"Anong plano mo? Aalis ulit? Bro ang paglayo ay hindi sagot. Lumalayo ka lang pero walang nalulutas."

"Hindi ko alam. Mag-iisip muna siguro. Narinig mo naman, ako ang sentro ng tawanan nila bago tayo dumating."

"Bro alam mo naman siguro ang defense mechanism? Kunyari wala lang pero duguan na pala inside. Pag-isipan mo mabuti. Si Kathy gusto ka simula pa lang, si Andrea naman nadevelop. Gwapo mo bro!"

"Mas mabuti pa sigurong umuwi na lang muna ako."

"Hatid na kita."

"Sama ako." Napalingon kami ni Eliar.

-itutuloy..

---------
Note :

Ilang araw na lang ang Bolahin mo ang Lelang Mo!. Magsubmit lamang ang comment pwede ka ng manalo!