Skinpress Rss

Nakausap Ko Si Kamatayan


Parang larong domino ang mga namamatay sa Alaminos. Tuwing may ililibing may kasunod na agad. May inatake sa puso, napasarap ang tulog, namatay sa sakit, nakuryente habang nagkakabit ng ilegal na koneksyon, nadulas sa pamboboso at binaril dahil sa hindi napigil na libog. Hindi pa nababa ang aking nerbyos ay may coffee session na ulit mamaya sa Purok 1. Mabait ang namatay sa mga nadidinig ko sa lamay. Hindi siguro masundo ni Kamatayan ang mga hindi mabait. Siguro matigas ang ulo at nanlalaban. Hindi na ako magtataka kung bakit umaabot ng pagtanda sa posisyon ang mga Congressman.


Sa mga usap-usapan may isang lalaki ang madalas umaligid sa Alaminos. Sa mga kwento, may kausap ang mga nasasawi na hindi nila kilalang lalaki at bago sumikat muli ang araw babawian na ito ng buhay. Sabi ng mga matatanda malamang ang lalaki ang tagasundo o si Kamatayan. Angel of death naman sa mga call center agent na bisita. Kakaiba daw ang tahol ng aso sa tuwing may susunduin. Wala naman makatukoy kung ano ang itsura ng lalaki. Kaya pinag-aralan kong maging suplado dahil baby pa lamang ang alaga kong tuta. Aba mahirap na, wala akong warning.


"Saan po ang bilihan ng yelo?" tanong ng tao sa labas.

Gusto ko sanang isigaw na sa kapitbahay pero may kagandahan ang boses ng babae kaya mas pinili kong lumabas. Nahulog na naman siguro ang sign board sa labas kaya may mga nagtatanong na naman ng bilihan ng yelo.

"Sa kabila Miss. May dala ka bang lalagyan? Bawal kasi dito ang plastic. Alam mo na mas mabuting sumunod kesa sumuway." Haba ng dialog ko with killer smile pa na kayang tumunaw ng isang bloke ng yelo. Inalok ko pa siya ng kinakain kong pika-pika.

"Meron. Meron!" Ayos ang get-up ng chick. Nakashorts at ipinagmamalaki ang kanyang cleavage pero may dalang bayong ng magsasabong. Inihatid ko ng tingin ang babae.

"Saan ang bilihan ng yelo?" tanong naman ng lalaki bago pa makalabas ang chick. Itinuro ko na lamang ang bahay ng aming kapitbahay gamit ang pika-pika.

Pabalik na sana ako ng loob ng bahay ng mapansin kong kakaiba ang ikinikilos ng alaga kong tuta. Nagpipilit siyang kumahol kahit boses pusa pa siya. Hindi kaya?

"Teka! Sino po kayo? Hindi ko po kayo kilala."

"Bawal bang bumili ng yelo ang hindi kilala? May membership?"

Pilosopo ang mokong. "Lahat po ng pumapasok sa compound ay kilala, for security purposes po," palusot ko. "Ano po pangalan ninyo?"

"Pangalan? Hindi ko pa naranasan tawagin sa pangalan. Pwede nickname?"

Tama ang hinala ko. "Ikaw si Kamatayan!" Hindi ako pinansin ng lalaki. Iba naman ang bingi sa patay malisya. "Kahit hindi mo aminin kita ko sa ikinikilos ng tuta ko!" Tumuloy sa paglalakad ang lalaki.

"Ako ang tagasundo."

"Susunduin mo ang kapitbahay namin?"

Natigilan ako. Kauutang n'ya lamang sa akin kahapon. "Hindi."

Naloko na. Ako ang una niyang nakausap dito. "Ako ang susunduin mo?"

Naupo ang lalaki sa terrace at kumuha ng isang sa inalok kong pika-pika. Baka pwedeng humingi ng extension kung ako man. "Hindi. Wala akong susunduin ko dito."

"Kinabahan naman ako. Bakit ka naparito? Alam mo bang lahat ay natatakot sa pagdating mo!"

"Bibili ng yelo, 'di ba? Anga kamatayan ay hindi isang parusa kundi isang paalaala kaya hindi dapat katakutan. Wala itong schedule na sinusunod tulad ng paniniwala ng marami."

"Sabagay. Kapag oras mo na oras mo na!"

"Hindi."

"Sablay ulit? Hindi ba talaga ako tatama?" Parang exam ko lang kanina. Bokya.

"There's always an angel of death in every human being."

"Kailangan english talaga?"

"Shut up! Lahat ng tao ay dapat mamatay sa natural death. Pero dahil may kriminal o other act of man ay nasisira ang schedule.Ang hindi nakaschedule magiging palaboy na kaluluwa sa kalye, sa palengke, opisina, call center, sa fiesta, sa motel at sa iba pang lugar."

"So lahat ng lugar haunted? So creepy!"

"Lahat. Pati sa likod mo!"

"Loko ka, may pananakot ka pa!"

"Hindi ako nananakot. Patuloy nakikihalubilo ang mga ligaw na kaluluwa sa mga tao dahil hindi pa nila alam na patay na sila. Hindi pa sila susunduin hanggat hindi pa nila schedule. Mahilig sila sumama sa mga picture, makipagsiksikan, makijam, yumakap, kiligin at may pinipiling magkulong sa bahay. Sa sampung kasabay mo sa paglalakad, kasakay sa jeep, maaring patay na ang isa sa kanila."

"Pero bakit laging sa Alaminos? Sobrang dalas naman ng schedule."

"Dapat nga magpasalamat dahil madalas ang sundo dito."

"Magpapasalamat? No way!"

Pumilas ng papel si Kamatayan sa mesa. Humingi ng bolpen at nagsimulang mag-enumerate ng dahilan. Huli na bago ko mapansin na assignment ko ang pinilas niya. "Sa palagay mo, maiisip bang umuwi ng kamag-anak ni Kapitan kung walang namatay?"

"Oo nga no? Nakilala pa ni Igan ang mga long lost tita niya!"

"Si Ace? Iyong tinatawag mong bestfriend, iyong nakashorts na binobosohan mo sa kusina. Hindi mo siya makikilala kung hindi namatay si Randel."

"Hindi ko binobosahan iyon! Nagkataon lang na katapat niya ako noong nagtaas siya ng paa."

"Mukha mo! Tinalo mo pa ang CCTV, 24/7 mong monitor ang paggalaw ng paa!"

"Dati ka bang NBI?"

"Makinig ka muna. Ang magkakapatid na Mendoza hindi magkakasundo kung hindi hiniling ng namatay. Ang pagpapatawad hindi ibibigay kung hindi namatay si Arman. Hindi pa ba sapat na reason yan para magpasalamat?"

"Oh sige. Salamat at namatay sila. Siguro irony na ang tawag dyan! Saka marerealize ang lahat kapag patay na. Kumbaga hihintayin muna mamatay bago maging national artist!"

"Mismo! Paano? Nawala na ang uhaw ko. May susunduin pa ako."

Napakunot ang noo ko. "Sino?"

Nakabibinging busina ang umagaw ng eksena. Kasunod takbuhan ng mga tao sa labas.

"Iyong babae nabundol!" sigaw ng lalaki.

"Anong nangyari?" usisa ko sa lalaking galing sa aksidente.

"Nahulog ang yelo. Naputol yata ang hawakan ng bayong! Nahagip siya ng parating na sasakyan noong sinubukan niyang pulutin."

"Alam mo na kung sino ang susunduin ko." Naglakad ang lalaki patungo sa aksindente. Inilagay niya sa bulsa ko ang kapirasong papel na sinusulatan niya kanina.

"Yung chick kanina..." bulong ko. Kinuha ko ang papel sa bulsa ko at napansin kong may makasulat sa harap. "Like mo ko sa facebook. - tagasundo"

-end-

image credit to nashiil.deviantart.com