Skinpress Rss

Si Classmate : A Dota Story



Ang pag-ibig ay isang sugal na pwede kang maging panalo at talo sa magkasabay na pagkakataon.

"Peter, nasaan ka na?"

"Malapit na!" Alam kong malayo ang sagot ko sa tanong ng kapatid ko. Naaburido lang ako sa paulit-ulit na pag-uusisa kung nasaan na ako. Wala naman sigurong masamang loob na pwede dumukot sa akin. "Kapag nakabili na ako ng sasakyan, mabilis akong makararating d'yan. Hindi biro ang layo ng Tiaong!"

"Pasensya ka na, wala kasing naiuwing pera si Claude." Si Claude ang aking bayaw na hilaw. Siya ang minahal ng bunso kong kapatid habang nasa kalagitnaan sila ng pag-aaaral sa kolehiyo. Sa makalumang prinsipyong mamahalin ng lubos at hindi pahihirapan, ginawa niyang taong bahay ang kapatid ko. Kaya hindi na ako magtataka kung tatlong beses lumobo ang tyan ni bunso sa tatlong taon nilang pagsasama. "Kapag nakaluwag, makakabayad din kami sa'yo."

"Ang isipin mo muna ay anak mo!"



Mabagal ang palitan namin ng mensahe ng kapatid ko. Kung nanamnamin ko ang bawat text niya, paniguradong may kasamang luha ang bawat letra. Ramdam ko ng emosyong matagal ng nakakulong sa dibdib niya. Itinakwil na sila ni Ermat. Nakailang palit ng ng baterya ng orasan, nanganak na si Mahal, nagsara na ang Banco Filipino, mabubuntis na naman si Myleen Dizon ng ex-husband n'ya pero ang pagpapatawad hindi pa sumisibol sa puso ng inang nasaktan.


Galit din ako noong tinanan ni Claude ang kapatid ko. Galit dahil sinira nila ang tiwala ni Ermat. Galit dahil hindi nila inisip ang pagod, puyat at pagsisikap para mapagtapos lamang sila. Galit dahil nakita kong tumatangis sa gabi ang mahal kong ina. Pero kahit ang pinakamatigas na bato ay kusang bibigay sa maamong haplos ng mga alon, ang nagmamalaking sikat ng araw ay luluhod din sa kanluran at ang pusong sintigas ng asero ay lalampot sa ngiti ng mahal na apo.

May sakit ang panganay ng kapatid ko. Ilang araw na sa ospital at halos hindi makilala sa sobrang kapayatan. Dahil wala naman akong pera, binalak kong ibenta ang selpon kong de camera. Pero bago pa ako makatayo sa aking upuan, naramdaman ko na ang mainit na yakap ng aking ina. Ikinulong niya sa palad ko ang kumpol ng pera. Bago pa ako makapagsalita gumilid na ang kanyang luha. "Kailangan ka ng kapatid mo, sige na."

Sumakay ako ng jeep habang lumuluha. Pumikit ako at nagpasalamat.


Ang pag-ibig mapagparaya. Hindi sakim. Hindi palalo.

Huwag akong gagaya kay bunso bilin ni Ermat. Hindi ko kailangang magmahal habang nag-aaral. Problemahin ko daw ang solid measuration, java codes at Cisco. Hindi ang pakikipagrelasyon. Ang pagmamahal makapaghihintay, matuto akong magset ng priority at higit sa lahat huwag sisirain ang kanyang tiwala.

Si Jewel ay hindi kasing precious ng mga pwedeng isanglang bagay. Isa lang siyang ordinaryong classmate na may malaking dede. Nasa unahan ko ang upuan niya at ako lamang ang friend niya sa facebook kaya marami kaming napagkasunduang bagay. Nireregaluhan ko pa nga siya. Mga items nga lang sa facebook.

Minahal ko si Jewel ng hindi ko namamalayan, ng walang halong kalibugan at pagnanasa. Pero hindi ko iyon nasabi. Walang i love you na lumabas sa aking bibig, walang cheesy lines, walang pasuplado epek. Ang pagmamahal makapaghihintay sabi nga ni Ermat. Pinigil ko. Pero hindi ko kaya parang utot na bigla na lamang sumubog.

Doon sa may computer shop sa labas ng Enverga kung saan kami madalas gumawa ng project ay naka-close ko si Jewel. Minsan kasing naging cheesy ang biglang paghawak ko sa kanyang kamay. Hindi naman sinadya. Nagkataon lamang na pareho kaming gustong humawak sa mouse. Hindi nga bumagay sa kulay kong kayumanggi ang biglang pagpula ng aking pisngi. Simula noon palagi ko na siyang inihahatid pag-uwi. Sa kabilang building lang naman kasi ang inuupahan niyang boarding house.

"Jewel, I love you," wika ko tapos bigla na lamang akong tumakbo. Hindi ko siya hinayaang magsalita dahil hinintay ko munang isubo ng buo ang ibinigay kong goldilocks polboron bago ako nagsalita. Hindi ako torpe. Ayaw ko lang madinig ang sagot niya.


Bukod sa kayakap kong unan sa gabi, ang kaibigan kong si Russel lang ang nakakaalam ng lahat. Bata pa lang magkasama na kami. Hindi ko alam kung bespren kami. Basta ang alam ko magkaibigan kami. Tipong kahit magpalitan ng mura at masasakit na salita, e alam naming biruan lang. Mas alam pa nga ni Russel ang takbo ng isip ko. Kahit malaki ang Enverga alam niya kung saan ako hahanapin. Alam kung saang kanto tumatawid at saang poste umiihi. Siya ang tumulong sa akin kung paano makalimot dahil sa kagustuhan kong masunod ang bilin ni Ermat. Tinuturuan niya akong magdota. Maubos na daw ang pera sa pagpapalakas ng character kesa mapunta lamang babaeng hindi ko naman kaya pang mahalin.

Dota.

Dota.

Dota.

Anak ng dota! Paano ako makakalimot kung pati Dota kailangan ng Jewel? Sabi nga ni Forest Gump, "life is like a box of chocolates, you never know what you're gonna get," kahit piliin mo ang gusto mong gawin hindi mo pa din alam ang kalalabasan. Kahit umiwas ako may mga bagay talagang magpapaalala. Ganito pala ang pag-ibig.

"Why do cupid always hit the wrong guy?" wika ni Jewel sa babaeng kausap niya. Ako naman patay malisyang naglalaro ng Dota.

"Siguro kulang sa training ang cupid mo. O kaya naiwan ang salamin!" Sa itsura ni Jewel hindi bagay sa kanya ang mag-inarte. True love lamang talaga ang tumama sa akin kaya ko siya nagustuhan.

"Eh kung bakit ba naman ang magkakagusto sa akin ay napakatorpe!" Kung sa hirit lamang hindi ako mauubusan. Hindi ko laman talaga gustong sumira sa pangako ko kay Ermat. Ang pinsan ko nga nakatapos ng pag-aaral ng hindi man lang nagpaligaw. Kaya noong nakapag-asawa humataw agad sa pagdadagdag ng populasyon ng Pilipinas. Palima na nga lalabas sa makalawa.

"I-take advantage mo na. Minsan lang 'yan!" Hindi ko alam kung kaibigan o demonyo ang kausap niya sa dating ng payo. Sa isang iglap para akong hinila ng bampira at hinalikan sa labi. Hindi na ako nakareact. Nag-enjoy ako e!

Umeecho sa tenga ko ang bilin ni Ermat sa tuwing makikita ko si Jewel. Hindi naman ako pwedeng pumikit dahil baka isipin ng prof na tulog ako sa klase niya. Kami na ba? Buti pa ang unilimited text may confirmation. Pero parang kami na nga. Tuwing uwian tagabitbit na ako ng bag. Hindi ko alam kung requirement ang pagiging alipin kaya sinakyan ko na lamang. Sabi nga, sa end ng rainbow, may pot of gold. May kiss naman pagkahatid e kaya oks lang. Killeegz! ^^

Ngayon alam ko na kung bakit natuto sumuway si Bunso. Guilty tuloy ako kasi nakisakay ako sa galit ni Mudra. Sa tuwing magliliparan ang saplot namin sa katawan ay nawawala ako sa katinuan lalo na kapag dumadating sa crunch time. Pero tuwing uwian, napapaisip ako kung paano kung mapagaya ako kay Bunso? Mag-ingat na lang daw sabi ni Jewel. Pero sa akto niyang parang sinasipian parang imposible.

Hindi ko makalimutan ang kanta ng "The Honeyz" na End of The Line. Basta parang ganun ang sumunod na eksena. Sasabihin mo siguro parang ambilis yata. Para bigla. Ako nga nagulat din, ikaw pa kaya? Nagtapang-tapangan ako. Kunyari hindi ako nasasaktan. Hindi ako ang nawalan e. Nakaboundary naman ako. Pero pakiramdam ko ako pa din ang talunin.



Why kaya? Anyare? Basta ganun. Madami nag-usisa. Basta na lamang niyang sinabi na need niya magconcentrate sa studies. Samantalang ako naman ang gumawa ng assignments niya dati. Kung kailan naisipan magconcentrate palaging bagsak. Ni isang recitation wala namang nasagot.

Cool off. Break-up. Dead-end.

Ayun. Ilang araw akong lakad senior citizen. Umabot ng buwan. Graduation. Hindi ako nagvarsity ng kahit anong laro. Kaya noong napaglaruan ako ng pag-ibig talo agad. Olats. Anong magagawa kung sablay agad ang pinangarap kong lovelife? Kung tatanungin mo ako kung may pinagsisihan ako, oo marami. Lahat naman siguro ng nilalang may ganun. Sana hindi ko na lang sinubukan. Sana takot na lang ako. Sana hindi ako nakipagclose. Sana. Sana. Pero tinatawanan ko na lang. Pero may luha na pala sa pisngi.

Dumaan ako doon sa computershop na tinatambayan namin dati. Simula noong nag-exit na sa buhay ko si Jewel bilang na sa pedestrian lane ang bakas ko. Tumayo lang ako sa labas. Wala si Jewel sa loob. Iyong matandang may-ari ng computer shop kunot-noo pa akong tinitingnan. Pilit inaalala kung dati akong tambay sa shop n'ya. Kulang ko na lang sabihin na, Oo ako po iyong dating tambay dyan na may dalang bulaklak pero basurahan lamang ang nakinabang. Iyong iniwan."

Inabot ako ng hatinggabi. Nakatayo lang. Naghintay. Baka may Jewel pa akong babalik. Pero wala. Lumipat na siguro ng tirahan.

Ang weird sa pakiramdam. Pati ang insektong naglalaro sa ilaw ng poste ay aking kinaiinggitan. Dalawa lamang sila na tila ang lalaro. Naghahabulan. Naghaharutan. Parang kami dati ni Jewel, masaya sa ilalim ng kauting liwanag. Pero. Ako lamang yata ang masaya nun.

Maya-maya pa may nagtatakbuhan. May nagkakagulo daw. Away frat. Pinili kong umiwas. Mahirap ng madamay. Sa kabilang kalsada na lamang ako dadaan kahit medyo madilim. Malapit na ako sa sakayan nang may naanignag akong kasalubong na dalawang tao. Pasuray-suray. Hindi ko maaninag ang kanilang mukha malayo kasi sa ilaw. Lasing siguro.

Binagalan ko ang lakad. Inilagay kong ang 50 pesos sa medyas ko para kung magkakaaberya ay may pamasahe pa ako pauwi. Tumungo ako noong malapit na kaming magkasalubong para hindi pagkamalamang masama tumingin. Issue pa naman palagi sa mga lasing ang tingin ng kasalubong. Nakiramdam ako. Wag sanang mahalatang kinakabahan. Nakahinga na ako ng maluwag noong lumampas.

Nanginig ako sa takot ng biglang tumigil ang kanilang lakad. Tapos naramadaman ko ang kanilang paglapit. Dumampi ng isang kamay sa aking balikat at hindi ko na nagawang umilag.

Hinihintay ko na lamang ang salitang cellphone mo, pera, alahas. Puri. Tapos may didikit na kung anong bagay na pwede kong ikapahamak.

"Peter," wika ng humawak sa balikat ko. Amoy sibuyas ang hininga. Boses lalaki.

"San ka galing?" Babae naman. Parang replay ng mga nangyari dati. Nagkita-kita ulit kaming tatlo nina Russel at Jewel. Ang kaibahan lamang kay Russel nakapulupot si Jewel. Hindi na sa akin. Sila lamang pala. Akala ko mga lasenggo. Akala ko holdaper. Buti na lang sila hindi masamang loob. Nagkatinginan kaming tatlo. Noong una nakangiti. Labas ang ngipin. Hangang sa naglaho. Inisip ko kung mas mabuti pa yatang holdaper ang nakasalubong ko. At least handa ako. May naitabi na nga akong 50 pesos.

"Pauwi na. Sige!" wika ko.

Blangko akong sumakay ng tricycle. Siguro nagdota sila. Ano nga bang paliwanag ang kailangan kung kita ko naman ang sagot.

"Boss san tayo," tanong nung suki kong tricycle driver.

Hindi ko masyadong nadinig ang boses niya sa lakas ng kanta ng Parokya ni Edgar. Nagsenyas na lamang ako saka ngumiti. "Tara samahan mo ko magsaya..... Pakiusap lasingin nyo ako."



-wakas-

---------

Namiss kong magsulat ng kwentong mahaba. :)

photo credits to Mel Martinez