Skinpress Rss

Magreresign Na Ako!



"Naparito po ako para iabot ito ng personal." Hindi ko alam kung lakas ng loob ang nagtulak sa akin para kausapin si Prof o itinutulak lamang ako ng aking mood swing para harapin ang kaibigan ng tatay mula pagkabata.

"Magreresign ka?" Hindi pa man niya nababasa o nabubuksan ang laman ng aking iniabot na sobre ay nakuha na niya ang aking pakay. "Alam na ba ito ni Ramon?"

"Hindi pa po, Prof. Personal na dahilan po kaya gusto kong magresign at palagay ko po ay nakakaapekto na sa aking trabaho ang mga personal issue ko." Mahirap iwanan ang isang trabahong pinaggugulan ko ng matagal na panahon lalo na't hinubog nito ang buo kong pagkatao. Pero hanggang kailan ako tatanaw ng utang na loob? Paano ba bayaran ang utang na loob? Sapat na siguro ang limang taon ko sa kompanya para kabayaran.

Bata pa lamang ako ay kasama na ko nina tatay at prof sa Balayan para mangawil. Prof ang naging tawag ko kay Boss dahil siya ang nagturo sa akin ng basic sa pangingisda at horse back riding. Hindi pa man ako tumatapak ng high school ay nakaabang na sa akin ang siguradong trabaho. Hindi ako tulad ang ibang empleyado na dumaan sa mahabang pila, mahirap na exam at panel interview. Sapat na ang endorsement ni tatay para makapasok sa kompanya. Diploma lamang ang hinintay ko para masabing pormal ang aking pagpasok.

Wala naman akong pinagsisihan kung sila ang nagdecide ng course kong dapat kunin. Tama nga naman kung gusto mong kumita ng pera, hindi na kailangang mag-invest pa sa iba. Pera na mismo ang gawing negosyo.

"Dex, ang kailangan mo ay pahinga. Oo andun na tayo na umalis ang JO Electronics pero tanungin mo ang sarili mo, hindi mo ba sila kayang palitan?"

"Nawala po ako sa focus."

"Hindi ka pumarito para magresign kundi para humingi ng payo mula sa isang prof. Ginamit mo lamang ang sulat na ito para magkausap tayo. Masyado kang tutok sa trabaho. Take a break. Balikan mo ang mga bagay na nagpapasa sa'yo. Ang mga taong dating nakasama mo. Hindi ka kabayong pangarera na isang direction lamang nakatingin at nakalimutan na ganda ng nasa paligid. Huwag kang parang isda na sa pain lamang nakatingin."

"Susubukan ko po."

"Matapos ang bakasyon mo, saka ka magdecide. I'll respect whatever your decision is. Goodluck!"

"Salamat prof!" Isang tango ang tugon niya sa akin at saka inilagay sa drawer ang aking inabot na sobre na hindi man lamang nabuksan.

Paano ko ba ipapaliwanag sa kanya na gusto kong lumago? Sumubok sa ibang larangan na walang isasaalang-alang na pagkakaibigan ng aking ama at ng may-ari ng kompanya. Paano ako magbibigay ng aking panig sa aking mga katrabaho sa isang sitwasyong na malapit sa akin ang masasagasaan?

Ang problemang akala ko ay matatapos na ngayon ay bitbit ko na muli pauwi. Alam kong may punto si Prof. Marami na siyang naitulong sa akin at kahit isang payo niya ay hindi ako napahamak. Umaabot lamang sa punto na pakiramdam ko ay iikot na lamang ang mundo ko sa kanila.

"Dex, kamusta? Parang sobrang stress mo ah?" salubong sa akin ni Adrian.

"Oo nga e. Siguro bukas magpapahinga muna ako. Napasyal ka yata?"

"Sinadya talaga kita. Alam mo na, buntis si Jam. Kailangan ko ng trabaho. Baka may bakante sa inyo. Refer mo naman ako. Pangako hindi kita ipapahiya. Tatanawin ko pang utang na loob."

"Ninong, idol!" singit ni Aldrin. "Mano po."

"Kaya itong si Aldrin, paglaki kagaya ng course mo ang kukunin. Igagapang ko talaga. Sobrang ipinagmamalaki nga niya na idol na idol ka n'ya!"

"Oo nga ninong!"

"Masipag ka bang mag-aral Aldrin?" baling ko sa bata. "Pagpasok ko, titingnan ko kung may bakante."

"Salamat dre! Hirap ng trabaho ngayon! Swerte na nagkatrabaho agad. Puro na kasi agency kaya palagi akong nawawalan ng trabaho."


Tama si Prof, kailangan ko lamang tingnan ang mga taong nagpapasaya o mahalaga sa akin para matauhan. Kulang lamang siguro ako sa pahinga. Hindi ko na kailangan pang hintayin maubos ang oportunidad bago ko makita kung saan ako babagsak.

-wakas-

image credit to orig uploader