Sequel ito ng Chess Match. Sopas entry ko ito tulad nung chessmatch hindi din nanalo so post ko na lang. :)
______________
Ang malaking simbahan sa Liliw palagi ang huling destinasyon namin bago kami umuwi ni Daniella. Ngiti ang salubong ng mga pamilyar na tao sa tuwing dadaan kami sa rebulto ng malaking sapatos. Kwento sa amin ni Father Greg, bagamat hindi nila alam ang pangalan namin, ang pagdaan namin sa harap nila ay itinuring na nilang inspirasyon. Kwento pa ni Father larawan kami ng pag-asa, patanggap at mabuting samahan sa kabila ng katotohanang magkapatid kami dala ng pakikiapid.
"Uuwi na tayo?" tanong ni Daniella habang nakatingin sa makapal na dami ng taong namimili ng sapatos sa kalye. Sa mga ganitong pagkakataon malambing ang boses niya at alam kong senyales iyon na ayaw pang umuwi. Mahirap talagang tanggihan ang mga paglalambing niya mula noong una pa lalo na kapag titigan niya ako.
"Ano bang bilin ng Mama mo?" Sinimulan kong itulak ako ang wheel chair palayo sa simbahan habang lumilikha ng pambihirang tanawin ang paglubog ng araw. Hindi mabilang ang mga taong nakatingala habang pinagmamasdan ang pag-aagaw ng liwanag at dilim sa likod ng simbahan. Ang namayaning sikat ng araw ay tumama sa tuktok ng kampanaryo na tinatawag naming daanan ng anghel noong mga bata pa kami.
"Huwag magpapagabi. Ibig sabihin hanggang nakikita ko ang araw pwede pa tayo umikot dito!" Kung dati-rati'y may halong pananabik ang bawat paglubog ng araw dahil sa pambihirang tanawin mula dito ngayon nagsisilbi itong babala na kailangan na naming maghiwalay.
Ngumiti na lamang ako bilang tugon tutal gusto ko pa din siyang makasama. Bumili kami ng cotton candy tulad ng nakagawian, nakipagsiksikan sa dami ng taong nagmamadaling umuwi, nagsukat ng tsinelas at sumbrero, at nakipagtawaran sa tindera kahit wala namang balak bumili. Masaya si Daniella sa mga bagay na kinagawian namin. Kontento naman akong makita siyang nakangiti. Sa ganoon paraan, masasabi kong naging makabuluhan ang bawat oras na lumilipas.
Nagpahinga kami sa may plaza habang hinihintay maubos ang dami ng tao sa kalsada. Katulad ng dati, chess ang aming pampalipas oras habang nagkukwentuhan.
"Galing no? Ang ituring kong kaibigan ng labing-siyam na taon ay kapatid ko pala. Ano kayang magiging reaksyon nina Gabo kung nandito pa sila?"
"Hindi ko nga alam kung kilala pa nila tayo! Kaya pala madalas tayong magkakampi kasi magkadugo pala tayo!"
"Pero aamin ko, noong una natakot ako akala ko kasi katulad ng mga napapanood ko sa mga teleserye na madalas hindi magkasundo ang dalawang pamilya. Pero sabi ni Nanay matagal na niyang tinanggap at natuto na siyang magpatawad kaya wala dapat mabago sa ating dalawa."
"Mas natakot ako! Hindi ko nga alam kung paano kita haharapin. Sa mga kwento mo, sobrang iniidolo mo ang ating ama kaya inisip kong mababago ang pagtingin mo sa akin. Ayokong magkasira tayo."
"Kapatid nga kita pareho tayong mas pinangalagaan ang samahan. Bahagi man tao ng pagkakamali, hindi iyon magiging dahilan para mabago ang samahan siguro dahil magkasundo na tayo dati pa."
"Natuto kasi tayong tanggapin ang lahat. Totoo nakakabigla pero lamang ang excitement, imagine ikaw ang kuya ko!"
"Madaya naman si tatay 'di ba? Kailangan pa niyang pumanaw para malaman natin ang lahat. Minsan ko na ding tinanong si Nanay tungkol sa pagtatago nila ng sekreto ni tatay pero ang sagot niya mahalin kita tulad ng pagmamahal ko sa aking ama."
"Sayang nga lamang dahil kaunting oras na lang ang ibinigay para sa atin." Hindi ako tumugon. Hanggang ngayon hindi ko gustong pag-usapan ang mga bagay na may kinalaman sa kamatayan. Alam kong gagaling pa siya. Naniniwala akong may pag-asa pa. Katulad ni Tatay, ginugupo na din ng cancer si Daniella, may pagkakataon ngang nagkakasabay pa sila ng check-up dati.
Sinubukan kong ibahin ang usapan. Binilisan ko ng laro para malipat ang atensyon niya sa chess. "Malas, mukhang mauubusan na ako ng tira."
"Pero kung tutuusin maswerte pa nga ako," nakangiting wika ni Daniella pero halata pa sa kanyang mata ang panghihinayang habang nakaabang sa sunod kong tira. "Alam ko kasi kung hanggang saan na lamang ang buhay ko kaya nagawa kong humingi ng tawad sa mga pagkakamali ko at magpasalamat sa mga taong nakasalamuha ko. Isa pa naging makabuluhan ang bawat araw na kasama kita. Sa palagay mo ba maiisip kong gawin iyon kung naging normal ang buhay ko?"
Tama si Daniella. Normal ang buhay ko kaya madalas kong mabalewala ang mga simpleng bagay na dapat kong pahalagahan at ipagpasalamat. Naiinggit ako sa kanya lalo sa pinagkukunan niya ng lakas. Daniel ang tawag ko sa kanya dahil mas lalaki pa siya kung tutuusin sa akin. Mula pa pagkabata namin ipinagmamalaki ko na siya bukod sa matalino at malambing ay wala akong natandaang araw na nakalimot siya bumati at kamustahin ako. Kaya kahit madalas ang pangangatiyaw niya sa tuwing natatalo ako sa chess match hindi ko makuhang ipagtanggol ang natapakan kong ego dahil kakaiba sa pakiramdam ang makita siyang nakangiti.
Sinalubong kami ng Mama ni Daniel sa may pintuan nang ihatid ko na siya pauwi. Inalalayan niya kaming makapasok hanggang sa makalipat ng pwesto ni Daniella sa sofa.
"Ian, natagalan kayo ngayon ah," puna ng Mama niya. Nagkatinginan lamang kami ni Daniel. "Daniel pinahirapan mo na naman yata ang kuya mo."
"Si Daniel po kasi sobrang lakas kumain kaya nahirapan akong itulak ang wheel chair," pagbibiro ko kay Tita Vhel.
"Hindi naman po. Natagalan po ang paglubog ng araw kaya hindi namin namalayan ang paglipas ng oras. Kinukumusta nga pala po kayo ni Father Greg!" depensa naman ni Daniella.
Kukulangin ang magdamag kung pakikinggan namin ang lahat ng kwento ni Daniella. Natatawa na lamang ako kapag pumapasok sa usapan ang ginawa kong pandaraya kanina sa chess para lamang makalamang sa laro. Matapos akong mamaalam kay Daniella, inihatid ako ni Tita Vhel sa may gate. Kinausap niya ako tungkol sa kalagayan ni Daniella. Bagamat may tiwala siya sa akin, hindi na maganda ang kalagayan ni Daniella kaya hindi makabubuti kung matatagal siya sa labas. Sinubukan niyang maging matatag habang nagkukwento ng resulta ng huling check-up pero hindi niya mapigilan mapaiyak noong yakapin ko siya.
"Salamat sa paggabay sa anak ko," naluluhang wika niya habang tinitingnan ang bintana ng kwarto ni Daniel.
"Ang bilin po ni Daniella, huwag tayong malulungkot dahil siya ang pinakamakinang na tala sa gabi at kung araw naman siya ang exclusive guardian angel natin," pagtatapos ko bago tuluyang umalis.
Nakatulog na sa hapag ang mahal kong ina. Handa na ang hapunan at alam kong nalipasan na naman siya ng gutom sa paghihintay sa akin. Bigla kong naalaala ang binitiwang salita kanina ni Daniel, hindi ko nagagawang magpasalamat sa malilit na bagay na ginagawa ni Nanay para sa akin at alam ko din na may pagkakataong nasasaktan ko siya. Hindi na ako nagdalawang-isip at hinalikan ko sa pisngi ang mahal kong ina. Bigla naman siyang nagising siguro sa pagkagulat dahil sa unang pagkakataon ay ginawa ko iyon. Ngumiti siya at niyaya akong maghapunan.
"Kamusta naman ang lakad ninyo ni Daniel? Natutuwa talaga ako sa batang iyon, masayahin at malambing. Alam mo bang tumawag pa siya dito para sabihin na nasa bahay ka nila? Kung hindi kami magkakilala hindi ko iisiping may sakit siya."
"Kausap po namin kanina si Father Greg, sabi niya si Daniel po mismo ay isang patotoo na wala sa haba o sa tagal ng inilagi sa lupa ang saya ng buhay. Kahit kasi may sakit makulit pa din at nakukuha pang makipagbiruan."
"Kaya hanggang maari huwag kang panghihinaan ng loob! Aba si Daniel nga palaging masigla e."
"'Nay, natatakot ako. Sa bawat araw na magkasama kami alam kong bumabagsak na ang katawan niya. Kanina noong pauwi na kami, matagal siyang hindi nagsasalita. Ayaw niya lamang aminin pero alam kong umiiyak siya."
"Normal iyon anak. Kahit ang tayo nakukuha din nating magpanggap. Hindi biro ang pinagdadaanan niya. Kaya nga bilib ako sa kanya dahil mas pinili niyang maging masaya kaysa magmukmok sa loob ng bahay."
"Sobrang bigat niya din kanina, hindi dahil tumaba siya o kung ano, alam kong hindi na niya kayang alalayan ang sarili para makakilos."
Niyakap ako ni Nanay. "Ang lahat ng ito ay nakaplano na, anak. Itinuring ko na ding anak si Daniel kaya ang hiling ko sa'yo ay maging matataga ka din gaya niya."
Sapat na ang itinakbo ng kamay ng orasan para ipaalalang palubog na ang haring araw sa tuwing mamasyal muli kami ni Daniel. Naupo kami sa damuhan sa may simbahan at sabay na pinagmasdan ang tila disyertong nag-aapoy na langit. Pinakinggan namin ang padating na hangin at ang koryong nagmumula sa simbahan. Napasigaw pa si Daniel sa kasiyahan.
"Uwi na tayo kuya. Hinihintay na tayo ni Mama."
Tahimik ang paligid sa aming pag-uwi. Tanging ang mga dahong nililipad ng hangin ang gumagawa ng ingay. Maging ang pamamaalam ko'y ubod ng ikli.
Ginising ako ng malakas na sigaw at katok mula sa pintuan. Isinugod sa ospital si Daniel sigaw ni Nanay. Hindi na bago ang ganoong sitwasyon pero sa pagkakataon ito umiiyak si Nanay. Alam kong darating ang panahon na ito at napaghandaan ko na pero ang walang tigil na hikbi ni nanay ang nagpapahina ng tuhod ko.
Pabilis ng pabilis ang tibok ng puso habang lumalapit ako sa kwarto ni Daniel. Ang kaninang nagtatakbuhang tao ngayon ay mabagal ang kilos at tila natalo sa sugal ang itsura. Ang malakas na hagulhol ni Tita Vhel ang nagpabagsak ng puso ko. Hindi ko man lang inabutang buhay si Daniel. Bakit hindi niya ako kasama sa huling sandali?
Lumabas ako ng ospital at sumigaw ng ubod ng lakas sa pagbabakasakaling ang pader ng ospital ang humaharang ng aking dasal sa Diyos. "Hindi man natupad ang panalangin kong gumaling si Daniel, baka pwede humiling extension?!" sigaw ko sa nasa taas. Ang bughaw na langit ang saksi sa bawat luhang umaagos sa mata ko. "Gusto ko pa kitang makasama Daniel! Hindi pa tapos ang chess match natin, may championship pa 'di ba? Daniel!!!"
Yakap mula sa aking likuran ang pumilit sa aking magpakahinahon. Yakap mula sa inang inulila ng kanyang asawa at anak. "Sabi ni Daniella kung sumakit ang ulo o nagreklamo, hindi ka nag-enjoy sa laro," wika ng Mama ni Daniella. "Hindi ka ba nag-enjoy kasama siya?"
"Sobrang ikli! Hindi ba pwedeng humingi ng extension? Parang ipinagdadamot sa akin ni Tatay si Daniel kinuha na niya agad!"
"Sa lahat ng bagay ang Diyos ang Grand Master. Iniisip mo pa lang, nagawa na Niya. Binigyan ka na ng extension noon pa, sapat na ilang taon magkasama kayo bilang magkaibigan pero binigyan ka pa isang taon bilang makapatid. Sa palagay ko, naging patas din lang ang tatay mo, noong buhay siya ikaw ang kasama niya at sa pagkakataong ito, sila naman ni Daniel ang magkasama. Masakit para sa atin ang nangyari pero hindi niya gustong malungkot tayong nagmamahal sa kanya."
"Hindi ko man lang nasabi kung gaano ko kamahal ang aking kapatid."
"Masakit sa isang ina ang mawalan ng anak. Pero anong magagawa ko kung ang huling hiling niya ay maging masaya ako? Ang pisikal na katawan lamang naman niya ang nawala pero ang pagmamahal niya sa atin kailanman ay hindi mawawala.."
Nakatayo ako sa harap ng puntod ni Daniella. Dala ko ang chess board na iniregalo niya sa akin. "Pangako, ikaw ang magiging dahilan ng pinakamatamis na ngiti ko. Para sa akin ikaw pa din ang Grand Master. Hindi ka natalo, hindi ka naubusan ng tira, nagkataon lamang na may time limit ang nasabakan mong laban. Tama ka, sa anumang laban iisa palagi ang dapat maging dahilan at ito ay ang pagiging masaya."