Skinpress Rss

Patak ng Tubig sa Batok


Kakaiba ang hanging sumasampal sa aking pisngi. Hindi katulad ng kadalasang simoy sa umaga tuwing tatapak ang buwan ng Nobyembre. Makulimlim ang langit at nagbabadya ang ulan. Ihinatid na ng tagapagbalita ang bagyong tatama sa Bauan. Maging ang mga ipis at iba pang insekto sa estero ay nagsisipaghanda ng lumikas. Wari'y nag-iingat at takot na maranasan muli ang minsang trahedyang tila gustong lamunin ang Bauan.

"Pwede ka bang makausap?" ang huling salitang nadinig ko Candy kaninang umaga bago ako umalis ng bahay. Hindi ako tumugon kahit mahinahon at may kababaang loob ng salita niya. Halata sa mata niya ang pait ng gabi. Lumabas ako ng bahay at hindi nagbitaw ng kahit isang letra mula sa aking bibig.

Hindi naman talaga ako galit kay Candy. Napikon lang siguro sa insultong ibinato sa akin kagabi. Ewan ko ba kung bakit hindi niya maunawaan na ayaw kong pag-usapan ang mga bagay na may kinalaman sa aming posisyon at kita sa trabaho. Hindi na niya kailangan pang ipamukha na mas rewarding ang mga ginagawa niya. Hindi lang siguro sampung beses kaming nagtalo tungkol dun. At muntik pang humantong sa hiwalayan dahil sa nagbabanggaang pride. Mahal na mahal ko si Candy, isang katotohanan kahit ang dagang costa ay hindi kayang itanggi.

Tumayo ako sa tapat ng munisipyo ng Bauan. Tiningala ang gusali na nakatakdang gibain para bigyang daan ang modernong munisipyo. Nakapanghihinayang na ang isang makasaysayang gusali na dinisenyo pa ni Juan Arellano noong 1930 ang maglalaho na lamang bigla dahil sa pagbabago. Tinipon ko ang mga alaalang may kinalaman sa aking pagkatao. Mga bagay na magpapaala sa akin ng tamis ng pag-iibigang nabuo sa loob ng gusali. Ang makasaysayang istraktura ang nagtagpo sa dalawang OJT sa opisina ng mayor na muling nagkita sa harap ng altar at nangakong magsasama habangbuhay.

Gusto ko lang palipasin ang oras para mahinahon na ako pag-uwi ng bahay. Mas nangingibabaw pa din ang pagmamahal ko sa kanya. May mga pagkakataon lang talaga na nagbabangga ang aming differences kaya nauuwi sa hindi pagkaunawaan. Last night almost magbreakdown na ako. Muntik ko pang pagbuhatan ng kamay si Candy buti na lang narealize ko agad na hindi tama. Isang stick ng sigarilyo ang nagpahinahon kay Candy at nag-absorb ng lahat ng tension sa kanyang katawan.

Malaking patak ng tubig ang tumama sa aking batok. Ramdam ko ang bigat ng parating na ulan. Mabilis ang pagkilos ng lahat. Nahawi ang kapal ng tao sa tapat ng munisipyo sa pagdating ng pampasaherong jeep. Isang tumpok ng pulang rosas ang nabigyan ng diin sa unti-unting pagkaubos ng tao. At sa tingin ko ay kanina pa naghihintay ang rosas para ibigay ko kay Candy. Alam ko maayos ang lahat ngayon gabi.

Hindi pinatawad ng baha ang sapatos kong hindi pa tapos hulugan. Ang payong na magsisilbi sanang pananggalang ko sa ulan ay naging tagapagligtas ng bulaklak sa pagkasira. Nagmalaki pa ang kulog na tila nang-aasar sa kaawa-awa kong itsura. At tulad ng inaasahan madilim na ang paligid dahil sa pagkawala ng supply ng kuryente.

Ibinaba ko ang bulaklak sa sofa at sumibat patungo sa kusina para kumuha ng kandila sa loob ng kabinet. Wala naman masyadong gamit sa bahay kaya hindi ako natatakot mabundol kahit madilim. Tahimik ang bahay maliban sa malakas na hanging nagmumula sa labas. Hindi pa siguro nakakauwi si Candy mula sa trabaho dahil wala pang kandilang nakasindi. Tamang-tama, sasalubungin siya ng mga rosas sa kanyang pagpapasok. Mauunawaan n'ya naman siguro na humihingi ako ng tawad. Matalino naman siya.

Malaking patak ng tubig ang tumama sa aking batok. Kailangan na sigurong kumpunihin ang bubong bago palagyan ng kisame. Magiging marunong ang mga kahoy kung hindi agad maaayos ang yero. Pinunasan ko ang aking batok gamit ang aking palad. Kakaiba ang amoy ng tubig dahil siguro sa katagalan ng hindi umuulan.

Humila ako ng upuan para kunin ang kandila sa kabinet. Pagkatapos ay sinindihan gamit ang stove. Kinuha ko ang timba sa banyo upang saluhin ang tubig na tumutulo mula sa butas ng bubong. Pagbalik ko ng kusina ay biglang tumambad sa aking mukha ang basang daliri sa paa. At ang pinanggagalingan ng kakaibang tubig na may amoy. Hindi agad ako nakakilos, hindi ko na namalayan ang kusang pagbasak ng aking aking luha.

-end-

Off TopicSuportahan ang aking Saranggola Blog Awards Entries. Pindutin lang ang dalawang kwento.Gamitin ang like button sa dulo ng bawat kwento para bumoto.Ang Manikang Hindi NilalabhanChess Match want a copy? send an email to panjo[@]tuyongtintangbolpen[.]com