Skinpress Rss

Gasgas sa Sapatos


Dalawang araw pa lang ang lumipas, may gasgas na agad ang ibabaw ng bago kong sapatos. Wala naman akong matandaan na sumabit o nabundol na maaring pagmulan ng gasgas. Naalis ng bahagya ang coating na nagtatago sa mababang kalidad ng sapatos.

Buhatin ko ang aking paa sa tuwing naglalakad, bilin ni Nanay. Sabi niya, hindi naman mapapagod agad kung iaangat ng medyo mataas ang paa para hindi magasgasan ang suot kong sapatos. May maliliit kasi na mga bagay na maaring sumabit. Hindi na naman daw ako bata para buhatin pa niya. Kung nakaupo naman huwag masyadong igalaw ang mga paa para makaiwas sa matatalas o may kantong bagay.

Hindi maganda ang naging takbo ng araw ko ngayon. Late ako dahil sa biglaang pagsumpong ng DPWH hobby na magbungkal ng maayos pang kalsada habang naiiwang nakatingwang na sira ang mga nakatagong lugar. Isinara na daw ang daanan sa Sambat kay biglang sumikip ang daan. Wrong timing naman kung kelan ako dapat mapaaga para makaiwas sa memo saka pa naisipang magsara ng kalsada. Hindi na talaga mapigilan ang pag-unlad ng Padre Garcia pati na din ang pagyaman ni Congressman.


Si Sir Domingo ang tipo ng taong mahinahon magsalita. Kaya spill proof ang tenga kapag siya ang kausap. Hindi niya ipapamukha sa tao ang pagkakamali. Ako pa mismo ang pag-iisipin ng next step para ma-improve at di na maulit ang ginawa kong labag sa policy. Pero sa bandang huli kahit labag daw sa loob niya, company policy pa din ang masusunod. Ang verdict? Hintayin ko na lang ang memo ng suspension. Mukhang hindi na ako makakabili ng sapatos na hindi magiging sugapa sa rugby kahit bumilang pa ng ilang buwan.

Pag-uwi ko ay ibinalita ko sa Nanay ang nangyari. Sinabi kong hindi ko muna ako makakapagbigay ng pera sa mga susunod na sweldo. Tinapik niya ako sa likod pagkatapos abutan ng tsinelas. Nalungkot siya hindi dahil sa wala akong perang maibibigay sa kanya tuwing sweldo kundi sa nakita niyang gasgas sa bago kong sapatos.

"Iangat mo ang iyong paa. Malaki ka na para buhatin ko pa. Ang maliliit na bagay sa daan ay hindi para maging balakid kundi para maging gabay. Pwede mo silang iwasan kung tutuusin kung naging maingat ka lang."

Inisip ko parang hindi nakikinig si Nanay sa mga kwento. Tipong hindi apektado, walang pakialam kahit sobrang bumaba ng self-esteem ko. Pero habang tinititigan ko ang aking mga paa bigla akong napaisip. Iangat ko daw ang aking paa dahil hindi na ako kanyang buhatin ni Nanay.

"Iangat ko ang aking sarili dahil hindi sa lahat ng pagkakataon ay magagabayan ako ni Nanay. Ang mga pagsubok ay gabay ko para itama ang mga nagawa kong mali. Na sana'y naiwasan ko kung binigyan ko agad ng pansin. Hindi naman ako masu-suspended kung naging maingat ako, kung natuto agad," bulong ko sa sarili ko.

"Magpahinga ka na anak, alam ko pagod ka. Hayaan mo bukas, makinis na ulit ang iyong sapatos."

"Opo. Bukas, aayusin ko ang lahat."

-end-




want a copy? send an email to panjo[@]tuyongtintangbolpen[.]com