Pinagalitan na naman ako ng matanda kaninang umaga. Isinisisi pa din sa akin ang pagkabulok ng langka dahil nakalimutan mong lagyan ng sako. Hindi talaga makalimot kahit grade six pa tayo noong nangyari 'yon! Ano nga bang nangyari at biglang nakaligtaan ang palagi mo namang ginagawa?
Nahuli na ang pumatay sa Tatay ni Mike. Si Asyong 'di ba? Nasa kalagitnaan ako ng panood ng pelikula nang biglang nagkagulo. May umiiyak, sumisigaw, tumatawa at may nagmamakaawa. Natunugan kasi ng parak ang pagdalaw ni Asyong sa pamilya kaya natimbog. Mataas na kalibre ang dala ng mga pulis kaya nagpanic ako sa takot na magkaputukan. Hindi ko tuloy naabutan noong nag-i love you si Bea. Naunahan pa ako ng aso sa pagtataguan ko sana.
Sinalubong nga pala ako ni Nanay sa pag-uwi ko dito sa atin. Daig ko pa ang balik-bayan. Ang kaisa-isa kong bitbit na bag ay pinag-agawan pa nina Ken at Apol. Malalaki na sila. Hindi ko nga halos nakilala ang mga anak mo. Buti na lang sira pa din ang ngipin ni Apol kaya alam ko na siya 'yon.
Tinatanong ako ni Tsong Ruben kung kumusta ka na daw. Ngumiti lang ako kasi hindi ko din alam kung ano ang iyong lagay. Hindi ko kasi alam kung sapat ang salitang ayos lang sa tanong niya. Naikwento niya ang ilang bagay tungkol sa pamilya mo. Tama ang hinala mo. May kinalolokohan nga ang misis mo. Buti na lang naisipan mong sa Nanay na lang magpadala ng pera.
Binalikan ko ang puno ng mangga sa may tambayan. Ang puno na ang katapat ay ang tindahan ng minsan kung inibig na si Lara. Ang puno na tumatakip sa bagsik ng haring araw tuwing umaga. Ako ay nakangiti habang pinakikiramdaman ang hagod ng softdrinks at kaunting pagbara ng biscuit sa aking lalamunan. Inusisa ng bata ang aking pagngiti. Ako daw ay aakalaing walang bait dahil abot langit ang aking ngiti, dangan na lamang at maayos ang aking buhok kaya hindi iisiping gaya ng hangal na may bitbit na pusa sa daan. Tapos bigla pa siyang napatapik ng braso nung nagusot ang aking mukha. Panong hindi, kitang kita kong may yumakap na lalaki kay Lara.
Malaki na si Ken. Mausisa na. Umuwi ka na kaya. Mahirap mabuhay sa kasinungalingan. Tatanggapin naman nila tayo kahit magmukha tayong tanga. Isa pa, sanay naman sila. Aminan na natin na iyong eroplanong maghahatid sana sa atin sa Peru ay huminto na sa Cebu.
Naloko tayo e. Naniniwala tayo sa pangakong giginhawa ang ating buhay. Hindi siguro patas kung magdudusa pa tayo.
Okay naman sila sa buhay na ipinamulat natin sa kanila. Mabuting na iyong kilala tayong lubog sa utang at mahina ang kokote at least pogi tayo. Ang importante sa kabila ng kahinaan mo, kilala ka dito napalaki mo naman ng maayos ang anak mo. Hanga nga sila sa'yo. Huwag mo ng hayaang masira iyon. Mas kailangan ka nila kesa pera.
Alam mo ba, nakita ako ni Ken habang ginagawa ko ang sulat na ito? Tinanong ko siya kung anong gusto niyang regalo sa pasko para maisulat ko dito at malaman mo. Umalis siya. Akala ko hindi interesado, pagbalik niya may dala siyang medyas. Akala ko doon ilalagay ang regalo. Sabi niya,"gusto ko iyong taong nagsusuot ng medyas na ito, si Papa." Halos gumulong ang luha ko e!