Skinpress Rss

Ang pangarap kong Tanan


Hindi pa ako nakakapagtoothbrush nang mapansin kong may mga naglilipat na naman sa kabilang kalsada. Buwan-buwan na lang nangyayari iyon. Siguro haunted ang house kaya walang tumatagal. O kaya naman may taglay na swerte. Lahat ng tumitira ay nanalo sa lotto at umaalis agad para di mautangan.

Pinagmasdan ko ang mga naglilipat habang ninanamnam ang panis ko pang laway. Nagbabakasakaling may dalagang iluluwa ang pintuan. Tapos lalabas ako ng bahay na bagong ligo at magiging suplado ng konti. Magigitara ako sa may upuang bato malapit sa aming gate then lalapit siya sa akin at magtatanong ng direction papunta kung saan. Sa una, hindi agad ako magsasalita. Kunyari di ako interested sa kanya. Pagkalipas ng ilang segundo saka ko ituturo ang direction. Kapag paalis na siya itetext ko ang sarili ko, kunyari may nagtext sa akin at pinapupunta ako sa parehong lugar. Magkakasabay kami sa paglalakad. Sa una tahimik syempre. Pahawak-hawak lang ako sa aking buhok na di naman nagugulo tapos tatanungin siya kung bagong lipat kahit obvious naman. May masabi lang.

Sense of humor lang ang puhanan sa mga ganitong pagkakataon para mapalapit ang loob. Sabagay, di naman ako gwapo kaya humor na lang talaga. Tatawa siya ng tatawa kahit lumalaki na ang butas ng ilong at tumatalsik pa ang laway ibig sabihin nun close na kami. Magpapalitan kami ng number at magkakatext palagi at ngingiti mag-isa habang nagbabasa ng text.

Darating bigla ang problema. Basta may problema dapat para may thrill ang love story namin. Kailangan na nila lumipat sa di maipaliwanag na dahilan. Siguro dahil natuklasang ang tatay niya pala ay si Batman kaya kailangan nila lumayo. Sa tindi ng aming pagmamahalan, naisipan naming magtanan sa araw para di puyat. Sa bintana siya dadaan kahit bukas naman ang pinto sa kusina. Tatakbo kami palayo hanggang makatakas. Kahit di namin alam ang pinasok ang mahalaga ay magkasama kami. Hindi ko man mabigyan ng marangyan buhay ipapangako kong makakaraos sa araw-araw at mananatili ang pagmamahalan sa kabila ng mga pagsubok hanggang sa mapatunayan kong karapat-dapat ako sa kanilang anak.

Corny. Wala. Puro mabibilog na chikiting. Basag ang trip.
-end-