Skinpress Rss

dear ex-gf


Dear Chinny,

I love you very much and I shall always do. Chinny, sa sandaling bumaba ako ng eroplano, ikaw agad ang unang hahanapin ko. Gusto kong iabot sa'yo ng personal ang sulat na ito. I want to see your reaction as you read this letter, pati na din ng asawa mo.

Chinny, meeting you and falling in love with you made my life worth living. Alam natin na nagsimula lang ang lahat sa isang one-act play sa school kung saan ikaw ang bida at ako naman ang leading man. Suddenly, there is always something to look forward to sa bawat rehearsal-seeing you, talking to you, getting drowed by your smile at siyempre ang mayakap ka kahit ang lahat ay bahagi lang ng play. Dati, naaasar ako kapag paulit-ulit ang scene ng play pero noong dumating ka, I started to appreciate ang take-two o kahit ilang take pa. Sa ganoong paraan makakasama kita ng matagal.

Natatandaan mo ba noong awards night? Sino nga bang makakalimot nun, halos mapisa ang kamay ko noong hinihintay natin ang mananalo at halos mawasak naman ang buto ko sa higpit ng yakap mo noong ideclare na tayo ang nanalo. Masaya ako at malungkot din that time. Masaya dahil nanalo tayo, malungkot dahil iyon na siguro ang huling araw na magkakasama tayo. Tinagalan ko na lang ang pagyakap para masulit. Ibang category na yata ang tinatawag pero nakayakap pa din ako sa'yo. Walang pagsidlan ang aking kasiyahan habang magkasama tayo. Kung may mas maganda pang lugar sa paraiso, siguro nandoon ako tuwing kasama.

Noong uwian, tanda ko kape lang ang ininom ko. Hindi ko hinayaang lumampas ang pagkakataon, hindi dapat matapos ang lahat. Halip na kabahan, lakas loob kong inamin na mahal kita Chinny. Yes, I'm in love sa babaeng kaharap ko noong gabing 'yon, at ikaw 'yon. I don't know kung tama ang ginawa ko, ang alam ko lang sinabi ko ang idinidikta ng puso ko. Subalit ngumiti ka lang tapos tumalikod after kong magtapat ng pagmamahal. Wala akong narinig kahit isang sagot. Ako naman parang asong nabahag ang buntot na lumayo sa harap ng gate. Para akong dahong inilipad ng hangin matapos mawalay sa pinakamamahal niyang puno na kahit anong tindi ng kapit ay hahantong din sa pagbitaw.

Hindi pa man ako nakakalayo, niyakap mo ako ng buong higpit mula sa aking likuran. Nagulat ako dahil alam kong hindi na iyon bahagi ng script at wala na din ang director. Then, ibinulong mo na duwag ako dahil matapos kong magtapat ay iiwan lang kitang mag-isa. Sorry Chinny, hindi ko kasi alam na kaya ka tumalikod dahil kinikilig ka. I was so happy and hug you tight kahit madaming dumadaan. Naging gasgas ang "I love you" that night.

We went out couple of times after my confession, aside pa dun sa group picnic sa La Mesa Ecopark. Madalas nga naghuhulog ako ng little notes to express how happy I am for having you at siyempre to surprise na din. Chinny, akala ko nga hindi mo nakikita or naappreciate ang efforts ko tapos ako pa pala ang magugulat noong dumalaw ako sa bahay n'yo, may sariling photoalbum ang mga sulat na binigay ko. Pati 'yong sinulat ko sa dahon ng saging, bagamat tuyo na bakas pa din ang letra.

I miss you Chinny. Lalo na kapag tinatawagan kita para kumakanta ka sa gabi bago tayo matulog. Kahit boses cartoons ka na kumakanta ka pa din. Alam mo, palihim kong inirecord 'yon at hanggang ngayon pinakikinggan ko pa.

Tanda mo ba noong gabing naghihintay tayo ng meteor shower sa bubungan ng bahay ni tita? Nakikipagtalo ka pa nga kung sino ang mas matinding magmahal sa ating dalawa. Tapos sinabi ko, "Chinny hindi ito isang contest, hindi mo kailangan makipagtalo. Sa simula pa lang panalo na ako dahil dumating ka sa buhay ko." Napaluha ka then you kissed me. It was our first kiss, saksi ang mga bumabagsak na meteor sa langit. Lumipas ang mga araw at wala akong matandaan na nag-away tayo. Nagkakaasar lang kapag natatalo ng FEU ang UST sa volleyball.

18th of July, inilapag ko ang baso ng kape sa may fountain ng Raja Soliman plaza noong makita na kitang parating. We embraced each other. Walang gustong magsalita. Nabura ng luha ang repleksyon ng aking sarili sa iyong mata. Masakit din sa loob ko na iwanan ka Chinny but I have to work abroad sayang ang pagkakataon na ibinigay ng company. Matapos ayusin ang mga bagay bagay at ilang personal na obligasyon umalis akong lumuluha. Hindi ako nagpahatid sa'yo dahil ayaw kong makita mo kung paano umiyak ang isang lalaki. Mas madrama pa sa babae. Kasalan ko Chinny, dahil lumikha ako ng mundo na ikaw lang ang umiikot dito. Malungkot ako sa pag-alis ko. It was my darkest day pangalawa lang 'yong hindi ako nakaattend ng graduation ceremony nung kindergarden ako dahil nagtatae ako.

I miss you Chinny.
I miss seeing you and talking to you.
I miss you telling me stories on how your day had been.
I am not being poetic or sweet as I tell you these. I am just telling you how I feel. Mahal kita Chinny.

Chinny, I shall never ever love anyone again in this lifetime. Sa oras na tumapak ako sa lupa ng Pilipinas pupuntahan agad kita. Nagtataka ka siguro kung bakit sinasabi ko ang lahat ng ito? Gusto ko kasing malaman mo na hindi ka nawala sa puso at damdamin ko. Ngayon, tutuparin ko lahat ng ipinangako ko. Mga pangakong isinumpa noong ikinasal tayo. I'm home, honey. I love you. Surprise?!

Your ex-bf,
rhie

random thoughts


Nakita ako ng rainbow kanina. Yup, rainbow, yung maraming kulay. First time ko makakita ng rainbow na wala sa langit. Nasa tubig ang both ends niya. Sayang nga lang nasa jeep ako kaya hindi ko makunan ng picture kahit sa phone. Kung kasinggaling ako ni syel siguro napakagandang obra na nun. Sobrang galing n'ya sa katunayan kung makikita ko siya hahalikan ko kahit patay na kuko niya. (yan pinuri ko siya sigurado na ang gift ko sa xmas. Tumatanggap naman ako ng 2nd hand na house and lot, laptop, psp, pati dslr.Hehe) Biro lang syel pero pwede din seryosohin.
Balik sa rainbow, naliligaw n naman ako. Hinihintay ko ang mga carebears kung mapapadpad sila dun pero nabigo ako. Inisip ko na lang busy sila.
Well, medyo napawi nun ang mga problema ko na di ko masolved ng ilang linggo na. Halos isumpa ko si spongebob sa dami ng problema ko. Sabay-sabay kasi nasira ang mga appliances ko sa bahay. Sabagay kailangan na nilang magretire. Pero sana installment naman spongebob. Installment ko binili ih.

Hindi nga muna ako gumagawa ng kwento kasi dadagdag pa yun sa iisipin ko. Bibili pa nga pala ako ngbarong para sa kasal ng kapatid ko. (tama abay ako sa kasal, sana wala na naman kapalpakan.)

Ay teka, random thoughts to kaya dapat may thought.
nag-imbento muna ako ng quote.
"may mga bagay na magdadala ng problema, may mga bagay na magbibigay ng saya pero sa akin ka liligaya"

ooh my


kanina habang nagkakape ako sa kapitbahay naisipan kong tingnan yung mga baka sa may tubuhan.
Yung iba nag-aagahan na at yung iba ay nasa kasarapan pa ng paglalakbay sa buwan.(yup nanaginip sila, nainterview ko na.)

habang inienjoy ko ang libreng kape mula sa kapitbahay ay may kung anong malamig na bagay ang pumatak sa aking ulo.
sigurado naman akong hindi yun ipot dahil karaniwan ay mainit ang ipot kapag bumabagsak. (minsan na kasi akong nabagsakan ng ipot sa bumbunan)

so, tumingala ako. (may eroplanong dumadaan)
yun, hamog pala na nanggagaling sa saging. siguro sobrang lamig kagabi kaya sobrang bigat ng bagsak ng hamog. (malapit na nga pala ang pasko wala pa akong brief)
since nasa ramdom thoughts ako, dapat may thought ito.
eto na, biglang kiniliti ng ng alaala ang akingh utak.
bigla ko kasing naalala noong minsan umulan ng yelo sa batangas city. (yup, umulan ng yelo as in yelo. aug yata yun)
sobrang laki ng patak na parang gustong butasin ang aking bumbunan.
kaya inilabas ko ang aking.....
payong.
walang silbi. tinampalasan lang ng yelo ang aking tig-50 pesos ba payong. (35 kung tatlo ang bibilhin mo)

tumakbo ako papunta sa waiting shed. (slow motion para dramatic)
marami nakatingala.
hinahanap siguro kung may nagbebenta ng halo-halo sa langit.

ay teka, ishort cut ko na lang kasi hindi naman yan ang gusto ko sabihin. tsaka naubos na yung kape kaya naputol ang pag-iisip ko.

nagtaka lang kasi ako kung bakit umulan ng yelo sa batangas eh sobrang init. tapos tropical country ang pinas e. (ginugunaw na yata ang mundo kailangan mag-asawa na ako ng marami)

siguro bahagi ng ng climate change.
hindi na pamigilan.
sabagay lahat naman nagbabago.
sobrang bilis nga lang ng pagbabago daig pa ang isip ng babae.

isa lang naman ang hindi nagbabago. constant daw? parang pag-ibig ko sa'yo hindi nagababago. (kasama ba talaga yun?)


well, gusto ko lang sabihin, masarap magkape lalo na kung libre.

----
"aanuhin ko naman ang starbucks kung ako naman ang magbabayad."

kanta muna galing sa crush kong taga wow batangas..

YOU FIRST BELIEVED

hello blog!


Hello blog!
Dumaan lang ako. Nagbabakasakaling may mabasang maganda kaso wala. Mga nagpapabisita lang ng blog na hindi maganda sa mata ng taong badtrip.
Pasensya na kung hindi ako madalas magpost. Pinipilit ko kasing umiwas sa blogsphere dahil nawawalan na ako ng social life. Para saan pa ang kalibugan ko kung hindi ko naman nakikita ang kalandian ko. me ganun? Hindi na kasi ako nakakagala kakagawa ng kwento. Last week ko nga lang nalaman na nagsasalita na pala si Kurt. He said, "Ninong!" Praktisado na ang bata.

Medyo tinatamad na akong magkwento bukod sa wala naman interesado sa mga tropa ko e napapagod lang ako magtype. Nagising na lang ako na ayaw ko na pala. Parang si Forest Gump na napagod na lang tumakbo at umuwi na lang sa bahay nila. May balak pa naman akong gumawa ng kwento pero saka na lang. Madami akong iniisip at wala akong computer. Nasira ang board.


I'm too emotional lately, nasira kasi ang washing machine ko. Paano na ngayon ang hobby kong paglalaba. 500 lang ang naiipon ko monthly kaya aabutin ng isang taon bago ako makabili ng bago. Makapag-asawa na lang kaya pero civil wedding muna saka na lang yung sa simbahan kung sakaling walang magregalo ng washing machine.


Since lagi naman akong nag-iisa nagblog na lang ako para may mapagkwentuhan. Nakita ko kasi ang professor/idol ko na si Sir Masupil kahapon noong pauwi na ako galing SM. Sayang nga lang hindi ko siya nakakwentuhan about sa latest stories niya.

Pumunta ako ng SM kahapon para bumili ng Christmas tree para kapag uuwi ako ay may nakikita naman akong maganda. Dumaan muna ako ng Odyssey para bumili ng CD. Mahilig kasi ako sa music pero music lang ayaw ko ng may lyrics. Bumili ako ng sax collection ni Kenny G tapos derecho agad sa katabing supermarket. Ewan ko kung bakit sa supermarket ako sumuot halip na department store. Umiikot muna ako wala akong nakita. May naamoy akong kape na biglang kumiliti sa matangos kong ilong. May free taste pala ang nescafe kaya nagtry ako tapos nagtry ulit ako. Bumili ako ng isang bote tapos lumabas na akong supermarket dahil wala naman christmas tree doon. Naglalakad na ako tapos bigla kong naalala na wala pala akong nabiling asukal. Babalik na sana ako ng may makita akong washing machine sa appliance center. Parang gustong bumagsak ng aking luha sa pamang-akit kong mata. Naalala ko ang aking washing machine. Kailangan bang mawala ang isang bagay bago malaman kung gaano ito kahalaga?

Ay teka baba na pala ako ng jeep tsaka lowbat na ang telephone.. Basta ang kwento e nalimutan kong bumili ng christmas tree.

---
Hay, paano kaya ako mabubuhay next month.
Mawawalan na naman ako ng trabaho..
Kawawa na naman ang mga inaanak ko.

P.S.
Kung mababaw yan, try mo na lang hukayin.



tula (la)


BABAE

Tulala
Nakapikit
Pinipigilan ang pagbagsak ng luha
Doon sa may sulok
ng luma at masikip na silid.

Tumiklop na ang sinag ng araw
Namayani ang buhos ng ulan
Nawala ang sinag na tumatama sa dilaw na upuan
Binuhay ang alaala ng nakaraan.

Babae
Naiipit ka sa saya at kalungkutan
Sa mukha ng kasalukuyan at nakaraan
Sa pag-ibig ng dalawang magkaibang katauhan


LALAKI

Ikaw ang lumikha ng inyong kalawakan
Ikaw ang naglakbay sa iyong panaginip
Ikaw ang nakipagsapalaran sa reyalidad
Ikaw ang pumili ng iyong inibig.

Lalaki sa kanyang pag-alis ay huwag kang tumangis
Bagkus, hayaan mong lumipad ka sa malawak na langit
Dalawin siya sa kanyang panaginip
Ibulong ang wagas na pag-ibig.



*****
this will be my last post for the mean time.
have to settle some personal issue.

to ms. Jo-Anne,
kung hindi ko magawa ang Tricycle e bibigyan na lang kita ng printed copy..

Elevator


Scene : Natrap si Amrey at Lemuel sa loob ng elevator dahil nagkaroon ng problema sa linya ng kuryente. Dating magkasintahan ang dalawa kaya parang pinaglaruan sila ng taghana para muling magkausap.

Lemuel : 15 minutes pa raw bago maayos ang linya.

Amrey : Buti naman. Akala ko aabutin na tayo ng gabi dito.

Katahimikan. Dahil matagal ng hindi nag-uusap ang dalawa naging mailap ang sagot ni Amrey.

Lemuel : Kamusta?

Amrey : Perfectly fine. Ikaw?


Lemuel : (Ngumiti ng bahagya si Lemuel.)Maayos naman. Medyo tumaba ng konte.

Amrey : Pansin ko nga. Parang nabasa ka.

Lemuel : Maulan kasi sa labas.

Amrey : Kaya siguro nawalan ng kuryente.

Lemuel : Baka nga. May asawa ka na ba?

Amrey : Wala pa. Wala akong oras sa ganun. Bakit ka nga pala napadpad dito?

Lemuel : Pupunta ako sa Agency.

mrey : Magrerenew ka?

Lemuel : Hindi. May dadalawin sana ako. May itatanong lang.

Amrey : Ah. Ok. (Patay malisya pero palihim na tumingin sa stainless wall ng elevator para makita ang mukha ni Lemuel.)

Lemuel : (Buntong hininga). Tagal natin hindi nag-usap ah. Kahit e-mail wala kang sagot.

Amrey : Three years, 5 months ang 14 days to be exact.

Lemuel : (Gulat). Wow! Tanda mo talaga ah.

Amrey : Sino bang makakalimot sa sakit ng ginawa mo?

Lemuel : Galit pa rin ba sa pag-alis ko?

Amrey : Sino bang matutuwa? Hindi ka nagpaalam. Basta ka na lang umalis.

Lemuel : Nagtext ako ah.

Amrey : Text? Kung kelan nasa airport ka na. Lemuel sa isang subdivision lang tayo nakatira hindi ka man lang sumigaw sa labas para malaman ko na aalis ka. O kaya isinulat mo sa pader tutal malinaw naman ang mata ko at makakabasa naman ako.

Lemuel : Alam ko kasing hindi ka papayag na mag-aabroad ako e.

Amrey : Alam mo pala e! Tapos tinuloy mo pa din. (Tumalikod. Pilit magpakahinahon.)

Lemuel : Para sa atin naman yun. Sa kinabukasan natin.

Amrey : Kinabukasan? O para sa sarili mong ambisyon?

Lemuel : Alam mo naman matagal ko ng pangarap magtrabaho sa Australia pero kasama ka sa pangarap na yun. Para guminhawa ang buhay natin.

Amrey : Hindi ba simula pa lang malinaw na sa'yo Lemuel na kapag umalis ka tapos na ang lahat sa atin? Siguro gusto talagang matapos ang lahat.

Lemuel : Hindi sa ganon. Gusto ko lang maging praktikal.

Amrey : Gusto ko lang ng simpleng buhay. Simpleng buhay kasama mo! Hindi yung nagpapakasasa ako sa yaman pero salat naman sa pagmamahal.

Lemuel : (Natahimik)Alam ko kasalanan ko. Alam ko nasaktan kita. Humihingi ako ng tawad. Gusto kong magsimula ulit tayo. Kahit umalis ako naiwan naman ang puso ko. Wala akong ibang minahal kundi ikaw. Naparito ako sa agency para sa'yo. Para malaman kung mahal mo pa ako. Gusto kong bumawi.

Elevator speaker : Maari po lamang na humawak ang mga pasahero sa gilid ng elevator. Ilang sandali mo lamang ay magbabalik na sa normal na operasyon ang ating elevator. Maraming salamat po.

Amrey : Buti naman makakalabas.

Lemuel : Mahal mo pa ba ako Amrey? (Lumuhod may dinukot sa bulsa. Isang maliit na kahon na may lamang singsing. Itinaas ang kamay habang nakatungo). Sana bago bumukas ang elevator tanggapin mo ang singsing na ito. Tanda ng wagas kong pagmamahal, ng paghingi ko ng tawad at ng Pwede ba tayong magsimula muli Amrey? Please.

Amrey : Hindi.

Lemuel : (Pumatak ang luha habang nanatiling nakaluhod.) Amrey?

Amrey : Bakit ka magsisimula ulit kong pwede mo namang ituloy? Mahal na mahal kita. Bawat araw binilang ko dahil umaasa akong babalik ka.

Lemuel : Amrey, salamat.

Amrey : Wala ka bang ibang sasabihin? May dala ka namang singsing.

Lemuel : Amrey, will you marry me?

Amrey : I will. (Bumukas ang elevator .)

---------

:D

Tricycle: Revenge, Lies and Love (Chapter 2)


Chapter 1


II. black child


Maingay ang mga bata, mga magulang na may hila-hilang anak, nagmumurang tsuper at mga tindera ng sisiw na may kulay ang karaniwang makikita sa harap ng Divine Academy tuwing uwian. Pamilyar din ang may umiiyak alinman sa batang naiwan ng service o dalagita na nasa edad dose hanggang kinse dahil sa unang pagbigo sa pag-ibig. Nandoon din ang mga tricycle driver na ginawa ng libangan ang pagtitig sa mga hita, puson, pusod, dibdib at puwet ng mga babaeng sumusundo sa mga bata.

Ngunit iba si Luis. Kung gaano ka-boring paanoorin ang ikot ng gulong ng kanyang tricycle ganoon din ang kanyang buhay. May nanghihinayang nga sa lakas ng kanyang sex appeal dahil hindi naman daw mapakinabangan. Kung pwede nga lang daw nakawin ang sex appeal ginawa na niya, biro ng isang kasamahang tricycle driver. Hindi pa rin kasi nakakamove-on si Luis mula ng mamatay sa isang aksidente ang girlfriend niyang si Cielo. Kadalasan, mapapansin si Luis na may hawak na pagkain habang nagbabasa ng broadsheet o di kaya naman ay nagbabasa ng mga nutritional facts sa mga nagkalat na balat ng junk foods.


'Pwedeng magpahatid pauwi?' bungad ni Jo-Anne kay Luis na kasalukuyan kumakain ng banana cue habang nilalaro ang pusang kumakaway sa tricycle ng kasamahan.

'Hindi pa ako ang pila e. Pangalawa pa.'

'Hihintayin ko na lang. Sorry nga pala kanina. Napagalitan ka ni Aling Remy dahil sa akin. Nagmamadali din kasi ako kanina.'

'Naku sanay na ako sa matandang iyon. Hindi kompleto ang araw nun kapag hindi ako nasermunan.' Nilunok ang natitirang saging sa bibig saka muling nagsalita. 'Bagong teacher ka ba dito?'

'Oo bago lang. Pero pansamantala lang ako dito habang on-leave pa si Ms. Regondo.'

'Tara, sakay ka na sa loob,' yaya ni Luis. Kumilos agad si Jo-Anne pero hindi sa loob ng sidecar siya sumakay kundi sa inuupan niya kaninang umaga.'Doon ka na sa loob para maayos ang upo mo.' gulat na wika ni Luis.

'Ok na ako dito. Gusto ko kasi maging pamilyar sa lugar.' Napakamot na lang si Luis sa asal ni Jo-Anne. Karaniwan sa lahat ng pasehero ay gusto ng komportableng upo pero itong si Jo-Anne ay tila nawiwili na magbackride.

'Ikaw ang bahala.'
wika ni Luis matapos itaas ang dalawang balikat. 'Kumapit ka ha.'

'Pinapatawa mo naman ako. Parang bibilis ang takbo ngayon ah.' Humawak ang teacher sa tagiliran ng lalaki. Parang nakuryente si Luis sa pagdampi ng kamay ng dalaga.


Ilang grupo ng lalaking nakaskate board ang lumampas sa minamanehong tricycle ni Luis. Walang pagbabago. Ubod pa din ng bagal ang takbo ng tricycle.

'Siguro anak mayaman ka kaya mas gusto mo magbackride. Kumbaga sa exploring stage ka.'

'Hindi ah!' mahigpit na pagtutol ni Jo-Anne. 'Siguro empleyado ka dati ng punerarya kaya mabagal ka sa magmaneho.' Ngumiti lang si Luis ikinatwiran muli na wala pa siyang insurance.

'Teka hindi tayo dito dumaan kanina ah!' si Jo-Anne.

'Naliligaw na yata tayo Ma'am.' biro ni Luis.

'Ano ka ba? Naliligaw ba talaga tayo?'

'Biro lang. One way po kasi yung dinaanan natin kanina.'

'Ah, teka museum ba 'yon?' tanong ni Jo-Anne sabay turo sa lumang establishment.

'Hindi Ma'am. Ancestral house ng mga Pastor.'

'Matagal na 'yan ganyan?'


'Natural! Ancestral house nga e. Teacher ka ba talaga?' kantiyaw ni Luis.

'What I mean is yung design. Wala bang binago sa original style?'


'Ah, may minor repairs. Kumabaga may inalis na lumang bahagi para palitan ng bagong pero dapat mukhang luma pa rin,'
si Luis.

'Wow, pinahanga mo ako doon ah. Pwede ka ng tour guide.'

'Para yun lang. Kahit sinong taga dito ay alam yun.'


Tila sinakluban ng telang itim ang kalawakan nang makauwi si Luis galing sa pamamasada. Parang langgaw na nagsulputan ang mga bata sa kalye. Nagsilbing palaruan ang tahimik na kalsada sa pagsapit ng gabi. May ilang pang naglalaro ng hide ang seek sa terrace ng bahay ng binata.

'Kuya Luis! Ibibili na ba kita ng beer?' tanong ni Biboy sa bagong dating pa lamang na si Luis. Palibhasa ay hindi pinagbebentahan ng alak ni Aling Remy si Luis ay binabayaran na lamang niya si Biboy para bumili ng alak para sa kanya.

'Alerto ka ah. Sige ibili mo ako ng kalahating case ng grande. Ilagay mo na lang sa likod ng tricycle magbibihis lang ako.'


'Eeeeng! Pip! Pip! Parang dirver ng isang jeep na tumakbo ang bata matapos matanggap ang pera. Tumitigil lang ng bahagya kapag may makakabangga o kaya kapag bumababa ang maluwag na shorts. Ilang minuto lang, kasama ang isang sipuning bata, ay dala na nila ang alak.

Kumikiliti sa ilong ang samyo ng dalang pulutan ni Luis. Pasekretong pinaandar ang tricycle para hindi mahalata ni Aling Remy na mag-iinom na naman siya. Patungo siya may pampang ng ilog Calumpang. Maraming alaala ang hatid ng ilog. Alaala ng pinakamamahal na si Cielo kaya kahit bumabagyo ay bumibisita siya dito. Hindi pa niya tanggap ang pagkamatay ni Cielo sa isang aksidente.

Humimpil ang tricycle sa may maliit na puno ng mangga. Hinayaan ni Luis na bukas ang ilaw ng tricyle para makita ang ganda ng ilog kapag tinatamaan ng liwanag. Ibinaba niya sa may damuhan ang alak at ang dalang pulutan. Bubuhayin na sana niya ang stereo ng may biglang sumulpot mula sa loob ng sidecar.

'Anong ginagawa mo dito Ma'am?' Nagulantang si Luis.

'Ayaw mo bang may kasama sa pag-iinom?'
malambing na wika ni Jo-Anne.

'May magagawa pa ba ako. Nandito ka na e.'
Napapailing pa si Luis. Hindi niya napansin na nagtatago ang babae sa loob ng sidecar. 'Paano ka napunta diyan.'

'Nakita ko kasi ang bata na inabutan mo ng pera kanina. Tapos pagbalik nila may alak ng dala kaya nagtago ako sa loob. Naiinip kasi ako kaya gusto ko makijoin.'

'Baka malasing ka Ma'am.'

Umiling si Jo-Anne. 'Jo-Anne na lang, huwag Ma'am. Ano bang meron sa ilog na ito?'

'Tubig.'


'Alam ko na may tubig, ang ibig kong sabihin bakit dito ka pa nag-iinom? Siguro may something sa lugar na to.' pangungulit pa ni Jo-Anne.


'Masarap kasi pakinggan ang huni ng mga kuliglig pati ang paglagaslas ng tubig sa ilog. Kaso hindi ko madinig dahil medyo maingay.'pagtatakip niya sa totoong dahilan. Ayaw niyang ibahagi sa dalaga ang masasayang alaala na hatid ng ilog.

'Ok! Fine tatahimik na ako. Inom na lang tayo.'

Lumikha ng ingay ang batong inihagis ni Jo-Anne sa ilog. Gusto niyang magsimula ng usapan subalit wala siyang lakas ng loob. Masyadong mailap ang lalaki. Malalim ang pagkatao at tila ayaw makipag-usap noong mga sandaling yon.

Isang pulang kotse ang huminto malapit sa tricycle ni Luis. Gamit ang headlight, sumenyas ng dalawang beses ang driver ng kotse. Mabilis kumilos si Luis na hindi karaniwan sa katuhan ng lalaki.

'Dito ka muna.' pigil niya kay Jo-Anne na akmang tatayo. Naglakad si Luis patungo sa kotse. Natakot bigla si Jo-Anne sa biglang paging seryoso ng mukha ng binata.

'Bakit may kasama ka?' usisa ng lalaki sa loob ng kotse. 'Pasok ka sa loob.'

'Hindi ko kasi alam na darating ka. Matagal na din kasi akong walang balita sa inyo.' si Luis. 'May bago ba?'

Inabot ng lalaki ang isang sobre. May nakasulat na black child sa gitnang bahagi. 'Ito ang sunod mong misyon. Basahin mo muna. Kapag nagustahan mo bumalik ka dito bukas ng tanghali para sa briefing.'

'Black child mission. Pag-aaralan ko.'

'Highly classified and Confidential ang mission na ito. Hindi dapat pumalpak ang lakad na 'to.'


'Makakaasa ka! Bakit nga pala natagalan?'

'Alam mo naman na si Cielo ang pinakamagaling nating researcher. Walang papantay sa galing niyang magdecode. Sayang nga lang nasawi siya sa huli ninyong mission. Nahirapan kami humanap ng kapalit niya.'

Natahimik si Luis. 'Pupunta ako bukas asahan mo. Gusto ko din makilala ang makakasama ko sa misyon.'

'You will be working alone, Luis. Inuulit ko, Highly classified and Confidential ang black Child. Maraming underground organization ang naghahangap makuha ang black child.'


Tumalilis ang kotse matapos ang usapan. Naging mausisa si Jo-Anne sa muling pagbalik ni Luis.

'Ano yan?'

'Invitation sa binyag.'
pagtatakip ni Luis.

'Bakit kailangan sa loob pa ng kotse kayo mag-usap?'

'Sensitive e. Anak kasi sa ibang babae ng kaibigan ko ang bibinyagan. Mahirap ng may makakita kasi kasiraan sa political career niya.'

'Mga lalaki talaga hindi makontento sa isa.'


'Huwag mo ng pakialaman ang buhay nila. Inom na lang tayo Ma'am.' Parang batang kinutusan ni Luis si Jo-Anne.






itutuloy...

-----
comments? Sana maging maayos ang takbo ng tricycle. Absent ako kaya napaaga ang update.



i'm online


Ang liwanag na nagmumula sa monitor ng computer ang nagsisilbing ilaw sa kwarto ni Geraldine. Hating gabi na, bagamat nakahiga sa kama ay nanatiling gising ang ulirat ng babae. Nangalay na ang cursor sa pagkindat pero hindi pa rin tinapunan ng pansin ng dalaga. Nagdurugo ang kanyang puso. Gusto niyang isigaw ang lahat ng nararamdaman.

Idinuyan ng musika ang luhaang puso. Pinawi ng pandalian ang kalungkutang bumabalot sa kaluluwa. Pilit iwinaksi ang guhit na sumira sa magandang larawan ng alaala. Iniwan na siya ni Vince. Si Vince, ng lalaking nangako sa kanya ng habang buhay na kaligayahan at nagsilbing sandalan sa lahat ng kabiguan.

Tumayo siya mula sa higaan. Humarap sa kanina pang naiinip na computer. Sinimulang itype ang kanyang username na pink_illusion at ang password sa yahoo messenger. Lumulundag-lundag pa ang icon ng messenger na tila nang-aasar sa isang may labis na kalungkutan.

Hindi pa man siya nakapagtype ay nagsimula ng pumatak ang luha ni Geraldine. Online si Vince subalit hindi siya pinapansin. Walang tugon sa ilang beses niyang pagmamakaawang kausapin siya.

Early last year nang maglabas ng sama ng loob si Geraldine sa unang pagkabigo sa pag-ibig. Pero hindi sa isang kaibigan kundi sa isang forum site. Gusto niyang malaman ang magiging opinyon ng iba sa kanyang karanasan. May mga nagcomment na parang ayaw ipabasa dahil sa sobrang arte ng pagkakatype. Meron naman nagmala-DJ sa radyo sa sobrang haba ng payo. Hanggang sa isang lalaking may 3rd_psych na username ang nagbigay ng nakakatawa ngunit makabuluhang payo. Naging mahaba ang kanilang usapan hanggang sa mauwi sa palitan ng ym id dahil sa mabilis na pagkalagayan ng loob. It was a rainbow after the heavy storm for Geraldine.


They became friends, bestbuds and bff for some. Matapos ang ilang buwan, nabuo ang mga pangarap, ang pag-ibig at ang pangakong susungkitin ang buwan at mga tala. They decided to see each other. Masaya, puno ng pag-ibig. Kakaiba si Vince, hindi siya nauubusan ng paraan para mapatawa si Geraldine. Isang totoong gentleman.

Text, chat, call lahat na yata pati mental telepathy ay ginamit na nila para makapag-usap. Words of love, pick-up lines at buhay buhay ang madalas na usapan. Walang humpas ang kasiyahan. Parang naulit lang ang nauna niyang pag-ibig.

August 27, 2009, first year anniversary, tutuparin ni Geraldine ang kanyang pangako kay Vince. Mapusok na isinuko ni Geraldine ang kanyang pagkatao. Ibinigay ang sarili sa taong pinakamamahal. Halata sa kanilang mata ang labis na pagmamahal. Parang asong ulo na nilamon ng lalaki ang napanuksong hubog na katawan ng babae. Tila piratang sumugod sa barko at angkinin ang lahat ng yaman.

Pumatak ang luha ni Geraldine. Isang linggo na siyang hindi kinakausap ni Vince. Muling ibabahahagi Geraldine ang kanyang pagkabigo sa pag-ibig. Magiging matalino na siya sa susunod. Hindi na maniniwala sa mga pangako. Handa na niyang i-post ang kanyang pagkabigo sa forum subalit isang pamilyar na username ang may may blockbuster na kwento. Kwento ng pagpaparaos 3rd_psych sa isang babae.

Idinuyan ng musika ang sugatan puso. Pinawi ng bahagya ang lungkot na bumabalot sa kaluluwa.

Tricycle: Revenge, Lies and Love (Chapter 1)


I. the tricycle driver and the teacher


Gising na ang mga tambay, nakapwesto na agad sa may tindahan habang sinusundan ng tingin ang mga nagdaraan. Gising na ang mga bata, ang ilang ay naghahanda na para sa eskwela, ang iba naman ay naglalaro na sa kalye. Gising na din ang mga matatanda, nagwawalis ng ikinalat ng mga tambay at mga bata.

Tirik na ang araw ngunit nakahiga pa din si Luis. Matindi ang sakit ng kanyang ulo kaya tinatamad bumangon. Palibhasa ay lasing na naman kagabi tila naging parte na ng kanyang dugo ang alkohol.

Matalim ang sikat ng araw na pilit pumasok sa maliit na bintana ng kwarto ni Luis. Mahapdi na sa balat kaya napilitan na siyang umalis sa kama. Tinungo ang ref para kumuha ng yelo, binalot ng tuwalya saka idinikit sa masakit na bahagi ng ulo. Muling bumalik si Luis sa magulong kama na puno ng maduming damit, magazine, sapatos, gusot na dyaryo,ilang piraso ng baraha at larawan ng isang babae.

Pagkalipas ng ilang sandali ng pagkawala sa sarili ay bumangon siya para maligo. Nagsipilyo habang nakapikit pa rin ang mga mata saka nagbihis ng luma at punit na damit. Lumabas siya ng bahay para bumili ng gamot.

'Ha!ha! Tangna pare! Tanga noong crew kahapon hindi niya nahalatang ipinuslit ko yung pending number!' pagyayabang ni Jose sa harap ng tindahan ni Aling Remy.


'Oo nga! Noong isang araw nga platers naman nila ang kinuha ko! Magandang gawing photoframe 'yon!' dagdag pa ng ayaw magpatalong si Ariel.

'Masaya naman kayo sa ginawa n'yo? Eh kung nahuli kayo makatawa pa kaya kayo sa loob ng selda?'sabat ni Luis. 'Isang paracetamol nga Aling Remy.'

'Trip trip lang naman 'yun Luis.' Sobrang sineryoso mo naman.' si Jose.

'Kahit pa, magnanakaw pa ang turing sa inyo kung nahuli kayo. Kung nagkataon may picture pa kayo dun,' pangaral pa ni Luis na parang nakatatandang kapatid ng mga tambay.

'Eh ikaw naman Luisito kelan mo balak itigil ang paglalasing?' pag-alaala ni Aling Remy na nagsisilbing pangalang ina na rin kay Luis. 'Aba lagi ka na lang ganyan hijo.'

'Sigurado si Cielo pa rin ang dahilan. Madami naman babaeng nagkandarapa na pwede pag-ukulan ng bagong pagmamahal,' nakangiting kantiyaw ni Ariel.

'Luis, parang anak na din ang turing ko sa'yo kaya huwag mo sana mamasamain ang mga sinasabi ko pero pandalian lang ang maitutulong ng alak para makalimot.'

'Kaya nga po dinadalasan ko ang pag-iinom Aling Remy,' pilosopong sagot niya. Tumalikod si Luis sa matanda matapos isubo na parang kendi ang paracetamol.

Tinungo niya ang kinaroroonan ng kanyang tricyle. Simulang linisin, inalis ang bote ng alak at itaboy ang pagpipyestang mga langaw sa tira- tirang kornik sa sahig ng tricycle. Kinausap niya ang tricycle na parang nakababatang kapatid.

'Poy, pasensiya na kung napapabayaan na kita. Hayaan mo paliliguan kita mamaya kung gusto mo sabay pa tayo Poy,' nangiting wika niya sa tricycle na tinatawag niyang Poy. 'Ibinili nga pala kita ng bagong salamin. Sorpresa ko sa na sa'yo yun kaso sa sobrang kalasingan ko eh nalimutan ko nang ikabit.'

'Kuya, Divine Academy po.' putol ni Jo-Anne sa pagsisintemyento ni Luis. Bagong lipat lang si Jo-Anne matapos matanggap bilang isang teacher sa Divine Academy. Nakikituloy siya sa bahay paupahan ni Aling Remy.

'Miss nililinis pa. Hindi pa ako papasada.'

'Sige na kuya malelate na ako. Kanina pa ako naghihintay dito e.' mangiyak-ngiyak na pagmamakaawa ni Jo-Anne.

'Madaming tricycle sa kalsada. May masasakyan ka pa.'

'Suplado naman.' padabog na umalis si Jo-Anne.

'Oh Jo-Anne bakit sambakol ang mukha mo eh kaaga-aga?' tanong ni Aling Remy.

'Hirap po kasing sumakay kanina pa akong naghihintay.'

'Naku hija, doon pa sa ikalawang kanto ang sakayan.' Teka nandyan pala si Luis ipapahatid kita.' ani ni Aling Remy ng makita ang tricycle ni Luis.

'Nakausap ko na siya Aling Remy, nililinis pa daw. Suplado pa.'

Lumabas si Aling Remy bitbit ang isang walis tambo saka sinugod si Luis dahil sa pagtanggi nitong isakay ang bago niyang boarder.

'Lintik na bata ka!' sigaw ng matanda habang iwinawasiwas ang hawak na walis. 'Ihatid mo nga si Mam, Keganda gandang bata eh nakasimangot agad dahil sa ugali mo. Hala kilos!'

Napakamot si Luis na parang naubsan ng salitang pwedeng katwiran.'Nililinis pa kasi Aling Remy. Madumi ang sidecar.'

'Pwede akong backride. Makapasok lang ng maaga.' mapang-asar na ngiti ni Jo-Anne matapos makuha ng kakampi.

'Yun naman pala eh. Pagpasensiyahan mo na hija. Mabait naman ang batang yan, may sumpong lang dahil bagong gising. Luis ingat sa pagmamaneho.'

Parang batang sumunod si Luis sa kagustuhan ng matanda. Pinaandar ni Luis ang tricycle na parang nang-aasar sa sobrang bagal ng kanyang pagpapatakbo. Ilang batang nagbibisekleta ang lumampas na sa kanila. Lumampas na rin ang isang nagjojogging na retired army. Natatawa lang siya sa ginagawa niyang trip sa dalaga.

'Kuya baka pwede bilisan ng konte.'

'Wala akong insurance mas maganda na ang mabagal para safe.' pasusot si Luis. 'Tsaka hindi tayo close kaya huwag mo akong tawagin kuya.'

'Suplado mo naman. Nakikiusap na nga e. Late na kasi ako.' nakasimangot na sagot nito. 'Hindi naman kagwapuhan sobrang suplado,' ngulngol pa.

'Gwapo lang ba ang may karapatang maging suplado?' sa sandaling yon ay nakangiti na si Luis. Nawala na siguro ang sakit ng ulo kaya nabago ang mood. 'Ngayon lang kita napansin dito bago ka lang ba?'

'Kahapon lang.' si Jo-Anne.

'Komportable ka lang ba diyan? Ililipat na lang kita ng ibang tricycle para hindi ka mahirapan.'

'Ok na ako dito, pakibilisan na lang.'

'Hindi ko pa kasi naayos to kaya mabagal lang ang takbo. Sabi ko naman sayo na hindi pa ako papasada e kasi marami pa sana akong aayusin. Pinagbigyan ko lang si Aling Remy.'

'Ah ganun ba, pasensiya na. Kung alam ko lang na wala palang dumadaan dun naglakad na agad sa may kanto.' Huminga ng malalim si Jo-Anne saka muling nagsalita. ' Luis ba o Luisito ang pangalan mo?'

'Luis lang, Luisito lang kapag galit si Aling Remy. Ikaw may pangalan ka ba?'

'Meron din naman. Kaso isinisekreto lang.' bawi ni Jo-Anne.

'Siguro mabaho ang pangalan mo kaya hindi pwedeng ipagkalat.'

'Yabang mo! Dito na lang ako.' wika ni Jo-Anne.

'Natural. Divine na to e.' Dudukot pa lang si Jo-Anne ng bayad ngunit bigla humarurot na agad palayo si Luis.

'Gago talaga yon. Napaniwala ako na hindi pwedeng bilisan.' bulong ni Jo-Anne sa sarili halip na magalit ay nakangiting pumasok ng school gate si Jo-Anne. Namangha siya tahimik ngunit malalim na katauhan ni Luis.


itutuloy...

---
comment muna habang wala pang chapter II. pasensya na sa title wala akong maisip.

basketbol (ending)


basketbol 1
basketbol 2


Bote ng softdrinks, buto ng pakwan, upos ng sigarilyo, tasa ng kape, balat ng kendi at nilalangaw na kornik ang naiwan sa mesa matapos ang burol ng bisor niyang si Monching. Nilipad ng hanging nagmumula sa lumang bentilador ang plastik ng piatos na kanina lang ay hawak ni PJ. Halatang wala sa sarili. Labis ang kanyang panghihinayang sa nawalang kasamahan.

Isang matalim na kidlat ang gumuhit sa makulimlim na langit. Nakaririnding kulog at matulis na ulan ang sumunod. Isang anino ang binigyang linaw ng matalim na kidlat. Nagpakitang muli ang mahiwagang lalaki kay PJ. Kumilos ang lalaki patungo sa talampas. Gamit ang liwanag na nagmumula sa kidlat ay pilit na inaninag ni PJ ang detalye ng mukha ng lalaki. Subalit wala pa rin pagkinlanlan dahil nanatiling blangko ang mukha nito.

Matapang na sinundan ni PJ ang lalaking patungo sa talampas. Paipis-ipis siyang kumilos ayaw niyang magpahalata na sinusundan niya ang lalaki. Nagsimulang lumutang ang mga paa ng lalaking walang mukha. Nagulat si PJ sa mga sumunod na pangyayari dahil pati siya ay lumulutang na din. Nilabanan niya ang kusang pagkilos ng kanyang katawan subalit nangibabaw ang kapangyarihan ang ulap na bumabalot sa kanyang mga paa.

'Ano bang kailangan mo?!! Bakit ako?! Bakit ang mga kaibigan ko?!! galit na bulyaw ni PJ. 'Magsalita ka!!!'

Nanatiling tahimik ang lalaki. Nagmistulang bingi sa galit na boses ni PJ. Ikinumpas ang kamay. Nawala ang ulap na bumabalot sa paa ni PJ. Naglaho ang lalaki. Ipinikit ni PJ ang kanyang mata. Anumang sandali ay babagsak na siya sa lupa.

'Katapusan ko na!' bulong ni PJ sa sarili.

BLAAGG!!!!

Nahulog mula sa hinihigaan kama si PJ. Panaginip ang lahat. Nagpakita muli ang lalaki. Alam niya sa sarili na may mamatay na naman subalit iba ngayon. Walang iniwang mensahe ang lalaki. Walang babala. Walang pahulaan. Walang detalye kung kailan.


'Mukhang balisa sa tol?' tinapik ni Caloy sa balikat si PJ.

'Marami na kasing kakaibang nangyayari ngayon. Kahit sa pagtulog ko ay binabagabag ako.' matamlay na tugon ni PJ.

'Huwag mo masyadong pakaisipin tol. Minsan kasi tayo ang gumagawa ng sarili nating multo.'

'Paanong hindi ko iisipin? Kaibigan at kasamahan ko sa bahay ang pumanaw sa hindi inaasahang pagkakataon.'

'PJ, naiintindihan kita. Pero hindi na sila maibabalik ng pag-alaala mo. Baka isang araw ikaw na ang sumunod.'

Nabahala si PJ sa tinuran ng kaibigan. Naalala niyang si Caloy ang senyales ng kung sino ang mamatay. Marahil kaya hindi nagsalita ang lalaking walang mukha dahil siya na ang susunod. Nalugmok sa kinauupuan si PJ.


Matapos ang trabaho ay agad na umuwi sa bahay si PJ. Inihanda ang damit, sapatos, bag at towel para sa best of three series ng inter-barangay basketball finals. Tulad nang mga nakaraang laro ay nanatiling maganda ang laro ni PJ. Malakas din ang kalabang team. Kapwa walang talo. Kapwa first place sa kinabibilangang bracket. Sa second half ng laro, ay labis ang naging paghahanda ng kalaban kay PJ, sa bawat sandaling hawak ni PJ ang bola ay nakakasa na agad ang double team. Naging maiinitin ang ulo ni PJ dahil sa nakakasakit na depensa ng kalaban. Ilang beses siyang natawagan ng offensive foul. Minabuti ng coach na pagpahingahin si PJ para mabawasan ang pressure at bago tuluyang masira ang concentration sa laro ni PJ.

Nanatiling tahimik si PJ. Animoy hangin lang na dumaan ang pangaral ng coach. Hindi siya interesado sa mga sinabi nito. Nagmamatigas siya. Ang tangi niyang gusto ay ang ibalik siya sa laro at makaganti sa kalaban.

Tatlong minuto bago matapos ang laro ay muling siyang isinalang sa laro. Lamang ang kalaban. Kumana agad si PJ ng ilang puntos para habulin ang lamang ng kalaban. Bago pa tuluyang makalamang ay muling nakaiskor ang kalaban. Mahigpit ang palitan ng puntos. Matapos ang sablay na tira ng kalaban ay agad na inihagis na kakampi ni PJ ang bola para makagawa ng fast break point si PJ at nakakuha pa siya ng foul na may katumbas na free throw. Sapat ang free throw para itabla ang score.

Marahang tinungo ni PJ ang free throw line. Pinatalbog ang bola. Bago pa man niya naitira ang bola ay nagbalik sa kanyang alaala ang lalaking walang mukha. Anong mangyayari sa kanya kapag natapos ang laro? Magpapakita bang muli ang lalaki para kunin na ang kanyang buhay?

'Bahala na!' wika ni PJ sa sarili. Nagpaikot-ikot ang bola sa ring. Naglabas-masok saka tuluyang pumasok. Naglundagan ang manonood. Tabla na ang laro. Mabilis kumilos ang mga kalaban. Hindi agad nakaalisa sa pwesto si PJ dahil sa pagkabahala sa kanyang buhay. Nakapuntos ang kalaban. Nalasap ng basketbolista ang unang pagkatalo sa liga. Subalit halip na malungkot ay natuwa siya. Hindi nagpakita ang lalaking walang mukha.


Isang matalim na kidlat ang gumuhit sa makulimlim na langit. Nakaririnding kulog at matulis na ulan ang sumunod. Isang anino ang binigyang linaw ng matalim na kidlat. Nagpakitang muli ang mahiwagang lalaki kay PJ. Kumilos ang lalaki patungo sa talampas. Gamit ang liwanag na nagmumula sa kidlat ay pilit na inaninag ni PJ ang detalye ng mukha ng lalaki. Subalit wala pa rin pagkinlanlan dahil nanatiling blangko ang mukha nito.

Muling naulit ang kanyang panaginip noong nakaraang araw. Parehong lugar pareho ang nangyayari. Muli siyang lumutang sa hangin.

'Ano bang kailangan mo?!! Bakit ako?! Bakit ang mga kaibigan ko?!! galit na bulyaw ni PJ. 'Magsalita ka!!!'

Tumigil ang lalaki. Kahit wala itong mukha ay batid ni PJ na pinagmamasdan siya ng lalaki. Siniyasat ni PJ ang kaanyuan ng lalaki. Minasdan niya ang kasuotan. Ang hubog ng katawan. Natigilan si PJ. Hindi siya makapaniwala sa natuklasan.

'Ca-Caloy?! Ikaw?! Bakit?' Hindi makapaniwala si PJ sa natuklasan. Alam niyang si Caloy ang lalaking walang mukha dahil sa pamilyar na pilat nito sa braso at ang wrist band na bigay niya noong nakaraang liga sa trabaho ay nanatiling suot nito.

'May mga katanungan na hindi nangangailangan ng kasugatan dahil sa muli mong paggising ay iyong matutuklasan ang katotohanan.' Mula sa ulap ay nabuo ang isang hagdanan. Unti-unti lumitaw ang bahagi ng mukha ng lalaki hanggang sa tuluyang maging malinaw ang mukha ni Caloy. Ngumiti si Caloy saka humakbang sa hagdan.

'Bakit Caloy? Bakit namatay si Jef? Si Sir Monching?'

Ikinumpas ni Caloy ang kanyang kamay. Nawala ang ulap na bumabalot sa katauhan ni PJ. Kusang pumikit ang mga mata ni PJ bago pa siya tuluyang bumagsak.

BLAAGG!!! Ilang beses na humampas ang katawan ni PJ sa kama dahil sa defibrillators para maibalik ang kanyang heart beat.

'Heart beat is now normal, doc. He's safe!' wika ng nurse matapos ang gamitan ng defibrillator. Ilang sandali pa ay nagbalik na ang ulirat ni PJ. Sa muli niyang paggising ay nakita niya sa kanyang harapan ang nakangiting sina Jef, Monching, Kiko at ilan pang kasamahan. Nagulat siya dahil alam niyang patay na ang mga ito.

'Salamat nagising ka na tol. Isang buwan ka ng coma.' si Jef.

'Isang buwan? Kahapon lang ay naglaro pa ako ng basketbol sa inter-barangay.'

'Ilang beses kang sumigaw. Siguro nanaginip ka lang.'

Tahimik si PJ. Nagpasalamat siyang panaginip lang ang lahat. 'Bakit ako nasa ospital? Si Caloy nasaan?'

'Wala na siya, PJ,' malungkot na pahayag ni Jef. 'Nalaala mo noong nakaraang laro kontra TS1? Nag-inuman tayo nun. Tapos napagkasunduang pumunta ng Tagaytay, dala ng kalasingan nawalan siya ng kontrol sa sinasakyan natin na ikinasawi agad niya at ikinasugat ng iba at ikaw naman ay comatose ng isang buwan.'

Naging madilim ang kaanyuan ni PJ. Naging malinaw ang lahat. Nais lang ni Caloy na gisingin siya sa matagal na niyang pagkakatulog at nais din nito na pahabain ang kanyang buhay sa pamamagitan ng basketbol. Siguro naisip ni Caloy na determinado palagi si PJ na manalo kaya hindi niya hinayaang bumigay si PJ.

'Salamat Caloy.' wika ni PJ.

Umihip ang malakas na hangin. Biglang bumukas ang mga bintana. Humampas ang pinto. Mula sa hinihigaang kama ay nagpakita muli ang lalaking walang mukha. Hindi niya maintindihan kung bakit wala na muling mukha si Caloy. Ipinikit ang kanyang mata sa pagbabakasaling panaginip ang lahat. Kinurot ang sarili. Sa muli niyang pagmulat, si Jef, si Kiko si Moncihng at mga kasamahan ay wala rin mukha. Si PJ lang ang tanging nabuhay sa aksidente.

Muling lumabas ang hagdang gawa sa ulap para sunduin ang lahat ng kasamahan ni PJ.

-fin-


---
yan gee tinapos ko na..hehe

Preview ng next nobela ko.


May kakaiba sa katauhan ni Jo-Anne.
May kakaiba sa katauhan ni Luis.
Paano mabubuo ang isang pag-ibig sa dalawang taong kapwa may itinatago?

aba ewan ko! :lol:

tunghayan ang kwento ng pag-ibig ng isang tricycle driver at ng isang teacher.. :naughty:


yan muna.. basta yan ang preview ng next story ko..

comment naman king interesado kayo.. hindi naman sapilitan ang comment pero papangit ang hindi magcomment..


----

palink naman po ng post ko sa mga social sites nyo.. like twitter, fb, etc. paclick lang ng share button sa ilalim ng bawat post. thanks!