Skinpress Rss

Kalapati


"Kalapati pa din?" Sa lahat siguro ng hayop ay kalapati ang pinakagusto ko. Bukod sa low maintenance hindi sila attention seeker at very loyal. Alam nila kung saan sila uuwi. Minsan nga naiisip ko na para akong kalapati kahit wala na akong babalikan ay pilit akong umuuwi.

"Ngayon lang ulit. Namiss e."

"Samahan kita! Gusto ko din yan. Matagal na din yung huli."



Paano ko ba sisimulan? Wala akong idea. Hindi naman talaga ang kalapati ang namiss ko kundi ang mga panahon na kasama ko si Aya papuntang burol para magpalipad ng kalapati. Gaya noon, maglalakad kami ng mahaba, magkwentuhan bago tumigil sa malaking puno ng santol. Ilang taon din naming ginawa yun.

"Buti nga nakahiram ako. Tara na! Baka mapagod ka ha papunta sa burol?"

"Kaya yan. Exercise din." Game pa din pala si Aya kahit malaki na pinagbago niya noong umalis ng bansa.

Apat ang dala namin. Dalawang puting racing at dalawang popcorn. Nakatutuwang marunong pa din humawak ng kalapati si Aya. Sinilip niya ang isa.

"Babae?" tanong ko tapos ngumiti.

"Oo. Buntis na ito." Napabilib ako sa kanya. Parang hindi sya nawala. Timing ang uwi ko sa Calauan ay dating din niya sa kanila.

"Foor good ka na dito?"

Huminga sya ng malallim. "Sana. Ikaw?" Pinakawalan niya ang hawak na kalapati at pumalakpak ng ubod ng lakas kasunod ang matinis na pito.

Parang nanunulay sa kasiyahan at kawalan ang aking isip. Pagkatapos nito hindi ko na alam ang kasunod. Siguro maghihintay ulit ako.

"Depende." Gusto ko sanang sabihin na depende sa kanya.


"Woh! Namiss ko to!" Pumito ulit sya pagkatapos kong pakawalan ng hawak ko. "Masarap talaga bumalik sa dati."


"Namiss din kita!" Hindi ko alam kung san yun nanggaling. Alam kong hindi sa lakas ng loob. Napabigla siguro.

"Ano?" Sandali natigilan si Aya. Nabigla din siguro. "Alam mo ikaw agad pinuntahan ko. Buti nandito ka."

"May pangako ako di ba? Maghihintay ako."

Wala na sigurong tatamis sa mga salitang gusto kong marinig. Mga salitang naghehele sa aking puso na matagal nang naghahanap ng kalinga. Ng pagmamahal na gusto ko sa isang tao lamang magmula.


"May iniisip ka?"

"Ah e. Iniisip ko lang kung masaya kaya kung may hinihila tayong tali tapos may lalabas na dalawang puting kalapati. Siguro masaya 'yun."

Ngumiti si Aya. Kasunod ang malakas na tawa.

"Malalaman natin. "

Teka pano kami uuwi. Hindi ko tanda ang daan. Hindi bale. Kasama ko naman si Aya.

- wakas-