Skinpress Rss

In Character





"Ms. Agatha!" sigaw pa ni erpat.

"Aba magkasama ang mag-ama? San ang lakad?" puna pa ng dati kong maestra.

"Sisimba. Magbabawas ng kasalanan! Si Greg tanda mo?"

"Syempre! Unang estudyante kong nanalo sa declamation. Napakahusay!"

"San pa magmamana? Parang di mo ko kilala?"

"Mas magaling sayo. Kita mo naman iyong iyak nya parang totoo!"

Nakasout ako noon ng costume ng isang bibi. Tungkol sa isang batang bibi na naiwan ng kanyang ina at mga kapatid sa kanilang pugad. Pumatak ang luha ko pagkabigkas pa lamang ng unang linya. Turo ni Ms. Agatha dapat "in character" para ramdam ng makikinig lalo na ng mga judge.

Sabi erpat, isipin na isang laro ang aking ginagawa upang hindi kabahan. Damhin. Isapuso. Tama laro lamang ang lahat. Ramdam na ramdam ko. Sa buong puso.

Magaling talaga si erpat pero hindi ko gugustuhin magmana sa kanya. Lalo noong nakita ko sila ni Ms. Agatha na naghahalikan noong balak kong humingi ng lakas ng loob bago ako magsimula.

Buti may costume ako. Buti nasa contest ako. Hindi kailangan magpahid ng luha. Manalo o matalo.

-Wakas-