Skinpress Rss

Ang Alaga kong Pusa


image : google
Maikli na ang pisi ni Neil sa kanyang mga estudyante. Minsan na siyang nakapagtaas ng boses dahil sa dami ng hindi gumagawa ng assignment pero wala ding naging epekto. Bilang sa daliri ang kakikitaan ng interes sa pag-aaral.

Upang maibalik ang disiplina, interes at wastong pag-uugali ay nakaisip siya ng kakaibang pakulo na ikatataranta ng bawat estudyanteng tamad. Kinaumagahan ay dala niya ang kakaibang sorpresa sa kanyang klase.

Kinuha muna ni Neil ang atensyon ng bawat isa bago magsimula. "Makinig. Magkakaroon tayo ng isang kakaibang assignment. Dahil marami sa inyo ang hindi makapagpasa sa loob ng isang araw gagawing nating isang Linggo. Sa Biyernes, ang tatlong mauunang magpresent ay may plus 10 sa exam, plus 5 naman sa mga susunod at hindi magpapasa ay may premyo!"

"Ano po ang premyo??!!" sabay sabay na sagot ng mga estudyante.

"Ang mga swerteng estudyante ay may libreng walis, basahan at floorwax. Sa simpleng salita, magiging cleaner. Para mas exciting, hindi tayo maglilinis ng classroom simula ngayon hanggang Byernes. Kaya uuwi tayo ng maaga para kayo ay makapaghanda."

"Baka naman po sobrang hirap niyan, Sir."


"Naku hindi. Sa loob ng apat araw, gagawa kayo ng isang bagay na maaring ninyong ipagmalaki. Bagay na hindi ninyo pa nagawa noon. Napakasimple 'di ba?"

Umugong ang bulungan ng opinyon, kung kanino mangongopya at makikigrupo.

"Ilang po sa isang group?" tanong ni Abby.

"Indiviual. Lahat kayo ay gagawa ng isang simbolo. Saka ninyo ipapaliwanag kapag nasa unahan na kayo. So goodluck. Bawat araw ay hindi ko kayo aabalahin. Uupo lang ako dito. Kung gusto nyo gumawa kayo ng journal para hindi ninyo malimutan."

Umalis si Neil na may ngiti sa labi. Sa wakas ay nakakita siya ng paraan para maging agresibo ang mga estudyante. Alam niyang walang gustong maglinis ng classroom. Sari-saring dahilan kaya murang tambakan ng basura ang bawat sulok ng silid.

Nanatiling tahimik si Pao hanggang uwian. Alam niya sa sarili na mahihirapan siya sa assignment. Bukod sa limitadong pagkilos dahil sa hindi pantay na binti ay salamin pa siya ng kahirapan at may mababang tiwala sa sarili. Sa usap-usapan, kinulang sa bakuna si Pao kaya madali siyang dinapuan ng polyo. Ang kanyang kanyang ama ay paralisado, malabo ang mata at unti-unting ginugupo ng diabetes. Itinatawid mag-isa ng kanyang ina ang kanilang kabuhayan sa pag-aalok ng produkto ng Natasha at kaunting suporta galing sa 4P's o pantawid pamilyang bigay ng gobyerno.

Paano nga ba siya gagawa ng bagay na hindi pa niya nagagawa noon? Hindi naman niya pwedeng sabihin na tinutulungan niya sa bawat araw ang magulang dahil iyon ay natural na obligasyon bilang anak. Nasa kalagitnaan siya ng pag-iisip nang biglang sumigaw ang kanilang kapitbahay.

"Pao! Mapapatay ko ang pusa ninyo! Tinangay na naman ang ulam!" sigaw nito mula sa labas. Sinilip niya si Dumbo sa kusina. Wala naman itong kinakain at wala ding bakas na may inuwi ito mula sa kabila."

"Andito po sa loob si Dumbo. Hindi naman po lumabas."

"Kayo lang naman ang may pusa dito!" galit na wika ni Briget. "Kung hindi ninyo kaya alagaan, itapon n'yo na lang! Bwisit!"

Alam ni Pao na imposibleng magawa iyon ng alaga. Mabagal na itong kumilos dahil sa katandaan at may katamaran na ding gumala. Halos hindi nga tumatayo kapag kumakain. Binuhat ni Pao ang pusa, ikinulong sa hawla ng ibon at nilagyan ng alambre ang lock. Inilagay niya ito malapit sa pintuan na madaling mapapasin ng kapitbahay.

Sa bawat araw na lumilipas ay wala pang nagagawang kakaiba si Pao. Bukod sa limitadong oras para maghanap ng paraan tumulong ay hindi pa siya gusto ng kapitbahay.

Araw ng Huwebes, kinumusta ni Neil ang bawat isa para makapaniguradong epektibo ang pakulo niya. Mabilis naman ang sagot ng mga estudyante.

"Masisipag kayo ah. Magaling. Mukhang walang may gusto ng aking premyo. Sayang bagong bago pa naman ang mga walis!"

"Ready na po kami para bukas!" panimula ni Gian. "Hindi naman po pala mahirap."

"Hindi talaga! Lalo na kung natural na sa atin," sagot ni Neil. "Ikaw Pao? Kumusta?"

"Sisimulan ko na po maglinis mamaya para konti na lang bukas." Nagtawanan ang buong klase.

Napakunot ang noo ni Neil. "Hindi mo yun pwede gawin. Unfair sa ibang hindi gagawa."

Aminado si Neil na bukod sa mahina sa klase si Pao ay madalas pa itong hindi pumapasok. May oras na tampulan ng tuksuhan at hindi palakaibigan. Tahimik lang itong nakakitingin sa kanya tuwing oras ng klase.

Pag-uwi ay naisip ni Pao ipasyal ang ama. Naging mahirap sa kanya ang buong Linggo kaya gusto niyang magkaroon ng sandalan katulad ng dati. Sinimulang itulak ang wheel chair palabas ng bahay. Unti-unting pumatak sa sahig ang magkahalong dumi at kalawang. Sa isip niya ay matagal na nitong hindi nakikita ang paligid. Gusto niyang isama ito sa tindahan na may masarap na spaghetti. Pero hindi niya kaya at hindi din pwede dahil sa diabetis ng ama kaya sa labas na lamang muna sila. Nagkaroon sila ng maikli pero makabuluhang pag-uusap tungkol sa buhay nila at kalusugan.

May assigment na si Pao.

Kusang tumayo si Abby para mag-umpisa. Siya ang presidente ng klase, madalas tanungan ng mga assignments at higit sa lahat paborito ng mahilig mangopya. Hawak niya ang isang panyo na may pinta at pangalan ng isang babae. Naluha pa si bago nag-umpisa. "Bakit nga ba napakahirap humingi ng tawad? Paano nga ba ibalik ang tiwalang nawala?" Ikinuwento ni Abby kung paano sila naging magkaibigan ulit ni Janna na matagal na niyang hindi nakakausap. Nagpapasalamat si Abby sa activity dahil matagal na palang hinihintay ni Janna ang pagkakataon iyon.

"Good job Abby," puri ni Neil sa estudyante. "Who's next?"

Nakita ni Jaren na nakatungo si Pao. Hawak nito ang isang papel na may hindi maintindihang sulat. Sumigaw siya matapos ay hinila ang papel ni Pao. "Si Pao daw po!" Hindi na napigilan ni Pao ang nangyari dahil nakarating agad sa unahan ang kanyang papel.

"Okay sige. Pao halika at ipaliwanag mo itong drawing mo."

Tumayo si Pao habang ang mga kaklase ang ay nagsisimulang ngumiti. May pagtatawanan na naman sila.

"May alaga akong pusa. Hindi siya maganda tulad ng ibang pusa. Walang balahibo ang kanyang buntot. Matanda na at mabagal kumilos. Lagi siyang napagbibitangan ng aming kapitbahay na kinukuha ang kanilang pagkain. Ikinulong ko siya sa hawla ng ibon noong Lunes, hindi pinapakain at hindi pinapainom. Maaring patay na siya pag-uwi ko mamaya."

Napakamot ng ulo si Neil. "Anong magandang epekto ng ginawa mo? Paano nakatulong ang pagkulong mo sa pusa?" Hindi matapos ang tawanan ng mga kaklase sa kwento niya.

"Kahapon, galit na naman ang aming kapitbahay. Nawala ang kanilang ulam kahit may takip na. Itinuro ko ang aking alaga sa kulungan na halos hindi na gumagalaw. Walang palatandaan na kumain at wala ding bakas na lumabas. Mamatay man ang aking pusa, alam ko na malinis ang kanyang konsensya. Hindi siya gumawa ng masama tulad ng ibinibintang sa kanya." Humungot ng buntong hininga si Pao bago nagpatuloy. "Tulad ng aking pusa, handa akong ilayo ang aking sarili sa inyong lahat. Pwede akong umupo sa sulok at harangan ninyo ng madaming upuan. Kunin ninyo ang aking bag at isabit sa hindi ko maabot katulad ng madalas ninyong gawin. Pwede nyo akong kapkapan bago mag-uwian para mapatunayang wala akong kinukuhang gamit tulad ng ibinibintang sa akin. Pumapasok ako para matuto hindi para magnakaw. Magkaiba ang ninakaw, nawala at kapabayaan. May pagkakataong nasa inyo na ulit ang nawala ninyong gamit o kaya naman ay kung susubukang maglinis ay nahulog lang pala sa sahig ang nawalang gamit. Katulad ng aking pusa, hindi dapat hinihusgahan ang tao sa panlabas na itsura, amoy at kapansanan dahil alam kong malinis ang aking konsensya."

Nabura ang tawanan ng lahat. Umupo si Pao at tumungo ulit.

Tumayo si Jaren at pumunta sa unahan.

"Ikaw na susunod Jaren?" tanong ni Neil.

"Hindi po. Kukuha po ako ng walis. Inaamin ko pong madami akong nagawang kasalanan kay Pao. Sisimulan ko na po mamaya na maghanap ng nawala para makatulong kay Pao at patunayan na wala siyang kasalanan."

Ngumiti si Neil. Tagumpay ang kanyang pakulo.

Pag-uwi ni Pao wala na ang pusa sa hawla at pinapakain ng spaghetti ni Briget.

-wakas- 


_______
available pa ang aking book sa mga national bookstore near you!