Skinpress Rss

Upload- Maikling Kwentong Pambata


Isang taon ng magkaibigan ang kapatid kong si Luis at si Eugene. Akala ko noon hindi sila magkakasundo dahil sa magkasalungat nilang pag-uugali. Sa hindi inaasahang pagkakataon, isang pangyayari ang naging dahilan upang maging matalik silang magkaibigan.

Nakatanggap ng isang tablet si Luis bilang regalo sa kanyang kumpil. Simula noon naging ugali na niya ang kumuha ng larawan o video ng mga bagay, pangyayari at lugar na napuntahan niya. Dahil dito nakatanggap siya ng papuri mula sa mga kalaro at kaklase. Naisipan niyang gumawa ng sariling facebook upang makatanggap ng mas marami pang papuri. Pakiramdam niya may kakaibang pakiramdam ang bawat like at share na matatanggap niya.



Dalawang pindot ang kinailangan ni Luis para ipagyabang sa mga kalaro at kaklase ang bago niyang bisikleta. Kinunan niya ng larawan ang sarili habang sakay ng bisikleta at pinakalat agad sa mga nakitang online.

"Ganda! Palike! Pashare!" Iisang mensahe ang sinabi niya kay Fran, Kiko, Timoy at Jolly. Halos hindi mapatid ang ngiti niya sa mga papuring natanggap.

Sinubukan ko siyang pagbawalan sa ginagawa niya dahil nawawala ang atensiyon niya sa pag-aaral subalit nakagawa siya ng paraan upang palihim na mag-online. Naging iba ang kanyang pag-uugali at umabot sa pagkakataong pati ang mga bagay ng hindi naman kanya ay kunwaring regalo sa kanya para lang may palaging ipagyayabang.

Isang sigaw mula sa labas ang tumawag sa aking atensiyon. Pagbukas ko ng pintuan ay nandoon si Kiko. "Ate Jasmin, nandiyan po ba si Luis? Hihiramin ko po sana ang gundam robot niya. Naikwento niya sa akin kanina sa facebook na may bago siyang laruan."

Agad akong napaisip dahil hindi naman kay Luis ang gundam kundi sa bunso naming kapatid. "Wala pa siya. Umalis kanina sakay ng kanyang bisikleta."

"Sige po babalik na lang ako mamaya."

Ilang oras ang lumipas ay nakita ko si Luis na tuwang tuwa habang nanonood sa kanyang tablet. Akala ko ay tulad lamang ito ng madalas niyang pinapanood na palabas. Ngunit napansin kong si Eugene ang kanyang pinagtatawanan. Si Eugene ay ang dati niyang kaklase na ngayon ay madalas makikita sa lansangan. Sa hindi alam na dahilan bigla na lamang itong naging palaboy. Isang video ang pinakalat ni Luis habang tumugtugtog ng rondalya. Hindi maganda sa pandinig ang ginagawang pagtugtog ni Eugene. Madali para kay Luis ang kutyain at pagtawanan si Eugene sa dahilang dati siyang miyembro ng rondalya sa kanilang eskwelahan.

Sa bawat araw, napapansin kong mas matagal ang oras na iginugugol ni Luis sa paggamit ng internet. Unti-unti na rin nawawala ang interes niyang makihalubilo sa ibang bata. Kapag may mga okasyon madalas ay hindi na siya sumasama at mas gugustuhing batiin na lamang ang mga kakilala gamit ang internet.

"Ate, kaninong aso iyon? San galing?" tanong ni Luis pagkauwi galing eskwelahan.

"Sa akin. Bigay ni Ninong Chito dahil hindi na nila maalagaan."

Makalipas ang ilang sandali, nakita ko na lamang na kausap niya ang mga kaklase na mayroon siyang bagong alagang aso. Kasunod nito ang ilang larawan na kunwari ay pinakakain niya ang alagang pinangalanan niyang si chow-chow.

Nag-iwan pa siya ng mensahe sa kaklaseng si Kathryn. "Bukod sa paborito mong EXO, paki-like na rin ng alaga kong aso."

Noong una naman ay ginagamit niya ang internet sa paghahanap ng proyekto o asignatura. Natutuwa pa nga noon si Lolo dahil sa pinapakita niyang pagpupursige kahit walang gabay. Minabuti kong tanungin siya at ng maibalik ang dati niyang sigla sa pag-aaral.

"Napapansin kong nitong nagdaan ay tila iba ang iyong pag-uugali. Pati si Eugene ay ginawa mong katatawanan."

"Mayabang kasi si Eugene. Noong kaklase ko pa siya lagi niya akong ipinapahiya. Ang mga tanong ng guro na hindi ko masagot ay nasasagot niya. Tapos pagtitinginan na lang ako ng aming mga kaklase habang pinupuri siya."

"Bakit kailangan mong gumanti? Pwede mo namang balewalain na lang at mag-aral kang mabuti. Hindi naman siguro sinasadya ni Eugene na mapahiya ka."

"Mayabang talaga siya! Kung mabait siya tuturuan niya ako. Nagkakataong nalilimutan ko lang ang sagot dahil kinakabahan ako! At saka wala naman akong masamang ginawa noong kinuhanan ko siya ng video. Totoo namang pangit siyang tumugtog. Naging matapat lang ako kesa magkunwari akong maganda siyang tumugtog kahit hindi naman."

"Respeto. Matuto tayong igalang ang pribadong buhay ng iba. Nagpaalam ka ba sa kanya? Matutuwa ka ba kung sayo gawin? Paano kung makita mo na lamang na may picture ka habang inaapi ka o nakangangang natutulog sa klase? Hindi lahat ng bagay ay kailangan mong ilagay sa internet. Iniisip mo dapat kung makakasama ito o hindi."

Humahangos na dumating ng bahay namin si Eugene isang umaga. Kailangan daw ni Luis ng tulong. Hindi ko siya maintindihan kaya pinakalma ko muna siya. Binigyan ko siya ng tubig saka sinimulan ang kwento.

Naglalakad si Eugene nang mapansin niyang kumukuha ng mga larawan si Luis. Kapansin-pansin daw dito na hindi nito tinitingnan ang kanyang nilalakaran. Akmang bibigyan ng babala ni Eugene sa ginagawang estero si Luis subalit huli na at tuluyan ng nahulog sa butas.

Laking gulat ni Luis na ang taong kanyang kinukutya ay ang tutulong sa kanya. Inalalayan siya nitong makaakyat mula sa butas. Sinubukan niyang tumayo mag-isa ngunit nawala siya sa kanyang balanse. Pinulot ni Eugene ang tablet at iniabot sa kanya. Maya-maya pa ay kinarga siya sa likuran ni Eugene papuntang ospital.

Ikinuwento rin sa akin ni Luis ang mga pangyayari kung paano siya tinulungan ni Eugene. Labis ang kahihiyan at nanliit ang tingin sasarili. Gusto niyang magpasalamat subalit hindi niya alam kung paano.

Nakaupo si Luis habang hinihintay ako sa pagbabayad nang mapansin niya ang pamilyar na pangalan na nakadikit sa pintuan ng isang kwarto sa ospital. Sinubukan ni Luis tanungin ang nars na lumabas sa kwarto.

"Ate ano po ang sakit ni Aling Meling?"

"May bara ang ugat ng kanyang puso." sagot ng nars.

"Malubha po ba siya? Ano ang dapat gawin?"

"Kailangan siyang maoperahan at malaking pera ang kailangan. Nakakaawa. Umabot na sa puntong namamalimos na sa lansangan ang kanyang anak."

"Pwede po bang pumasok?" Tumango ang nars at agad akong hinila ng aking kapatid.

Nilabas niya ang kanyang tablet at kinuhanan niya ng video si Aling Meling. May malaki at maliit na tubong makakabit sa katawan ng ina ni Eugene. Ito marahil ang dahilan kung bakit nahinto sa pag-aaral ang bata.

Isang pambihirang pangyayari ang ginawa ni Luis pagkauwi ng bahay. Nakita kong magkasama ang dalawa habang tumutugtog ng rondalya. Ipinakita ni Luis ang tamang pagtimpla, tipa at tyempo. Pinagsama-sama niya ang pagtugtog ni Eugene, ang larawan ng inang nakaratay at ang mensahe ng panawagan. Sinimulan niyang ipakalat sa mga guro at mga kakilala.

"Ate, ano nga pangalan ng sekretarya ng barangay?"

"Si Dorris? Dorris Arguil."

Hinanap niya si Dorris pati na din ang aming Kapitan. "Kailangan niya ng libro, instrumento at tulong. Paki-like! Paki-share."

Unti-unting nagbunga ang ginawa ni Luis. Marami ang nagdasal, tumulong at nanawagan sa maagap na operasyon. Lumipas ang ilang buwan at tuluyang naoperahan si Aling Meling. Hinihintay na lamang namin ang tuluyan niyang paggaling. Sa susunod na pasukan ay makababalik na si Eugene sa pag-aaral.

Higit sa lahat, natutunan ni Luis na ang tunay na pagkakaibigan ay hindi nasusukat sa dami ng like o share, materyal at estado. Napatunayan niyang mas masarap sa pakiramdam na magkasamang tawanan ang kanilang pagkakamali.

-wakas-



lahok sa Saranggola blog awards 6