Lumang tanawin na sa paligid ng simbahan ang makapal na bilang ng tao tuwing araw ng Linggo. Hindi mabilang ang deboto't tindero na nagdadasal upang makatanggap ng biyaya sa parokya ng Santo Rosaryo.
Pauwi na si Mik nang mapansin niya ang batang hindi natitinag sa init ng araw at alikabok ng lansangan. May hawak pa itong manipis at upos na kandila. Napagdesisyunan niyang lapitan ito at kausapin. Madungis ito at may kapayatan. Makatawag pansin ang hindi pa natutuyong luha sa paligid ng kanyang mga mata. Bagay na hindi karaniwan sa mga batang namumulot ng basura.
"Mukhang may dinadamdam ka. Bukas pa ang simbahan, may pari pa doon."
"Madumi ang aking damit. Sa ibang araw na lamang kuya." Mailap ang sagot ng bata. "Naghihintay lamang ako ng mga bibitawang plastik ng mga nagsimba."
"Sabi ni Padre, may mga bagay na kaya nating itago sa pamamagitan ng salita pero hindi kayang ipagsinungaling ng ating mata. Samahan mo ako sa bahay. Ihahanda ko ang mga boteng hindi na ginagamit sa kusina. Anong pangalan mo? Ako si kuya Mik."
"Bugoy. Hindi ko alam ang totoo kong pangalan."
Naglakad ang dalawa ilang kanto mula sa simbahan. Tinipon nila sa kariton ang pwedeng pakinabangan ni Bugoy.
"Hindi naman namimili ang simbahan. Kahit sino o ano ang itsura ay tanggap sa loob. Noong unang pumasok ako ng simbahan ay wala akong tsinelas. Matigas kasi ang ulo ko kaya naisipan kong lumayas. Ngayon isa na akong sakristan."
"Kahit ang hiling ko ay mawala na ang aking magulang? Pakikinggan ba ang hiling ko? Lagi nila ako sinasaktan."
Napailing siya. "Bakit hindi mo hilingin ay ang pagbabago nila?"
"Noong pumapasok ako ng simbahan laging iyan ang aking dasal. Hindi yata ako nadidinig. Siguro dahil madaming nagdadasal sa loob. Baka mapapansin na ako kung nasa labas."
"Nadidinig ka Niya pero alisin mo ang galit sa puso mo."
Mabigat ang paa ni Bugoy pauwi. Walang masayang dahilan upang umuwi ng bahay. Pagod ang kanyang katawan sa pamumulot ng basura. At alam niyang walang magtatawid ng kalam ng sikmura sa tinatawag na tahanan.
Paupo pa lamang si Bugoy nang may tumamang matigas na bagay sa balikat niya. "Ano na namang inatupag mo? Hindi mo kailangan mag-aaral! Mauubos lamang ang konting kita at hindi mo din pakikinabangan."
"Napulot ko lang po ang mga yan, inay," depensa ni Bugoy sa pinulot na lapis at papel.
"Nakikita mo ang kapitbahay? Nag-aaral pero sinisigawan ang magulang. Ganun ang matutunan mo sa paaralan!"
"Gusto ko lamang po matuto bumasa at sumulat."
"Ngayon iyan ang gusto mo. Sa susunod uniporme, sapatos at kung anu-ano pa. Tapos pupunta dito ang guro mo at ipamumukha sa akin ang mga kakulangan. Magiging komplikado ang lahat."
Hikbi ang naging sagot ni Bugoy habang nakatingin sa kanyang amang lugmok sa kusina na yakap ang bote ng alak Bata pa siya pero naiintindihan na niya ang lahat ng sinabi ng ina. Niyakap niya ang batang kapatid na kanina pa umiiyak at naghihintay ng kanyang pagdating. Inabot niya ang kapirasong tinapay na bigay ni Mik.
Sa bawat araw si Mik ang takbuhan ni Bugoy tuwing may pangungutya mula sa ibang bata at sakit na natatamo sa magulang.
"Siguro masama akong anak kaya pinarurusahan."
"Bata ka pa talaga. Ganyan din ako mag-isip dati. May mga bagay na hindi talaga natin maiintidihan. Nasa atin na lamang kung paano ito tatanggapin."
"Pag-uwi ko kahapon, umiiyak ang aking kapatid. Gutom at hindi man lang nasayaran kahit ng tubig ang bibig. Bata pa siya at hindi pa nagsasalita. Hindi ko alam kung ilang taon na. Basta alam ko, kaarawan niya isang araw bago ang pista."
"Maging kuya ka sa kanya. Kahit sa gabi maglaan ka ng oras makipaglaro. Dumaan ka palagi dito para sa libreng biskwit. Pagsaluhan ninyo."
Kakaiba ang sumalubong kay Bugoy pag-uwi ng bahay. Ang dating maingay na anyo ng kanyang ina ngayon ay tahimik na nakahandusay sa sahig at tila walang buhay. Nagdalawang-isip pa siya bago kumilos. Winasak niya ng gilid ng kariton at isinulong ang kanyang ina papasok. Wala siyang ibang pupuntahan kundi ang nag-iisang nakakaunawa sa kanya.
"Kuya! Tulungan mo ko! Tulungan mo ang aking ina!" sigaw niya sa labas ng bahay nina Mik. "Kuya Mik!"
Nakaluhod na si Bugoy bago nadinig ni Mik ang sigaw mula sa labas. Tumawag siya ng tulong. "Mataas ang lagnat niya. Bugoy! Saan ka pupunta?" Bigla na lamang tumakbo ang bata palayo.
"Hihingi ng tulong!" Hindi maintindihan ni Bugoy ang kanyang sarili. Galit siya sa kanyang ina pero hindi niya mapigilang umiiyak. Ramdam niya ang pagbagsak ng luha sa kanyang balikat.
Ngunit ang iniisip niyang lalapitan ay sarado ang pintuan. Ang simbahan. Makailang ulit niyang kinatok ngunit walang tugon mula sa loob. Malalim na ang gabi.
"Sabi ni kuya Mik bukas ang simbahan para sa lahat!" sigaw ni Bugoy. Pikit mata siyang sumandal sa pintuan. "Kung sino Ka man po na nasa taas, alam kong nadidinig mo ako. Hindi na ako mananalangin ng para sa akin, pakiusap pagalingin Mo po ang aking ina." Tumingin siya sa pinakamaliwanag na tala sa langit. Lumuhod at humingi ng tawad. "Alam ko pong mali ako. Patawarin n'yo po ako. Hindi ko po gustong mawala ang aking ina. Pinipilit kong maging mabuting anak para sa kanila. Kahit mapagod ako basta makita ko lang silang nakangiti."
"Makapangyarihan ang dasal, nasa loob o sa labas ka man ng simbahan. Tama ako nandito ka."
Isang pamilyar na mukha ang lumitaw. "Kuya Mik!"
"Alam mo bang matagal na palang may sakit ang iyong ina?" Umiling si Bugoy. "Ikaw nga agad ang unang hinanap pagkagising niya. Humihingi siya ng tawad habang umiiyak. Hindi niya kinakitaan ng pagbabago ang iyong ama kaya pinilit ka niyang magtrabaho. Kahit mali, gusto lamang niyang maging malakas ka. Sana mapatawad mo daw siya. Mahal na mahal ka niya."
"Natakot ako. Iniisip kong kukunin ang aking ina."
Ginusot niya ang buhok ng bata at umupo sa tabi nito. "Alam mo ang pinakamaganda sa lahat?"
"Ano po?"
"Nandoon ang iyong ama. Binabantayan ang iyong ina. Dininig ka na ng langit."
<-------------wakas--------------> -------------wakas-------------->