Skinpress Rss

Throw Back - Maikling Kwento


image credit to belle
"Oh, ano na? Jean!"

"Parang hindi lang ako makapaniwala, bata pa ako nun, inosente at padalos-dalos. Sinong mag-aakala na ang katabi ko ngayon ay ang lalaking naghula ng number ko nine years ago?"

"Ibig sabihin may pag-aalinlangan ka?"

"Wala. Masyado lang mahiwaga."

Magical. 'Yun siguro ang perpektong salita para ilarawan ang aking buhay pag-ibig. Tipong inakala ko na bunga lang ng kapusukan at sinamahan pa ng pa-tweetums na kaharutan.


Isang araw ng sabado noong January 2005, isang tawag sa telepono ang bumura sa aking pagkainip. Hindi ko mapigilang kiligin dahil sa wakas nagparamdam na ang hinihintay.

"Neil, kanina ka pa namin hinihintay, andito kame sa third floor sa may bilyaran," bungad ko.

"Ah Miss, hindi ako si Neil. I'm JM."

"Naku Neil puro ka talaga kalokohan! Pumunta ka na dito. Wag kang pa-special!"

"Hindi talaga ako si Neil. Hinulaan ko lang ang number mo at tyempong may sumagot. Pansinin mo last two digits lang ang magkaiba sa number natin."

Napakunot ang noo ko. Isa lang mokong na gusto akong pagtripan dahil wala makausap sa Sun. "Kung hindi ikaw si Neil, Bye!"

Matapos kong tapusin ang usapan, may text message pang pahabol. "Add mo ko sa friendster!"

Hindi ko na pinansin ang message ni JM. Una, baliw na baliw ako kay Neil noon. Buong akala ko ay may gusto siya sa akin kaya madalas siya tumabi sa akin sa upuan. Feeling ko lang pala 'iyon. Pangalawa, maangas ang dating ng lalaki. Ayoko sa mga lalaking mataas ang tingin sa sarili. Pangatlo, wala akong load.

Nakatambay ako sa computer shop sa may Perpetual nang biglang magpadala ulit si JM ng email address. Paulit-ulit. Makulit. Nagpupumilit. May smiley. Medyo wrong timing pero naisipan kong silipin ang friendster account ni JM baka sakaling ma-divert ang inis ko sa iba dahil sa hindi na naman pagsipot ni Neil.

"Jean, sino 'yan?" usisa ni Cheska. "Cute siya!"

"Wala," sagot ko.

"Huy! Ngiting ngiti ka! Sino 'yan! Huwag mong solohin!"

Kinuha ko ang aking cellphone sa bag at pasekretong sumagot sa message ni JM. "Na-add na kita. Cute ka daw sabi ng friend ko."

Muntik kong mabitawan dahil sa kilig ang cellphone nang tumunog ito. "See. hindi ako si Neil. Ako si JM ang John Lloyd ng Sta. Rosa."

"Nasabihan ka lang ng cute, nagyabang ka na. Inadd lang kita para matigil ka. Ah please lang wag mong banggitin ang pangalang Neil, nababadtrip ako."

"Ngayon pa ako titigil? Anong essence ng friendship kung di mag-mamaterialize. Malay mo, matulungan kitang makalimutan si Neil."

"Sabi sayo wag mo ng babanggitin si Neil! Bakit kailangang maging concern? Hindi kita kilala!"

"Hayaan mo, next time naka-Red Cross shirt ako. Para kapag tinanong mo ulit ako kung bakit ako concern, idadahilan ko ang health mo. High blood ka agad e!"

"Bye!"

Hindi naman ako galit. Hindi ko na mapigilan ang kilig. Ako pa naman yung tipo ng babae na madaling mawala ang inis. Maganda pa ang kanyang boses na tipong pwede kong pagkakitaan kung isasali kong declamation contest. Isa pa, nangungulit na din sa pag-uusisa si Cheska kung sino ang kausap ko.

"Gurl, bakit ang taray mo? Sino ba kausap mo?" pangungulit ni Cheska.

"Siya!" itinuro ko ang lalaki sa friendster gamit ang nguso ko.

"Pakilala mo na lang sa akin kung naaasar ka! Sayang 'yan, cute pa naman." Hindi ko nagustuhan ang pakay ni Cheska. "Teka lang, huwag mong i-shutdown!"


Aminado akong medyo mapusok sa mga taong mabiro. Sinusulit ko ang pagiging teen. Kahit toxic ang course kong nursing, may extra time na naka-allot kay JM. Suntok sa buwan lang kung magkikita kami. Basta may naramdaman akong kakaibang feeling.

"Jean, sa sabado may family gathering kame sa Cavite. Kung interesado ka at walang gagawin baka gusto mong makipagkita."

"Pwede lang ako after class. Sa SM Bacoor para diretso na ako uwi."

"Sige. Puro kasi oldies ang kasama ko para makakita naman ako ng maganda."

Wala naman talaga akong klase, gusto ko lang maging maganda kapag nagkita kami ni JM. Kulang ang kalahating araw para magmukhang dalaga dahil madalas akong pagkamalang bata.

Isinama ko si Cheska sa SM. Aba mahirap na baka matangay ako sa kung saan. Nakita ko na naman thru webcam si JM kaya madali ko siya mamumukhaan. Siguro ako mahihirapan niya makilala, jive kasi yung dilim sa kulay ko.

"Ang gwapo. Mukha akong julalay." Nagdahilan muna ako kay Cheska na pupunta sa CR para masolo si JM.
Hinintay kong makalampas si JM bago ko ito kinilabit mula sa likuran. Pinagpawisan ako ng malamig.

"Ah hi! Saan ang lakad niyo dito sa Cavite?" tanong ko.

"Actually, wala naman talagang gathering. Wala din akong kasama. Gusto lang talaga kitang makita. Sorry."

Siguro isang milyong butterfly sa stomach ang nararamdaman ko noon. Gusto kong mawalan ng malay. Gusto kong tumalon at yakapin ang taong nasa harapan ko. Hindi ko maintindihan kung bakit may ibang pakiramdam sa taong una ko pa lang nakita. Siguro sa bawat buka ng bibig, bawat lumalabas na salita, bawat kumpas ng kamay, bawat galaw at higit sa lahat ang matang nakatutunaw. Siguro. Hindi ko alam.

"Bakit parang ang tahimik mo?" tanong ni JM. "Madaldal ka naman pag kausap kita sa telepono."

"Nahihiya kasi ako mukha akong katulong. Akala ko kasi magdrop-by ka lang. Kung sinabi mo nag-gown sana ako." pabiro ko.

"Sa totoo lang, nagpunta talaga ako dito para personal na sabihin na gusto kong manligaw. Siguro masyadong mabilis, wala sa timing at presko. Kasi lately hindi ko na maintindihan ang nararamdaman ko. Nakakalito lang. Sa isip ko may tanong kung posible bang mainlab sa taong hindi ko pa nakikita. Kaya nandito ako. Sa harap mo. At nasagot na. I'm inlove."

Water please! Tissue! Arinola! Gusto ko maihi. Bakit ba hindi namin naisipan maupo!

Bakit kulay kape ako? Hindi ko tuloy maitago na namula ako! Gusto ko sana isagot kay JM na pareho kami ng nararamdaman pero pinigilan ko muna. Pakipot epek? Hindi. Aba, hindi biro ang layo ng Laguna at Cavite at pareho pa kaming nag-aaral. Seventeen pa lang ako at hindi pa pumapasa sa Algebra para dumanas ng multiple heartbreak.

"Hindi mo ko mapapasagot. Bato ang puso ko. Saka may password."

"Talaga? IT ang course ko pwede ko i-hack. I will give you two weeks para sagutin ako at kapag hindi nangyari yun hindi na kita gagambalain."

Lakas ng tiwala sa sarili. Porke gwapo, maganda ang smile, maputi at maganda ang labi, pakiramdam niya napansin ko na siya. "So goodbye in two weeks. Masyado tayong seryoso. Let's enjoy the day muna."

Lumulutang akong pumapasok sa classroom. Ang hirap labanan ni kupido. Masyado siyang naki-cooperate kay JM. Wala pa yatang two weeks e bibigay na ako buti napaabot ko.

"Natanggap mo ba yung regalo ko?"

"Alin?"

"Nasa labas sa may gate."

Sino ba naman ang hindi duduguin sa kilig. Naobvious yata sa friendster ko na favorite ko si Snoopy. Andun yung malaking laruan sa labas, bitbit ng gwapong kausap ko sa telepono.

"Two weeks na. Tayo na ba?"

"Hindi." May toyo ako noong oras na iyon. Pinatay niya ang telepono. Wala talagang text. Tumalikod siya. Uuwi na siguro. Sayang iyong Snoopy. Pati na din yung lalaking may dala nito.

Tinawagan ko siya. Lumapit ako sa gate. "Oo. Tayo na. Huwag mo kasing bibiglain ang babaeng may regla."

February 7, 2005 yun pero sabi niya baguhin daw namin sa 12 yung date ng monthsary namin. Pangit daw kasi yung 7. Pumayag na ako kasi date lang naman iyon.

"Huwag ka ngang masyado dumikit sa akin!"

"Bakit?"

"Gwapo mo kasi! Baka pintasan ako ng makakakita sa akin!" Takot ako sa karma dahil madalas akong mang-asar ng mga tropa ko na may magandang gf. Ayun tawa siya ng tawa at lalo pang hinigpitan ang hawak sa akin.

Tumutulo pa ang laway ko sa pagtitig kay JM nang bigla siyang tumahimik. May aaminin daw siyang sekreto. Bigla akong kinabahan. Hindi ako pwede sa biglaan. Madaming pumasok sa isip ko. Para akong batang inagawan ng lobo at pinaputok pa sa harap ko. May sikreto pala sa likod ng two weeks. Aalis siya. Magbabakasyon sa Mama niya sa Japan.
Iyon ang una at huling beses akong pinaiyak ni JM.

"Maikli lang naman ang 3 months. Magkikita na ulit tayo."

"Hindi 'yon e. Wala ka sa 18th birthday ko. Kasama ka na sa mga plano ko. Akala ko ikaw na iyong gift sa birthday ko! Aalis ka naman pala."

"Babalik ako. Pangako."

Ilang oras akong nakatingala sa madilim na langit. Pakiramdam ko hopeless na ako. First time kong nagmahal at wala pang isang buwan ay naranasan ko na agad masaktan. Ang harsh naman pala ng love!

Pinandigan ni JM ang pangako niya. Walang araw na hindi niya akong tinatawagan kaso lumubo ang bill niya kaya naging limitado ang aming pag-uusap. Sa gabi na lamang kami nakakapagkamustahan. Kahit sa webcam nakakatunaw pa din ang kanyang smile!

Malungkot ang birthday ko. Wala si JM. Nasunugan kami ng tindahan, nalubog sa utang at higit sa lahat
imposible na akong makapag-aral. Gusto ko sanang sabihin kay JM ang lahat pero naisip ko na nandun siya para magsaya at hindi para mamoroblema.Pareho pa din naman kaming bata para pasanin ang lahat.

Nagpaalam ako kay Cheska na hindi na ako tutuloy sa pag-aaral ng nursing. Siguro kung papalarin, next year nalang ako papasok at magshift nalang ng course. Nalaman ko lang na binayaran ni Buboy ang kulang ko sa tuition. Naikwento pala ni Cheska at kinantyawan si Buboy na hindi na makikita ang kanyang kinahuhumalingan. Nanliligaw kasi siya sakin nung mga time na yun pero hindi ko napagtutuunan ng pansin. Tinuloy ko ang pag-aaral at dahil na rin sa bait at utang na loob ay sinagot ko si Buboy kahit kami pa ni JM.

Sinubukan kong kausapin si JM pero pinanghinaan ako ng loob. Nag-iwan nalang ako ng message sa friendster at inamin ko ang lahat. Simula noon hindi ko na binuksan ang friendster account ko dahil takot akong malaman ang sagot. Alam kong mali ang ginawa ko. Hindi ko alam kung bakit ako nasasaktan kahit alam ko namang ako ang may kasalanan.

Makalipas ang isang buwan, nalaman kong napahaba ang kanyang bakasyon dahil wala naman siyang babalikan. Nalaman ko rin na pinagbawalan na ni Buboy na makipag-usap sa akin si JM dahil buntis na daw ako.


Naging roller coaster ang relasyon namin ni Buboy pero pinili kong magstay. Hindi ko na ginulo si JM hanggang sa maisipan kong tawagan ang number niya. Nag-ring. Nasa Pilipinas na siya. May dapat pa kaya akong ayusin? Binuksan ko ang friendster, napalitan ng selos ang aking excitement. May girlfriend na si JM.

Dinurog ko ang aking sim card. Hindi ko na binuksan ang aking friendster account at pinutol ko na ang kahit ano pang paraan para ako'y kanyang macontact. Tama lang siguro na sumakay ako sa kasinungalingan ni Buboy na buntis ako. Para wala na akong nasasaktan.

Kinausap ako ni Mama na hindi bilang ina kundi bilang babae. Kung tutuusin maaari naman daw akong mamili o walang piliin. Bata pa ako at maaring naattract lang sa itsura at ugali ni JM at Buboy. Nasa akin daw ang pagpapasya. Hiling lang niya ay makatapos ako ng nursing.

Natupad ko ang hiling ni Mama. Nakatapos. Nagkatrabaho. Nakalimutan ko na ang mga taong minahal at sinaktan ko. Tinapat ko si Buboy na hindi ko siya kayang mahalin kahit ayaw niya akong bitawan. Hindi nagtagal nagkusa na siyang bumitaw.

Nakilala ko si Cris sa St. Martin. Pareho kaming trainee sa ospital kaya kami lagi ang nagkakantyawan. Madalas ko siyang lokohin dahil sobrang ganda ng girlfriend niya kahit hindi naman siya gwapo at may kapandakan. Ang matindi pa siya ang hinihintay sa oras ng uwian.

Inadd niya ko sa facebook. Laking gulat ko na common friend nila ng girlfriend niya si JM. Makalipas ang apat na taon hindi ko akalaing may mag-uugnay pa sa amin ni JM. Sa takot na maungkat ang ginawa kong kapalpakan, dinelete ko si Cris sa facebook.

Mas lumiit pa ang aming mundo nung nagbirthday si Julie. Nagpost ako ng birthday greeting sa wall niya. Matapos kong i-hit ang enter, lumitaw din ang pagbati ni JM. Bestfriend pala ng girlfriend ni Cris si Julie. Anak ng butete!

March 11, 2011 katatapos lamang ng lindol sa Japan na may kasamang tsunami. Nakatutok si Mama sa TV nang dumating ako ng bahay na para bang may apektado siyang amiga. Nakahawak pa siya sa dibdib at tila hirap huminga.

"Ma?" tanong ko.

"Anak, 'di ba yung nanay ng ex mo ay nakatira sa Japan? Kamustahin mo nga."

"Nanay ni JM. Sige message ko sa ym."

Nag-open ako ng laptop. Hindi online si JM. Nag-iwan na lang ako ng message."Uy JM kamusta? ang mommy mo, okay lang ba? Di ba sila naapektuhan ng lindol at tsunami? Tinatanong kasi ni Mama."

Anak ng tokwa! Online pala siya, naka-invisible lang. Biglang bumilis ang tibok ng puso ko. Kinabahan. Ganun pa rin ang impact. Same intensity. Para na rin akong na-tsunami.

"Uy Jean, musta na? thanks sa pag aalala ah, buti pa mama mo eh hehe. nweiz nasa pinas na sila mommy for good na. last year lang umuwi ikaw musta?"

Yung maikling kumustahan humaba ng humaba hanggang sa maging kwentuhan. Hiwalay na pala sila ng girlfriend niya three months ago na. Sabi ko ayusin niya baka may pag-asa pa. Nagpaalam na ako at nagpasalamat sa oras niya.

June ng muling magparamdam si JM. Gusto niyang makipagkita pero tinanggihan ko siya dahil mayroon akong schedule ng interview sa pinag-aapplyan ko ng trabaho. Sa pangungulit niya, pumayag ako na i-set sa first week ng July.

As usual late ako. Gusto kong maging maganda sa muli naming pagkikita. Alam ko bata pa ako noon, pa-tweetums at madaling kiligin pero ngayon nakakapagtakang same pa rin ang feeling.


Bumaba ako ng jeep saktong nabuhay ang fountain ng SM. Nagkatawanan pa kami habang papalapit ako sa kanya. Dramatic. Parang pelikula. Mabagal. Siksikan pero siya lang ang malinaw na nakikita ko.

"Kanina patay 'yan. Sumindi lang nung dumating ka."

"Sorry late ako."

"Ayos lang. Naeexcite nga ako. Ano? Itutuloy na natin?"

Tumango ako.

Unti-unti, binalikan namin ang mga lakad na hindi natuloy. Ang mga bagay na hindi namin nagawa. Ang sayang naudlot at ang pag-asang may muling mabuo.

"Start na ng duty ko mamaya. Salamat sa oras!"

"Panggabi? Sunduin kita bukas."

"Bakit? Anong bang special bukas?"

"Wala naman. Sunduin lang kita kasi malamang late ka na makakauwi."

Nabadtrip ako kay JM. Naputol ang kilig. Birthday ko bukas at tila hindi niya natataandaan. Sabagay, wala nga naman special bukas. Pumatak sa unang araw ng training ko sa ePLDT ang birthday ko.

Nakalabing-anim na yata akong hikab pagkatapos ng trabaho. Ang mga kasama ko yata ay kamag-anak ng mga bampira, wala man lang antok na ininda.

Alas dos na ng umaga nang lumaki ang singkit kong mata. Si JM biglang nasa harap ko na. Kumakanta. May koryo. May bulaklak pang dala.

"Will you be my girlfriend, again?"

Tumango ako. Yumakap


Siguro iyon ang namiss, nagustuhan at minahal ko kay JM. He never fails to make smile. To feel like a queen and be special. Ang higit sa lahat, minahal niya ako ng walang tanong at alinlangan. Kung ano ako lang..

"Naiinip na si father, sumagot ka na daw," basag ni JM sa pagmomoment ko. Hanggang ngayon, kinikilig pa din ako.

"Opo, padre. Tinatanggap ko si JM bilang kabiyak," sagot ko.


-wakas-