Skinpress Rss

Cum Laude


image from imfunny.net
Masaya sa karaniwan nitong itsura ang kalye ng Doromal. Tensyonado ang mga tindera ng palamig at banana cue na kadalasang nagkukuwentuhan pa habang nagsusukli. Aligaga ang lahat sa kapal ng taong nagtipon sa plaza. Ang hindi lamang pumasa ang nakasimangot sa araw ng graduation.

"Kumusta ang balik-bayan?" bati ng isang lalaking hindi ko matandaan ang itsura. Isang buwan na din ako dito pero hindi ko pa siya napapansin.

"Sobrang saya po! Graduate na po kaming lahat," pagmamalaki ko." Sa Antipolo lamang po ako galing hindi naman po ako balik-bayan.."


"Oh ibang bayan naman iyon! Ha! Ha! Ha!" Malaki ang kanyang ngiti kasunod ang tapik sa aking balikat. "Gumawa kayo na balita, otoy. Bihira ang pagkakataong ganito sa atin. Mantakin mong sa inyong pamilya nanggaling ang pinakamatalino sa lahat nag nag-graduate. Ipinagmamalaki kayo ng ating bayan." Ngumiti siya sa aking lola bago tuluyang namaalam.

"La, sino iyon?" tanong ko naman agad.

"Ay naku! Ano ka ba naman? Si Meyor 'yon! Iyong sinasakyan natin ay kanila." Napailing na lamang ako at napangiti.

"Antagal ko na pala talagang hindi umuwi."

Convoy ang mga sasakyan pauwi. Dumaan muna sina tatay at bunso sa munisipyo para parangalan at mag-selfie. Dumerecho naman kami ni lola pauwi ng bahay upang maghanda ng makakain.

"Apo, ano bang tinapos ni bunso?"

"Mechanical Engineering po. Pare-pareho po kami nina tatay. Naku huwag na huwag n'yo pong tatawaging bunso si Jovan. Sisimangot 'yon! Medyo sensitive kasi masyadong bata daw pakinggan."

"Ang arte pala ng batang iyon. Buti naman dito ninyo naisipang maghanda."

"Gusto po ni tatay, bukod sa maluwag eh hindi niya na kailangang iligpit ang gamit sa talyer."

"Sa madaling salita, ayaw maglinis."

"Tumpak, La."

"Walang pinagbagong si Roberto."

"Obeth, lola. May H."

"Naku. Alam ko na kung kanino nagmana si bunso."

"Mismo. Natatawa nga sa kanila si nanay."

"Doon mo na dalhin ang bitbit mo sa gitnang kwarto. Bakante naman iyon. Ipinalinis ko na."

Hindi muna ako kumilos pagkautos ni Lola. Inakit akong maupo ng lumang bangko na madalas kong tulugan noong ako ay bata. Tanda ko pa, madalas ko iyong buhatin sa may lilim ng malaking puno ng sampalok upang gawing higaan.

"Hindi ka na kasya d'yan. Mahuhulog ka na."

"Buo pa pala po iyan."

"Antigo na ang mga bagay dito. Parang ako."

"Hindi naman halata. Hindi man lang kumukupas ang ganda."

"Kaya paborito kita e. Hindi ka nagsisinungaling."

"Lola's boy e."

"Baka gusto mo munang magpahinga. Ako muna bahala dito. Wala pa naman bisita."

Pumasok muna ako sa kwarto at sinilip mula sa bintana ang lugar kung saan ako lumaki. Burado na sa lugar ang malawak na taniman ng tubo. Napalitan ng gasolinahan, kainan at malaking kapilya. Bilang na din sa daliri ang puno ng niyog na dati ay nakahanay sa tabing kalsada. Umuusbong na ang komersyo sa Doromal.

Tanaw ko sa malayo ang pagdating ng sinasakyan nina tatay. Napalitan na ng usok ang dating alikabok. Palabas na ako ng kwarto nang may mapansing kakatwang bagay.

"May baul pala ng kayamanan dito."

"Kayamanan talaga iyan. Buksan mo. Pukpukin mo na lang ang padlock hindi ko kasi alam kung saan nakalagay ang susi niyan."

"Matagal na itong hindi binubuksan?"

"Oo. Matanda pa iyan sa'yo. Nakatago lamang iyan. Ayaw makita ng tatay mo pero ayaw naman niyang ipatapon. Nito lang huli nakita kong hila-hila niya."

"Baka naman po bawal buksan."

"Pinupukpok niya na iyan. Ipinatigil ko lamang kasi maingay."

Libro, notebook, lapis, ballpen, panukat at iba pang gamit sa eskwelahan ang laman ng baul. Burado o malabo na ang nakasulat. Wala akong nakitang kakaiba bukod sa tatlong itlog ng butiki.

"May ginto po ba dito, lola?"

"Ang ipinambili niyan ang ginto. Gamit sa eskwelahan iyan ng tatay mo. Inilagay niya sa baul noong mamatay ang lolo mo."

"Wala naman po naikwento si tatay."

"Siguro dahil nahihiya. Medyo may kayabangan din kasi ang lolo mo. Porke nakapagpatapos ng Engineering e akala may asenso na agad. Pinangakuan ng kung anu-ano iyong inutangan ng pangtuition. Madami kasing award ang tatay mo kaya hindi imposible ang trabaho."

"Sabi naman ni tatay hindi siya nakatapos."

"Nakatapos siya. Kaso noong mag-aapply siya ng board exam hindi naman pala accredited ang APC. Kaya ang kinalabasan walang silbi ang pag-aaral niya. Nag-apela ang mga estudyante pero walang nangyari. Kasunod noon, inatake ang lolo mo. Ikinulong ng tatay mo sa baul ang lahat ng iyan."

"Kaya pala pursigido siyang kumuha kami ng Engineering kasi frustration niya dati. May pinagmanahan talaga si bunso."

"Bakit naman masyado mong ibinababa ang sarili mo? Aba, wala naman magiging cum laude kung hindi mo pinaaral."

"Number 1 fan talaga kita, La."

"Tsaka best in Religion ka naman noong elementary. Ikaw lamang nakagawa noon!"

"Kasi suki ninyo sa sapatos Liliw ang teacher."

"Huwag kang maingay hindi naman nila alam 'yon." Namiss ko si Lola at ang malutong naming tawanan.

"Andyan na pala sina Meyor at mga cum laude," putol ko sa usapan namin ni lola. Sinalubong ng mga kapitbahay ang pagdating nina, Meyor, Jovan at Tatay.

"Tuloy po kayo, Meyor," paunlak ni Lola.

"Maloko talaga itong si Obeth," panimula ni Meyor. "Kung hindi niya daw binigyan ng baon si Jovan malamang magna cum laude siya. Kinapos daw kasi ng pambili ng turnilyo ang kanyang technical thesis."

"Nanghihingi nga sa akin ng papel si tatay sa oras ng klase," banat naman ni Jovan. "Sa notes ko pa nakikireview."

Nagkatawanan sa buong bahay. Si nanay naman ay naluluha dahil natupad na ang pangarap niya na makatapos kaming lahat. Ako, si bunso at si tatay.


-wakas-