Skinpress Rss

Takipsilim



Ako ay nakangiti habang hawak ang larawan ni Mika. Umiling-iling habang pinagmamasdan ang tumapong tubig mula sa pitsel.

"Buti na lamang hindi ka nabuhusan ng tubig," wika ko sa larawang alam kong hindi iimik. "Punyetang lamesa. Mahina. Walang silbi." Hindi ko alam kung galit ako sa mesa o sa aking katangahan.

Nakatulog na pala ako habang nakaupo sa sahig. Nasa number five na ang maliit na kamay ng orasan. Hindi ko maaninag ang malaking kamay kung nasaan. Malinaw naman ang aking mata subalit ako ay namamanglaw kaya malabo ang aking nakikita.

Gumulong na palapit sa aking paa ang boteng hawak ko kanina. Katulad kahapon at noong mga nakaraan araw, napadami na naman ang ininom ko. Pila na ang mga bote sa tokador.

Sinubukan ko tumayo. Maingat. Mabagal.



"Wala kang silbi." Sinipa ko ang mesa na inasahan kong tutulong sa aking bumalanse kanina. Pero eto, bagsak sa sahig, durog ang plato, nakalat ang pagkain at tumilapon ang tubig sa pitsel.

Ibinalik ko ang larawan ni Mika sa pedestal. Lugar kung saan siya lamang ang espesyal. Malapit sa bintana na natatanaw ang malaking tangke ng tubig. Ewan ko ba, matagal na kaming magkakilala pero wala kaming larawang magkasama.


Ilang oras na lamang ay takipsilim na. Darating na si Mika kasama si Edgar. Magkahawak ang kanilang kamay at paminsan ay nakikita ko pa silang naghahalikan. Hindi nila alam na tanaw ko sila sa aking pwesto kahit natatakpan sila ng mga malagong damo.

Sa pamamayani ng dilim sa liwanag, pumupunta na sa upuan kahoy sa ibaba ng malaking tangke ng tubig si Mika. Ikukuwento ang mga bagay na ayaw ko namang marinig. Paulit-ulit. Kung hindi maganda ang kanyang tinig nagsawa na ako siguro. Masaya para sa kanya. Masakit naman para sa akin. Ang gusto ko lamang sa nangyayari ay magkasama kami at magkasabay uuwi.

"Tara na! Mapapagalitan ka na naman ng nanay mo."

"Ayos lang. Dalawa naman tayo." Mas malaki ng dalawang beses ang hakbang ni Mika sa natural nitong lakad. Alam kong takot din s'yang mapagalitan habang ako ay natatakot na naman maisangkalan sa pag-uwi namin ng gabi.

"Bakit ba naman kailangan sa takipsilim pa kayo magkita ni Edgar?"

"Nag-aaral daw kasi siya sa araw. Kailangan niyang matutunan ang gawain sa racho."

"Nag-aaral ba talaga?"

"Daryl.." Pinanlakihan niya ako ng mata.

"Wala kasi sa loob nya ang buhay racho." Hinila ko ang kanyang kamay para dumaan kami sa shortcut. Mas tipid ng ilang metro kumpara sa natural na daan papunta sa racho.

"Siguro. Kaya sumusunod na lamang siya."

"Kung hindi masarap magluto ang nanay mo hinding-hindi kita sasamahan sa ginagawa mong ito.."

"Hindi ka ba masaya para sa akin Daryl?"

"Hindi."

"Akala ko ba kaibigan kita? Kaya dapat supportive kita."

"Masaya ako kung hindi patakas. Hanggang kailan mo ito itatago?" Hinugot ko sa kasinungalingan ang sagot ko. Pinakamadali siguro sabihin ang hindi totoong damdamin.

"Dadating din tayo dyan. Ayaw pa ni Edgar ipaalam sa iba kasi baka paghiwalayin kami."

"Pansin ko, mas mahal niya ang kabayo."

Kung imumulat lamang ni Mika ang kanyang mata maiintindihan niya ang sinasabi ko. Pampuno lamang ng kulang na oras ni Edgar ang role niya. Mas mabuti pa ang teleserye sa TV, kahit paano ay may commercial o may bagong cast upang hindi maumay ang sumusubabay. Hindi tulad ng relasyon nina Mika na palaging replay. Walang pagbabago o wala talagang balak magbago. Si Edgar sobrang manhid. Hindi man lang siya ang gumawa ng effort para magkita sila ni Mika. Ganun siguro talaga ang pag-ibig, may isang manhid at isang martir.

Parang ako.

Martir.

"Ginabi na naman kayo?" Nasa may bakuran na agad ang nanay ni Mika. "Aba, napapadalas yata?"

"Ito po kasi si Daryl. Parang ngayon lamang nakakita ng paglubog ng araw."

Napakamot ako sa ulo. Ako pa ang naging dahilan. "Espesyal po kasi. Ngayon lamang linggong ito pwedeng titigan."

"Naku Daryl! Buti na lamang ikaw ang kasama ng anak ko kaya hindi ako nag-aalala. Pero huwag naman sobrang gabi. Maghiwalay nga muna kayo at maghain. Baka maiinggit ako sa inyong dalawa hukayin ko si Abner."

Nagkatawanan kami. Abswelto si Mika. Dalawang beses tumibok ng mabilis ang aking puso. Dahil
siguro sa kabang mabuko ang kasinungalingan o ang nararamdam ko para kay Mika.

Kahit siguro lumakad ng paluhod si Mika ay hindi mauubos ang kanyang kasalanan. Sari-saring dahilan ang ginawa niya makita lamang si Edgar.

"Hawakan mo itong itlog. Palagay ko ay bulok na." Lumapit ako sa kanya upang tingnan ang napulot niyang itlong ng manok.

"Kaya siguro iniwan na ng inahin."

"Bilis hawakan mo!" sigaw niya.

Hinila niya ang aking kamay upang iabot ang itlog subalit bago pa sumayad sa aking palad ay binitawan na niya. Nabasag sa aking paa ang bulok na itlog.

Kumikislap ang mata ni Mika mula sa aking pwesto. Labas ang ngipin niya habang pinagtatawanan ako sa ginawa niyang kalokohan. Tumakbo siya palapit sa tangke ng tubig. Walang na siyang ibang mapupuntahan para makaiwas kundi ang tangke. Sa una at pangalawang hakbang pikit ang kayang mata. Bago makarating sa gitna ay dilat na dilat at nakabuka ang bibig sa mangha. Sa unang pagkakataon nagawa niyang umakyat sa paborito kong lugar. Tanaw ang kalawakan ng racho. Ang ganda ng Lipa sa kalayuan. Ang tamis ng pinaghalong lamig ng hangin at init ng araw.

"Mika."

"Daryl?"

"May sasabihin sana ako."

"Gaganti ka siguro no?"

"Hindi."

"Ano?"

"Wala ba talagang pag-asa?"

"Daryl..."

Alam ko na ang sagot. Si Edgar. "Tingnan mo ang ulap dun kahugis ng tenga mo!" Hindi agad lumingon si Mika. "Itong sa kabila! Parang..." Hinila ko siya.

Mabilis siyang bumaba ng tangke. Hindi ko siya naiiwas sa hindi niya dapat makita. Ang katotohanang matagal kong itinago dahil ayoko siyang masaktan. Dumilip ang ulap. Babagsak ang ulan. Patakbong bumaba ng tangke si Mika.



"Edgar? Bakit?"

"Sino siya?" tanong ng babae.

"Wala. Kaibigan ko. Si Mika." Kinabig ni Edgar palapit sa kanyang balikat ang babae at humakbang palayo.

"Manloloko!" Gumilid ang luha ni Mika. "Pinaasa mo ako!"

Humarap si Edgar. Hinayaan munang makalayo ang kasama. "Hindi kita niloko. Wala akong binitiwang salita. Ang umaasa lamang ay ang pinangakuan. May natatandaan ka?" Nakahihiwa ang bawat salita ni Edgar.

Nagpupuyos ako sa galit pero inalala ko si Mika. "Minahal ka ng kaibigan ko, Edgar."

"Andyan ka naman palagi 'di ba? Para sumaklolo. Now, prove your worth. This is your chance. Malay mo magpasalamat ka pa sa akin." May ibig sabihin ang salita ni Edgar kaya hindi ako nakapagsalita. "Aalis na kami in 3 days. Balitaan mo ako."

Bagsak si Mika sa lupa. Ang kaninang matigas at nakatikom kong kamay na sana ay para kay Edgar, ngayon ay lumambot at umalalay kay Mika. Mabigat ang bawat hikbi. Nakalulunod ang patak ng kanyang luha.


Sarado na ang pintuan ng bahay nina Mika para sa akin. Umalis na si Edgar. Wala ng dahilan para makasama ko si Mika mamasyal. Tuyo na ang damo sa racho. Mainit na ang hangin. Nakapapaso ang tubig sa bukal.

Lagi akong nakatanaw sa kanila. Madalas hinabol palabas si Mika. Marahil pinagbawalan ng makipagkita sa akin. Siguro nga. Madalas daw itong umiiyak mula noong hinatid ko siya pauwi.

"Anong ginawa mo? Minahal ka ng anak ko..."

Hindi ako kumibo. Hinawakan ko ang kamay ni Mika. Inalalayan. "Babawi po ako. Pangako."

Sana totoo ang kasinungalingan. Sana ako nga ang mahal niya. Wala sanang nasaktan.

Umakyat kami ng tangke ni Mika tulad ng nakagawain. Tahimik lamang siya. Nakamasid. Minsan may luha. Hawak niya ang pinitas kong bulaklak sa daan.

"Hindi ka nawala kahit ilang beses kong tinanggihan ang pagmamahal mo." Nagulat ako. Biglang nagsalita si Mika. Ngumiti siya. "Paalam."

Itinulak ako ni Mika palayo sa kanya. Isinaboy ang bulaklak sa alapaap at pikit matang tumalon mula sa kinatatayuan.

-wakas-