Skinpress Rss

Hiling - Isang Dagli


credits to orig owner
Hiling

Sobrang simple lamang ang hiling ko tuwing pasko pero tila sobrang hirap at hindi makayanang ipagkaloob sa akin. Mula pa pagkabata idinasal ko na iyon. Hindi ko sinubukang magsabit ng medyas sa likod ng pintuan o christmas tree dahil hindi naman kasya hiling ko. Malabong magkasya si Tatay sa medyas. Dapat siguro sako o balde.

Kinalimutan ko ang pasko matapos ang limang taon ng aking paghiling. Kinalimutan ko na si Tatay. Hindi ko na nga matandaan ang kanyang mukha. Naiwan sa lumang bahay ang mga larawang pwedeng magpaalala sa akin. Naniwala ako kay Nanay na huwag umasa sa imposible.

Sa paghahangad ako ng mga bagay na makabubuti sa buhay namin ni Nanay ay nakalimutan ko na ang pagiging mabuti. Nakalimutan kong maging patas. Nilamon ako ng karangyaan. Hindi sumikip ang aking bulsa. Naghangad ako ng sobra sa dapat. Nakalimutan ko ng maging masaya.

Araw ng pasko. Umuulan. Ibinili ko si Nanay ng gusto niyang daster habang pumili siya ng kurtina. "Bilhin mo na ito! Matutupad ang hiling mo," alok ng hindi katandaang lalaki na may bihis pulubi.

Nagtawa ako. "Paano kung ang hiling ko ay mapangasawa ko si Britney Spears?"

"Matutupad pero malamang sa panaginip." Nakatawang niyang sagot. Itinapat niya sa aking mukha ang kumikinang na bakal. Pinatama dito ang matinding sikat ng araw upang manlabo ang aking paningin. Itinakbo niya ang coin purse na hawak ko kapalit ang isinilid na bakal sa paper bag na bitbit ko.

"Loko!" sigaw ko. "Tara na 'nay. 'Nay, bakit?"

Kinusot ni Nanay ang dalawang mata. "Anong nangyari sa kanya? Tuluyan na siyang nilamon ng bisyo."

"Kilala mo siya?"

"Si Rupert... "Isang pamilyar na pangalan na minsan naging laman ng mga dasal at hiling ko. "Ang tatay mo."



-wakas-