Skinpress Rss

Pader - Maikling Kwento



Sumisirkong itinapon ng hangin ang malaking sanga ng puno sa daan na kung may tao ay tiyak masasaktan. Wala sa plano ko ang umalis subalit may mga gamit na dapat isalba sa project site sa Padre Garcia. Malaking pinsala ang idudulot ng ulan kung hindi ko isasalba ang mga gamit sa construction.


Unti-unting nabubura ang daan ng tambak ng basura at putol na sanga ng puno. Imposibleng hindi tatamaan ng bagyo ang lugar namin tulad ng ibinalita sa TV kanina. Parang magnet na humigop ng hangin ang lahat ng madaanan sa paligid at tila batang suwail na binitawan kung saan matipuhan ang tinangay na bagay. Nakakubli naman sa maitim na ulap ang nakaambang na kapahamakan habang naglilibang pa ang hangin sa pagsalanta ng paligid.


"Ninong idol!" Tumakbo si Omar habang kumakaway palapit sa akin. Napakunot ang noo ko sa pag-aalala sa aking inaanak dahil segundo lamang ang pagitan ng kanyang paglitaw sa malaking sangang ibinato ng hangin. Ano na naman kaya ang nagtulak sa kanya upang suungin ang panganib?

"Sakay! Ihahatid na kita pauwi. Ano pang ginagawa mo sa labas? Delikado na."

"Medyo natagalan po ako sa paglilipat ng mga alaga. Bumuhol po kasi ang tali ng mga kambing sa ugat ng puno. Ikaw Ninong idol, mukhang may lakad ka pa?"

"May aayusin lamang ako sa Padre Garcia tapos babalik din agad. " Iniabot ko kay Omar ang baon kong kapote. "Hindi ka man lang nagdala ng payong."

"Ninong bilib talaga ako sa pader! Kung hindi dahil sa pader malamang nabagsakan ng malaking puno ang mga kambing." Napangiti ako ng bahagya sa kapirasong alaalang binanggit ni Omar. Mahigit dalawampung taon na din palang nakatayo ang pader na pinagtulungan naming itayo ng kapatid ko noong mga bata pa kami.

"Mag-iingat ka! Ikumusta mo na din ako sa iyong ama!" Malaki ang respeto ko kay Manong Rolly bukod sa kumpare ito ni Erpat ay madami itong naiturong diskarte sa akin na hindi matutunan sa paaralan.

Utang ko sa ama ni Omar kung ano ako ngayon. Tuwing bakasyon ay isinasama niya kami sa mga construction site para magkaroon ng pera sa darating na pasukan. Sampung taon ako noon at kadalasan paghahalo ng semento ang ginagawa namin magkapatid. May pagkakataon na wala kaming lakas ng loob pumasok dahil alam namin na pabigat lamang kami. Ang ibinabayad sa aming dalawang ay katumbas na ng isang productive na trabahador. Palibhasa ay kumpare ni Erpat ang ama ni Omar hindi nito magawang tumanggi. Sa pagtagal ng mga araw natutunan namin ang dapat naming gawin. Bago sumapit ang pasukan, naitayo naming magkapatid ang pader na naghihiwalay sa aming barangay at sa Natu. Sa bawat pagdaan ko doon ay naging inspirasyon at sa tuwing panghihinaan ako ng loob ay binabalikan ko ang mga pinagdaan ko bago na buo ang pader hanggang sa makatapos ako ng Engineering. Sayang nga lamang hindi kami binigyan ng pagkakataon magkasama muli sa trabaho.

Nakalatag na noon ang malaking project para sa akin at sa ama ni Omar. Makatatanaw na sana ako ng utang na loob sa kanya subalit bigla na lamang siyang na-stroke sa mismong araw ng binyag ni Omar. Naging mailap ang kabuhayan kay Omar noong maging baldado ang kanyang ama. Pag-aalaga ng hayop ang kanilang naging kabuhayan na kung ihahalintulad sa pangongontrata ay sobrang bagal pagkakakitaan. Ang red carpet na pinangarap niya para kay Omar ay naging damuhan.

Bumuhos ang malakas na ulan pagsapit ko sa site. Sinalubong agad ako ng lumilipad na plywood at nakipag-agawan pa ang putik sa suot kong bota. Mukhang malabo akong makauwi agad. Tinungo ko agad ang mga sako ng semento at binalot ko ng baon kong tolda. Itinali ko ang mga bagay na posibleng maanod ng tubig palayo. Sinigurado kong walang malilipad na bagay para hindi pagmulan ng aksidente. Pinaghalong pawis at ulan ang tumutulo sa aking noo bago ko natapos ang aking pakay. Ngayon ko na lamang ulit naramdaman ang pagod na madalas kong maranasan noong bata pa ako sa tuwing magpapala ako ng semento.

Madilim at galit na galit ang panahon bago ako nagpasyang umalis. Tinamaan ng ilaw ng sasakyan ang kubong nagsilbing tambayan namin ng aking mga kababata. Tuluyan na itong bumagsak dala ng malakas na hangin at katandaan. Tila nainip na din sa pangakong babalikan sa pag-uwi ng mga dating kong kalaro. Mahigit limang taon na din pala kaming hindi nagkikita-kita dahil sa iba't ibang priyoridad.

Lubog na din sa baha ang basketball court na kaninang umaga ay punong-puno pa ng mga batang naghihintang ng pagkakataong makahawak ng bola mula sa huling tumira. Higit sa labing lima siguro ang nag-aagawan sa iisang bola.

Wasak na ang pader na kanina ay pinag-uusapan namin ni Omar. Hindi na nito kinaya ang bigat ng nabuwal na puno. Humarang sa daan ang kabuuan ng mangga kaya hindi ko nagawang lumampas at nagpasyang maglakad pauwi. Napailing na lamang ako sa pinsalang idinulot ng bagyo sa aming lugar.

"Ninong idol!" Kabaligtaran ang kilos Omar palapit sa akin. Ang kaninang masigla at aktibong bata ngayon ay matamlay. Niyakap niya ako habang umiiyak. "Si Itay... inatake.."

Ang pinangarap na red carpet ni Manong Rolly kay Omar ngayon ang nakalatag sa kanilang sahig ngunit ito ay para sa kanya na. Kung hindi sana ako umalis ay mabilis sanang naisugod sa hospital ang ama ni Omar. Lumuluha na pala ako bago ko pa napansin nakatingin sa akin si Omar.

"Bumagsak na po ang pader," wika niya. Iniidolo ko ni Omar dahil kahit bata ako noon ay nagawa kong makapagbuo ng matibay na pader. Ngayon gumuho na ang pader hindi ko alam kung mababago ang pagtingin niya sa akin. "Noong nalagutan si Itay ng hininga bigla na lamang din bumagsak ang pader."

Niyaya ko palabas ng bahay si Omar para mahimasmasan. Sa mura niyang isip masyado na siyang dinadala. Kumpara sa akin mas mahirap ang naging kalagayan niya. "Ang lahat ng nandito sa mundo ay may hangganan. Ang pader at iyong ama sapat na ang naging papel sa mundo. Hindi natin alam na ang mga malungkot na pangyayaring ito ay oportunidad para sa ibang tao."

"Paano po ako? Hindi ko na po alam ang gagawin."

"Tandaan mong ang pader ay produkto ng malakas na tao. Malakas ang iyong ama at ako ang naging produkto niya. Ang pader na hinahangaan mo ay bahagi ng determinasyon o ng kagustuhang sukliin ang nagawang mabuti. Naging malakas ako dahil sa iyong ama. Ang iyong ama ang tunay na idol. Pero ngayon, ako ang pader. Nandito ako para sa'yo. Hindi lamang para maging sandalan kundi pati na din para maging gabay mo. Malay mo ang pagkawasak ang pader ay isang oportunidad para sa iyo para maging bahagi sa pagkabuo muli nito."

Sa pagpanaw ni Manong Rolly, nabigyan ako ng pagkakataong tumanaw ng utang na loob. Itinatak ko sa isip ni Omar na ang pagguho ang pader ay hindi din nangangahulugan ng pagguho ng mga pangarap.

-wakas-