Skinpress Rss

Hindi na Sana ako Lilingon


"Huwag na Tikboy!"

Hindi na sana ako lilingon kung hindi ko nadinig sumigaw ang babaeng may malaking ribbon sa bewang. Sa unang pagkakataon may isang naglakas loob pigilan ang galit ng lalaking sinasabing walang kinatatakutan. Sa tuwing makikita ko si Tikboy na tumatakbo hindi na bago kung may mababalitang gulo. Hindi na bago kung may pasa siya o may napilayan siyang kaaway. Ang malaking peklat niya sa mukha ay palatandaan na minsan na siyang nasangkot sa matinding basag ulo.

Sarado ang isang kamao ni Tikboy habang hawak ang ulo ng matandang lalaking may duguang mukha. Halos magpalit ng pwesto ang kanyang dalawang kilay sa tindi ng galit sa kaharap. Lahat ng saksi ay naghihintay ng sunod niyang kilos.

Matagal din bago ko isinara ang aking bibig. Pikit mata naman ang matanda na hinahabol ang kanyang hininga. Sa dinami dami nga naman ang tao, malas siguro na si Tikboy pa ang nasalubong niya sa daan.

Hinintay muna ni Tikboy pumatak ang dugo mula sa pisngi ng matanda bago niya binitawan. Umiling pa siya na tila nanghihinayang na hindi sumayad ang ubod sanang lakas na suntok. Sa palagay niya ay sapat ang isang suntok para ihatid ang may pitong dekadang edad sa punerarya. Sa dismaya ay hinila na lamang niya ang bag na hawak ng nakaluhod na kaharap.

Sa itsura ng matanda wala man lang nakaisip tumulong. Maging ako na saksi sa pangyaring habulan ay hindi nagtakang itayo ang sugatang lalaki. Kilala si Tikboy sa aming lugar, palibhasa ay patapon na ang buhay ay hindi na ito natatakot sa anumang kakaharaping panganib. Kahit kupas na ang tattoo niya sa katawan at matagal na ding nanahimik ang aming lugar ay hindi pa din mabura ang mga ginawa niyang panggugulo kahit taon na ang lumipas.

Ang sabay-sabay na mga bulong ay imposibleng hindi na madinig. "Bakit nga ba pinag-initan ni Tikboy ang matanda?" tanong ng isang usyoso.

"Para naman bago ang nangyari sa'yo? Kahit naman walang dahilan basta nanakit yan!" sabat ng isa pa.

"Tarantado talaga! Hindi pa kinaawaan at balak pa yatang patayin!" pailing-iling pang sambit ng babaeng may bitbit na plastik ng gulay na pinamili.

"Kapag umabot sa ganyang edad si Tikboy palagay ko ay gaganti ang apo ng matandang 'yan. Sisipasipain lang siya."

"Iyon ay kung aabot pa siya!"

"Sabagay."

"Hindi na ako magtataka kung bukas, makalawa bigla na lamang bumulagta yan!"

"Buti may umawat no?"

"Huwag nga kayong maingay baka madinig pa kayo ng demonyong 'yan!


Napailing na lamang ako. Sa halip na tumulong ay nagawa pang gumawa ng tsismis. Pero kung hindi ko nasaksihan ang pangyayari ganun din siguro ang iisipin ko. Hindi na kasi bago ang panggugulo ni Tikboy. Huhusgahan ko di s'ya. Natural na ang ganun sa Pinoy. Sa tao.

Bakit nga ba walang nakaisip mag-usisa ng nangyari? Kung bakit hinabol ni Tikboy ang matanda? Kung bakit duguan at kung bakit nakinig si Tikboy sa babaeng may higanteng ribbon?

Dahil masamang tao si Tikboy.


Hindi na sana ako lilingon kung hindi ako nabangga ng matanda sa kanyang pagtakbo para takasan si Tikboy. Nawala sa balanse ang humahangos na lalaki kaya nadulas ito at tumama ang ulo sa pader. Nahuli siya ni Tikboy at akmang susuntukin pero pinigilan na siya ng babae.

Hindi na sana ako lilingon pero nabigla ako sa ginawa ni Tikboy. Ang hinila niyang bag na hawak ng matanda kanina ay ibinalik niya sa babaeng may ribbon na siyang nagmamay-ari.

-wakas-