Skinpress Rss

Dalawang Hiling





Umiiyak na naman si Inay sa taong labis kong kinamumuhian. Hindi nararapat ang luha niya sa isang lalaking piniling magpakaduwag. Kahit itanggi niya ay madali mahalata. Ang kayang itago ng ngiti ay makikita sa mata. Hawak niya ang larawang matagal ko ng ipinapatapon. Larawan ng aking amang tumakas sa obligasyon.

"Iniiyak mo 'yan? Iniwan nga tayo, 'di ba?. Kung hindi pa nagbigay ng malaking halaga si Hernan noon hindi ko alam kung saan tayo pupulutin!"

"Hindi Hector! Hindi niya tayo pinabayaan."

"Hindi pagpapabaya ang pagkitil sa sariling buhay at iwan tayo? Hindi na nga nakakatulong, dumagdag pa sa abala." Bago ko pa nakuha ang larawan ay nahulog sa kanyang kamay ang isang sulat.



Nessy,

Sabi nila kapag natapos mo ang siyam na misa ng simbang gabi ay pwede kang humiling. Nakakatawa pero sumakay na lamang ako. Tumingala ako sa langit at pumikit, hiniling kong maging maayos ang buhay ng aking pamilya, bagay na hindi ko hiniling nung unang beses kong natapos ang siyam na simbang gabi.

Ang una ay noong katatapak ko lamang ng edad na trenta y singko, unang beses kong humiling ng para sa aking sarili. Pinangarap ko na magkaroon ako ng babaeng makakasama habang buhay. Palibhasa ay mahaba ang naging obligasyon ko sa aking mga kapatid at magulang ay nakalimutan ko na ang aking sarili. Ang kasiyahan at pagkakataong mahalin. Hindi ko na maalala noon kung kailan ako huling naging masaya sa piling ng isang babae. Minsan ko na kasing ipinagpalit ang aking kasintahan sa obligasyon ko sa aking pamilya. Kaya hindi ko maiwasang mainggit sa masayang pamilyang kasabay ko sa pag-uwi. Napakatamis ng kanilang mga ngiti. Nakakainggit ang kanilang mga tawa. Ang binili ko ngang bibingka ay pasalubong ko sa aking pamangkin dahil wala naman akong anak na sasalubong sa aking pag-uwi at wala ding asawang yayakap at babati ng maligayang pasko.

Bago pa ako makasakay ay may mga batang lumapit sa akin para humingi ng papasko, sapat lamang sa tatlong bata ang barya sa aking bulsa. Anak iyon ng kaklase kong si Roberto. Pagkabigay ko ng pera ay para silang tinangay ng hangin palayo.

Sa aking muling pagharap sa sakayan ay may babaeng biglang lumapit sa akin. Sa bihis at itsura nito ay malayo sa pagiging pulubi. Hindi ko alam kung naliligaw o umalis ng bahay. Batid ko ang gutom sa kanyang itsura. Ang kanyang mukha ay halata na ang pagod. Inalok ko siya dala kong bibingka at hindi naisipan tumanggi.

"Hindi ka tagarito?" Tumango lamang siya.

Hindi ko alam na ang babaeng iyon na pala ang sagot sa aking hiling. Ang isang araw na pagpapatuloy ko sa aming bahay ay naging habang buhay na. May matatawag na akong tahanan. Bagamat nasa kinse ang agwat ng edad ay hindi naging imposible ang pagtanggap. Kinalimutan ko ang iyong nakaraan. Hindi ko na binalikan ang pag-alis mo sa iyong mga magulang. Ang mahalaga, may bagay na tumutulak sa akin para pagbutihan ang antas ng buhay dahil may ngiti palagi sa aking pag-uwi na may halo pang pananabik. Ginawa ko ang lahat para buhay ay iangat. Kasiyahan palagi ng pamilya ang aking hangad.

Nessy, sino nga ba ang hindi mangangarap ng isang masayang pamilya? May pipili ba ng magulo? Hangal lamang siguro. Kahit sa panaginip hindi ko inakala sa pagtagal ng pagsasama ay parang may pader na nabubuo sa ating dalawa. Tumataas pa ito sa bawat araw. May mga sumbong pa aking kapatid sa mga kakaibang bulong sa lingkod ng dingding. Hindi ako nagtanong. Hindi ako nag-usisa. Napagod ka lamang siguro sa mga alitan natin. Subalit maaring ang pagod nalulutas ng pahinga pero ang duda kahit linisin hindi mabubura. Mahal kita kaya umasa akong magbabago ang lahat.

Hindi ako humihingi ng sukli sa mga ginagawa ko bagkus pang-unawa kung may pagkukulang pa ako. Ramdam ko rin ang paglayo ng loob ni Hector sa akin. Inaamin kong nawalan ako ng oras para sa kanya. Nakaalis na ako kapag magigising siya at tulog naman kung uuwi ako. Sinubukan ko pero talagang hindi umayon ang lahat sa plano. Nagpundar ako. Nakabili ako ng maliit na lupain na plano pagyamanin namin ni Hector pero wala sa plano niya ang magbukid. Sabagay, masyadong matalino ang anak natin para maglinang ng isang maliit na bukirin.



Patawad kung madalas na akong hindi makalabas para magtrabaho nitong nakaraang buwan. Unti-unti ko nang nararamdaman ang aking katandaan. Gusto ko sanang bumawi. Gusto ko ng oras kasama kayong dalawang ni Hector. Gusto kong maramdaman na masaya ang ating pamilya. Subalit bigo ako. Tila isa akong pabigat na sa iyong dalawa. Hindi biro ang gastos ni Hector sa tuwing kailangan ko ng serbisyong medikal.

Tatlampung taon na pala simula ng makilala kita Nessy. Mali siguro ang aking akala na ikaw ang sagot sa aking dasal. Binigyan ko lamang siguro ng laman ang pinakita mo sa akin. Dapat siguro nakakatandang kapatid na lamang ang naging papel ko at hindi na naghanggad ng pamilya. Mali din sigurong nagpanggap akong ama ni Hector, hindi sana siya nahirapan sa obligasyon ngayon..

Kakatapos lamang ng simbang gabi. Hiniling ko ang maayos na buhay ng aking pamilya. Sa aking pagpanaw, ang aking pensyon ay maari n'yong magamit para sa panimula. Kung inaalala ninyo ang gastos sa libing, nakausap ko na si Hernan na dadalhin n'ya ang pera sa mismong araw ng pasko. Ang naipundar kong lupain na inakala kong ikatutuwa ni Hector magbukid, ay natipuhan ni Hernan. Kesa nga naman nakatiwangwang lamang ay mabuti pang ibenta para makinabangan.

Patawad sa dagdag na aberyang aking ginawa. Ang pagkitil na lamang ang alam kong paraan para maging maginhawa ang inyong buhay. Hindi ko alam kung may papatak sa inyong luha. Hindi ako takot mamatay para sa inyo. Ang lubos kong kinatakutan ay ang sagot sa tanong na, "Minahal mo ba ako Nessy?" Hindi ko kasi naramdaman o nadinig.


Matagal bago ko naisara ang aking bibig sa pagkabigla. Hinawakan ako ni inay, pinahid ang aking mga luha. Hindi ko alam kung magagalit ba ako o hahanga. Pero huli na ang lahat.

----
Late :D dapat nung noche buena to. Nakatulog lang